"Sawsaw suka, mahuli taya" sabay-sabay na awit ng magkakalaro na sina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando.
"Puwede ba akong sumali sa laro ninyo?" tanong ni Dang-Dang.
"Hindi ka puwedeng sumali sa amin! Babae ka. Baka mapilayan ka," sabi ni Lando.
"Ano ba'ng lalaruin ninyo?"
"Luksong-baka at luksong-tinik. Makipaglaro ka na lang ng taguan o kaya sipa kina Nene, Kaykay, Denden Monang, at Lala.
Nalungkot na naman si Dang-Dang habang pinanonood ang laro ng mga ito. Araw-araw siyang tinatanggihan ng mga ito at hindi isinasali sa laro.
"Sali ako sa baril-barilan ninyo," sabi ni Dang-Dang.
"Hindi puwede. Panlalaking laro ito. Maglaro kayo nina Nene ng manika at bahay-bahayan," sabi ni Sam-Sam.
Malungkot na umalis na lang si Dang-Dang.
"Bumaba ka rito, Dang-Dang!" sigaw ni Pinong.
"Gusto ko ring makarating sa tuktok," sagot ni Dang-Dang.
"Kababae mong tao, aakyat ka sa puno. Doon ka na kina Kaykay. Maglaro kayo ng Chinese garter o kaya luto-lutuan.
Naiinis na bumaba si Dang-Dang.
"Sali ako!" masayang sabi ni Dang-Dang.
"Mahirap ang larong syato," sagot ni Puloy.
"Marunong ako niyan."
"Baka kapag natalo ka, umiyak ka pa sa parusa namin. Doon ka na kina Denden. Maglaro kayo ng piko o kaya ng lastiko."
Nakaismid na tumakbo palayo si Dang-Dang.
"May mga teks at holen ako," sabi ni Dang-Dang sa mga batang lalaking naglalaro ng trumpo. "Laro tayo!"
"Doon ka na! Baka matamaan ka rito!" singhal ni Berto.
"Makikipaglaro lang naman ako sa inyo, e."
"Ayaw nga namin! Doon ka na kasi kina Monang. Mag-Jackstone kayo o kaya magsungka."
Naiinis na umalis si Dang-Dang.
"Baka gusto ninyo akong isali. Ako ang taya," presenta ni Dang-Dang sa mga kaibigang naghahabulan.
"Huwag na. Mabibilis kaming tumakbo. Baka hingalin ka lang," sagot ni Lando.
"Hindi. Kaya ko kayong habulin."
"Huwag na nga! Doon ka na kina Lala. Maglaro kayo ng 'Langit-Lupa' o kaya pitik-bulag."
Nagdadabog na tumalikod si Dang-Dang.
"Kaninong gagamba ang gustong ilaban sa gagamba ko?" tanong ni Dang-Dang.
Tumigil sa pagsasabong ng gagamba sina Puloy at Berto. Tiningnan naman nina Pinong, Sam-Sam, at Lando ang laman ng kanyang kahon ng posporo.
"Gagambang bahay!" bulalas ni Lando.
Pinagtawanan nila si Dang-Dang.
Galit na galit na umalis si Dang-Dang. "Nakakainis kayo! Hinding-hindi na ako makikipaglaro sa inyo kailanman!"
Lalong lumakas ang tawanan ng mga batang lalaki.
Hindi na nga nagyayang maglaro si Dang-Dang kina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando.
Araw-araw, inaabangan nila si Dang-Dang.
Minsan, tumigil na sila sa paglalaro ng sipa kasi hindi dumating si Dang-Dang para mangulit.
"Nasaan kaya siya?" tanong ni Lando.
"Baka kalaro niya sina Nene, Kaykay, Denden, Monang, at Lala," tugon ni Sam-Sam.
"A, oo nga! Tara, puntahan natin," sabi naman ni Pinong.
"Nanay, tatay, gusto kong tinapay... Ate, kuya, gusto kong kape... Lahat ng gusto ko ay susundin n'yo... Ang magkamali ay pipingutin ko... Isa... Isa, dalawa... Isa, dalawa, tatlo... Isa... Isa, dalawa... Isa, dalawa, tatlo." Iyan ang awit-laro nina Nene, Kaykay, Denden Monang, at Lala, na naabutan nina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando.
"Wala pala rito si Dang-Dang," sabi ni Berto.
"Sayang! Yayayain sana natin siyang magpadausdos sa burol gamit ang palapa ng niyog," malungkot na wika ni Puloy.
"Oo nga. Sigurado, magugustuhan niya iyon." Inimadyin na rin ni Lando ang laro nila sa burol na kasama si Dang-Dang.
"Hindi kaya nagtatampo siya sa atin?" tanong ni Sam-Sam.
"Ay, oo nga! Naalala n'yo ba ang sabi niya?" sabi naman ni Pinong.
"Naalala ko. Sabi niya, hindi na siya kailanman makikipaglaro sa atin," tugon ni Berto.
"Halikayo! Puntahan natin siya. Magsori tayo sa kanya," panukala ni Puloy.
Sang-ayon naman ang lahat, kaya pumunta sila sa bahay ni Dang-Dang.
Tinawag nila nang sabay-sabay si Dang-Dang.
Nang lumabas si Dang-Dang habang nakasakay sa kadang-kadang na bao, pinagtawanan nila ito.
"Bakit kayo tumatawa?" tanong ni Dang-Dang.
"Nakakatawa kasi ang laruan mo," sagot ni Lando.
"Bakit? May nakakatawa ba rito? Kaya ba ninyong gawin at laruin ito?" Naiinis na si Dang-Dang.
"Oo naman! Napakadali niyang gawin," sagot ni Sam-Sam.
"Gamit ang lubid at bao ng niyog, makagagawa ka na ng kadang-kadang na bao," sabi naman ni Pinong.
"Ako nga ang madalas mauna sa karera namin niyan, e!" pagyayabang ni Berto.
"Kaya kung ako sa 'yo, itapon mo na 'yan. Magpadausdos na lang tayo sa burol, gamit ang palapa ng niyog. Gusto mo 'yon, 'di ba?" tanong ni Puloy.
"Oo, pero hindi na ako makikipaglaro sa inyo kahit kailan!" Inismiran sila ni Dang-Dang.
"Sige na, Dang-Dang. Sori na... Hindi ka na namin pagtatawanan. Lagi ka na naming isasali sa laro namin," sabi ni Lando.
Pinilit pa ng mga batang lalaki si Dang-Dang nang inirapan lang sila nito.
"Sige, sasali ako sa laro ninyo... kung matatalo ninyo ako sa kadang-kadang," tugon ni Dang-Dang.
Nagtawanang muli sina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando, ngunit agad din naman nilang tinakpan ang kanilang mga bibig.
"Kukunin ko ang kadang-kadang."
Paimpit na nagtawanan sina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando nang tumalikod si Dang-Dang.
Napanganga naman sila nang makita ang isang pares ng kadang-kadang na kawayan o tikayad na dala-dala ni Dang-Dang.
"Hala! Lagot! Akala ko, kadang-kadang na bao. Hindi ako marunong niyan. Marunong ba kayo niyan?" tanong ni Berto.
"Hindi rin!" halos sabay-sabay na sagot nina Puloy, Pinong, Sam-Sam, at Lando.
"Game na?" natatawang tanong ni Dang-Dang. Ipinakita muna niya kung paano gamitin ang kadang-kadang. Nagpakitang-gilas siya sa paglakad, pagtakbo, at pagtalon.
Nagpalakpakan sina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando sa ipinakitang husay ni Dang-Dang.
"Kayo naman! Isa-isa kayong susubok bago ang karera," deklara ni Dang-Dang.
Walang nagawa sina Puloy, Berto, Pinong, Sam-Sam, at Lando, kundi ang subukan ang kadang-kadang ni Dang-Dang.
Tawa naman nang tawa si Dang-Dang habang nakikita niyang nahihirapang matuto ang mga kaibigan.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Historia CortaAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.