Tuwing papasok si Ginang Ludovico sa Grade Six-Acapulco, magpapaalam na si Rico para magbanyo.
Agad namang magtuturo ang guro at hindi na niya mamamalayang hindi pa pala nakakabalik si Rico.
Araw-araw, ganoon ang ginagawa ni Rico. Bumabalik siya kapag alam niyang tapos nang nagturo si Ginang Ludovico.
Minsan, hindi pinayagan si Rico na magbanyo.
"May babasahin akong kuwento," paliwanag ng guro. "Makinig ka muna, Rico. Pagkatapos, saka ka pumunta sa banyo."
Nakinig nga si Rico. Maluha-luha pa nga siya pagkatapos marinig ang kuwento. At nakalimutan na niyang magpaalam sa guro.
"Ngayon, basahin nga ang mga pangngalang ginamit sa kuwento."
Isa-isa at sabay-sabay na binasa ng mga bata ang mga salitang nakasulat sa pisara.
"O, Rico, hindi ka nagbabasa. Sumunod ka sa kanila," utos ng guro.
Bumaka-buka naman ang bibig ni Rico.
Isang araw, may napagtanto ang guro nang magpaalam si Rico.
"Aba, namimihasa ka na yata, Rico! Banyo ka nang banyo. Lagi kang wala tuwing nagtuturo ako. Bakit doon ka ba natututo?" pagalit ni Ginang Ludovico.
Napayuko na lang si Rico habang kumakamot sa kaniyang ulo.
"Ma'am, hindi po talaga siya nagbabanyo, kundi nagtatago," sabad ni Pacundo, ang kaklase ni Rico.
"Nagtatago? Bakit ka nagtatago?" tanong ng guro.
Hindi na mapakali si Rico. Tiningnan niya nang masama si Pacundo.
"Hindi po kasi siya marunong magbasa," sagot ni Pacundo.
"Opo, Ma'am, natatakot po siyang malaman ninyo. Hindi po siya makabasa kahit sa Filipino," dagdag pa ni Cielo.
"Totoo?" tanong ng guro.
"Opo, Ma'am, kahit pabasahin pa ninyo," sagot ni Cielo.
Parang kinurot ang puso ni Ginang Ludovico. Naawa siya kay Rico. "O, sige, sa susunod huwag ka nang magtatago sa banyo. Narito ako para turuan ka at mapatuto. Huwag kang mahiya kung hindi ka marunong bumasa kahit sa Filipino. Kayo, mga kaklase ni Rico, itigil ninyo ang panunukso. Makababasa si Rico. Naniniwala ako. Naniniwala rin ba kayo?"
"Opo!" sabay-sabay na sagot ng Grade VI-Acapulco.
Kinabukasan, hindi pumasok sa klase si Rico. Naisip nilang napahiya ito.
Lunes na nang pumasok si Rico. Tahamik ito, pero hindi na ito nagpapaalam para magbanyo.
Gaya ng dati, kaagad na nagturo ang gurong tagapayo ng Grade Six-Acapulco.
Nakikinig naman si Rico, kaya tuwang-tuwa si Ginang Ludovico. Naniniwala siyang matututo pa ito.
Bago natapos ang pagtuturo, naisip ni Ginang Ludovico na maglaan ng oras para maturuang magbasa si Rico.
Kinausap niya si Rico. "Ayos lang ba sa iyo?"
Tumango lang si Rico.
"Sige, kakausapin ko ang Papa o kaya Mama mo para malaman nila ang tungkol dito."
Nanginig bigla ang mga kalamnan ni Rico. Kahit nginitian siya ni Ginang Ludovico, hindi pa rin nawala ang kaba niya nang siya ay nakaupo na.
Sa araw na iyon, buong araw na hawak ni Rico ang libro niya sa Filipino.
Natutuwa si Ginang Ludovico, na makita itong nagbubuklat ng aklat. Hindi man niya marinig ang mga salita sa mga labi nito, alam niyang sumusubok magbasa si Rico.
"Bukas, ha, isama mo ang magulang mo," paalala ng guro kay Rico.
"Opo!"
Kinabukasan, agad na hinanap ni Ginang Ludovico si Rico.
"Absent ba?"
"Ma'am, nakita ko po siya kanina bago nag-flag ceremony?" sagot ni Anthony.
"Ha? Sigurado ka?"
"Opo! Sigurado po ako."
"Sandali lang, ha? May pupuntahan lang ako," paalam ni Ginang Ludovico.
Bago pa siya nakalabas sa silid-aralan, dumating na ang ina ni Rico.
"Magandang umaga po, Ma'am Ludovico!" bati nito.
"Magandang umaga rin sa iyo, Ginang Girado! Upo muna kayo." Itinuro niya sa ina ni Rico ang silya sa kanto ng kuwarto.
"Hananapin ko muna si Rico. "
"Po? Nauna pa po siyang umalis. Sabi ko nga, sabay na kami," nag-aalalang wika ng ina.
Nginitian ni Ginang Ludovico ang nanay ni Rico. "Huwag po kayong mangamba, Misis. Alam kong nasa banyo lang siya, gaya ng ginagawa niya araw-araw sa period ng Filipino. Bastapagsumikapan mong matuto."
"Sige po."
Gusto nang magalit ni Ginang Ludovico dahil sa ginawa ni Rico. Para kasi sa kaniya sayang ang bawat minuto, na ikatututo sana ng Grade Six-Acapulco. Pero, kailangan pa niyang magtago at magpasundo.
"Naku, kung puwede lang sanang mangurot, ginawa ko na sana kay Rico," naiinis na bulong ng guro, habang patungo siya sa banyo.
Maingat na sumilip si Ginang Ludovico sa pinto. Nagulat siya nang wala roon si Rico. Nainis siyang lalo. Naisip niyang baka nasa isang banyo.
Paalis na siya nang tila naulinig niya ang tinig ni Rico. Saka lang niya naalalang baka nasa loob ng cubicle.
Maingat at marahan niyang tinungo ang kinaroroonan ng tinig. Pero, bago pa siya nakalapit, nasigurado niyang ang kaniyang naririnig ay si Rico. Nagbabasa ito.
"Lumi... pad sa himpa... pawid ang... ang ibon..."
Mangiyak-ngiyak na pinakinggan ni Ginang Ludovico ang pagbabasa ni Rico. Labis ang kaniyang ligaya sa pagsusumikap nito.
Dagli siyang bumalik sa silid-aralan.
"Hindi niyo po nakita si Rico?" tanong ng ina nito.
"Misis, nakababasa na si Rico. Salamat po sa pagbisita ninyo!"
Nabigla ang ina ni Rico, gayundin ang buong Grade Six-Acapulco, ngunit lahat sila ay natuwa at humanga.
Nagtuloy-tuloy ang pagsusumikap ni Rico, kaya nakasama siya sa mga tumanggap ng diploma sa entablado.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.