Ang Pamilyang Masagana

84 2 0
                                    

Sa Barangay Dos, may isang pamilyang naninirahan sa munting lupain. Malayo sila sa mga kapitbahay. Maraming pilapil ang tatawirin bago marating ang sentro ng baryo. Ang bahay nila ay isang perpektong halimbawa ang bahay kubo. Agrikultura ang ikinabubuhay nila. Sila ang pamilyang Masagana.

Nagtutulungan silang mag-anak sa mga gawaing-bahay, pagtatanim, at paghahayupan. Tinuruan nina Misis Masagana at Mister Masagana ang kanilang mga anak na sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong.

Sina Mameng at Moymoy ang tagasalok ng tubig sa balon. Sina Mimi at Mongmong naman ang tagadilig ng mga tanim nilang gulay.

Sabay-sabay rin silang mamimitas ng mga gulay, gaya ng talong, okra, sitaw, kalabasa, bataw, patola, upo, sigarilyas, kamatis, labanos, pechay, kangkong, alugbati, malunggay, kulitis, talbos ng kamote, sili, at saluyot.

Sama-sama rin silang aani ng mga halamang-ugat, gaya ng mani, ube, gabi, kamote, uraro, at kamoteng kahoy.

Minsan, tuwang-tuwa silang nanunungkit o umaakyat sa puno upang kumuha ng mga hinog na bunga nito. Meron silang papaya, mangga, santol, duhat, kalamansi, guyabano, avocado, atis, langka, lanzones, sampalok, kasoy, suha, at rambutan.

Meron din silang mga tanim na kawayan sa likod-bahay, kung saan napagkukunan nila ng pambakod at labong.

Meron din silang iba't ibang uri ng saging, gaya ng lakatan, saba, at señorita.

Sa isang bahagi ng kanilang bakuran, mayroon silang munting palaisdaan. May alaga silang hito at tilapia.

Tuwing umaga at hapon, pinatutuka nila ang mga manok, itik, pato, gansa, at pabo. Pinasasabsab nila ng damo ang mga kambing, kalabaw, at baka. Pinapakain at pinaliliguan din nila ang mga baboy.

Ang pamilyang Masagana ay hindi lang masagana, kundi masaya pa dahil kuntento na sila sa buhay nila nang sama-sama.

"Ang dami nitong naani natin. Sobra-sobra ito para sa atin," sabi ni Misis Masagana.

"Gaya ng dati, mga anak, ilalako ninyo ang iba sa baryo," sabi naman ni Mister Masagana.

"At ipambibili ng asukal at mga sangkap," sabi ni Mameng.

"Ng de-lata," sabi ni Moymoy.

"Ng bigas," sabi ni Mimi.

"At ng iba pa nating kailangan," sabi naman ni Mongmong.

"Tama! At ang iba ay pambaon ninyo sa eskuwela!" dagdag ng ina.

"O, sige na! Galingan uli ninyo ang pagbebenta," sabi ng ama. Isa-isa niyang binigyan ng bilao ang mga anak.

Masayang tumulay-tulay ang magkakapatid sa mga pilapil. Masaya ang mga magulang nila habang pinagmamasdan sila palayo.

"Sigurado ako, masasaya na naman silang uuwi mamaya," sabi ni Misis Masagana.

"Oo. Sana patuloy tayong masaya at kuntento sa ating munting paraiso," sabi ni Mister Masagana.

Sa baryo, sama-samang naglako ang magkakapatid. Marami ang bumili sa kanila dahil bukod sa sariwa ang kanilang mga gulay at prutas, mura pa ang mga ito.

Tuwing walang pasok, ang magkakapatid ang naglalako ng mga gulay at prutas sa baryo. Masaya nilang ginagawa ito upang makatulong sa kanilang ina at ama.

Subalit, isang araw, malungkot na umuwi sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong.

Napansin iyon nina Misis at Mister Masagana.

Pagkaabot na pagkaabot ni Mameng ng perang napagbentahan, pumunta na siya kusina. Si Moymoy ay pumunta sa balon. Si Mimi ay nagtungo sa hardin. At si Mongmong ay pinuntahan ang alaga nilang kalabaw.

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon