Laylay ang balikat na naglalakad patungo sa karnabal si Lolo Isko. Bitbit niya ang kanyang pulang kulot na peluka at asul na malalaking sapatos.
"Lolo Payaso, Lolo Payaso, nakakalbo!" tukso nina Bino, Toto, at Miyo.
Yumuko na lamang si Lolo Isko. Siya ay dumiretso.
"Lolo Payaso, nakakalbo! Lolo Payaso, kapag walang wig sa ulo, mukhang gago. Lolo Payaso, nakakalbo, kapag may wig sa ulo, parang siraulo!" sabay-sabay na awit ng tatlo.
Nakalayo na si Lolo Isko, ngunit hinabol pa rin siya nina Toto at Bino.
Inagaw ni Toto ang peluka ni Lolo Isko.
Hinablot naman ni Bino ang sapatos ng payaso.
"Akin na ang wig at sapatos ko!" singhal ni Lolo Isko.
Nagtawanan ang dalawa, sabay takbo.
"Habulin mo kami kung kaya mo," sabi ni Miyo, habang hinaharangan ang lolo.
Nang makalayo na sina Bino at Toto, saka tumakbo si Miyo.
Hinabol ni Lolo Isko ang tatlo. Sila ay patungo sa paanan ng Bundok Engkanto.
Sa ilalim ng matataas na puno, napahinto si Lolo Isko. Pagod na pagod siya. Ang pawis niya ay tumutulo.
"Mga bata, akin na ang peluka at sapatos ko!" sigaw ng lolo.
Malilit na boses ang narinig niya. Humihingi ito ng saklolo.
"Bino? Miyo? Toto? Nasaan kayo?"
"Lolo Isko, tulungan mo po kami rito."
Hinanap ng matanda ang boses-palaka. Nakita niya ang tatlong palaka. Nakaipit ang mga paa nila sa troso.
"Lolo Isko, kami po ito," pakilala ni Miyo.
"Ay, palaka!" Napaurong si Lolo Isko. "Ang mga bata ay naging palaka."
"Patawad po, Lolo Isko," iyak ni Toto.
Natawa si Lolo Isko nang makita niyang suot ni Toto ang kanyang peluka. Suot naman nina Miyo at Bino ang kanyang sapatos.
"Lolo, tulungan po ninyo kami. Pangako, magbabago na po ako."
"Ikaw lang ba, Apo?"
"Ako rin po," sagot nina Toto at Bino.
"Sige, pinapatawad ko na kayo... pero sa isang kondisyon."
"Sige po. Ako na po ang tagadala ng sapatos ninyo, " sabi ni Miyo.
"Ako naman po ang aakay sa inyo," pangako ni Toto.
"Hindi ko na po kayo tutuksuhin. Igagalang ko na po lahat ng lola, lolo, at bawat nilalang sa mundo," sabi naman ni Bino.
Tinulungan ni Lolo Isko ang tatlo na makawala sa troso. Maya-maya, sina Miyo, Bino, at Toto ay muling naging tao. Nagpasalamat sila sa payaso.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.