Sa malayong baryo ng bayan ng San Ildefonso, si Kuling ay usap-usapan ng mga tao. Lagi siyang inirereklamo kay Kapitan Tano.
"Magandang umaga, Kapitan Tano!" bati ni Lolo Tino.
"Maupo po kayo. Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?" sabi ni Kapitan Tano.
"Si Kuling, pinaniwala ang aking apo. Sabi niya, nahulog daw sa putikan ang aking pustiso."
"Palabiro lang po talaga si Kuling, Lolo Tino." Natawa si Kapitan Tano.
"Hindi naman kasi totoo. Ubod siya ng sinungaling, Kapitan Tano. Ang totoo, nahulog ang pustiso ko sa koral ng mga pato."
Lalong natawa si Kapitan Tano, gayundin ang mga barangay tanod nito.
"Hayaan niyo po, Lolo Tino, pagsasabihan ko po si Kuling, na hari ng sinungaling."
"Salamat po!"
"Walang anoman po! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko."
Nagpalakpakan pa ang mga tanod nito.
"Halika kayo, maglilibot tayo," yaya ni Kapitan Tano.
Paglabas na paglabas pa lang nina Kapitan Tano, sinalubong na sila ng mga galit na galit na tao.
"Kapitan Tano, hindi na namin mapapalampas si Kuling!" sabi ni Aling Bening.
"Oo nga po, Kapitan Tano. Sobra na siya! Napakasinungaling niya talaga!" sabi naman ni Aling Canda.
Sumang-ayon ang iba. Nagsisigawan pa sila. "Ikulong niyo na siya! Ikulong niyo na siya!"
"Teka! Teka, mga kabarangay ko! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko. Halikayo sa opisina ko... Makikinig ako sa mga hinaing ninyo. Madaraan sa hinahon ang lahat ng ito."
Nang nasa loob na ang mga nagrereklamo, iniisa-isang pinakinggan ni Kapitan Tano ang mga sumbong ng mga ito.
"Ang anak kong si Nono, takot na takot po sa nuno. Sabi kasi ni Kuling, may duwende raw siyang nakita sa punso, sa may tabi ng puno," sabi ni Mang Sandro.
"Napalo ko si Luisito kasi nakita raw ni Kuling na kumikendeng. Sabi ni Luisito, hindi naman totoo," sabi ni Mang Kardo.
"Hindi raw ako nagbabayad ng utang kay Aling Conching, sabi ni Kuling. Tsismoso siya at napakasinungaling!" sabi naman ni Aling Leling.
"Nililigawan niya ang aking anak na si Cora. Nangako siya nang nangako. Kilig na kilig naman itong dalaga ko. Sabi niya, magtratrabaho raw siya sa Maynila para daw sa kinabukasan nila, pero nasaan siya? Hayun, sa inuman! Kung hindi nasa inuman, nasa bingohan," sabi ni Aling Mayang.
"Kahapon naman, daing siya nang daing," kuwento ni Aling Bening. "Nanghingi sa akin ng dahon ng bayabas. May sugat raw siya, kaya maglalanggas. Kako, kumuha ka na riyan, Kuling. Alam niyo po ba ang ginawa niya? Inani ang mga bunga. Wala halos tinira."
"Kanina, nakasalubong ko siya. Tinanong ko kung may nakita siyang baka. Aniya, patungo raw sa iraya, kaya sinundan ko ang nakawala kong alaga. Pero, hindi ko nakita. Pagbalik ko, nandoon lang pala. Buwisit siya talaga! Napakasinungaling niya!" galit na galit na sumbong ni Mang Bingbong.
"Hindi ko na kaya ang pagsisinungaling niya," mangiyak-ngiyak na sabi ni Aling Canda. "Kahit anak ko siya, gusto kong maparusahan na siya. Kapitan Tano, sobra na! Sabi niya, pumasok siya sa eskuwela. Iyon pala, nasa inuman o bingohan siya."
"Ikulong niyo na siya! Ikulong niyo na siya!" sigaw nila.
"Teka! Teka, mga kabarangay ko! Basta ako ang kapitan ninyo, lahat ng problema at reklamo ay aayusin ko. Hindi ako basta-basta nagpapakulong ng kabarangay ko hanggang hindi ko napapakinggan ang panig niya," wika ni Kapitan Tano.
"Sige po, Kapitan Tano. Aasahan namin ang tulong ninyo," turan ng ina ni Kuling. "Gusto kong maparusahan siya para siya ay madala at hindi na magsinungaling."
Nangako si Kapitan Tano na gagawin ang lahat para si Kuling ay mapatino.
Isang araw, nakausap ni Kapitan Tano si Kuling.
"Hindi naman siguro lingid sa iyo, ang mga reklamo ng mga kapitbahay mo," simula ni Kapitan Tano.
Ngumiti muna si Kuling. "Hindi ko po alam na may nagrereklamo. Sino-sino po?"
"Palabiro ka talaga, Kuling." Napangiti rin si Kapitan Tano. "Marami silang nagrereklamo. Kung iisa-isahin ko, baka abutan tayo ng Pasko. Alam kong alam mo kung ano-ano ang mga ginawa mo at sinabi mo. Hindi ka naman tsismoso, tama ba ako?"
"Opo, tama po kayo."
"Kung gayon, kailan ka magbabago?"
"Magbabago? Bakit po? Ayaw niyo po bang sinasabi ko ang totoo? Ayaw niyo po ba ng mapagbiro? Makukulong po ba ako dahil sa mga ginawa ko?"
"Ikaw pa ang maraming tanong, iho!" Naiinis na si Kapitan Tano. "Ang gusto ko, ng nanay mo, at ng mga kapitbahay mo ay iyong pagbabago. Aasa na ako. Sige na, Kuling, umuwi ka na at pag-isipan mo ang aking hiling."
Tahimik na lumabas si Kuling, pagkatapos wala sa loob na naglakad siya nang naglakad. Hindi niya napansin ang mga bulong-bulungan ng mga kabarangay niya.
Sa tabi ng kalsada, may mayabong na puno. Doon, si Kuling ay huminto.
Hindi nagtagal, may dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang huminto.
"Kilala mo ba ang taong ito?" tanong ng lalaking nasa unahan ng motorsiklo pagkatapos tanggalin ang helmet nito.
Tiningnan ni Kuling ang nasa litrato. Namukhaan niya si Kapitan Tano. "Bakit po?"
"May kailangan kami sa kaniya," sagot ng isa.
Napansin ni Kuling na armado ang mga ito. "Maliit lang ang baryong ito, kaya kilala kong lahat ang mga tao, pero hindi ko kilala ang hinahanap ninyo."
"Ah, ganoon ba? Sige!" sabi ng drayber.
"Mali ang binigay na impormasyon," sabi ng nasa likod ng drayber.
Bago pa nakaalis ang dalawa, si Kuling ay may naisip na ideya. "Maaari ko kayong tulungan. Iwanan ninyo ako ng larawan at numerong matatawagan."
"Sige, sige, tama nga iyan!" Binigay ng drayber kay Kuling ang larawan.
"May numerong nakasulat sa likod niyan. Aasahan namin iyan."
"Sige."
Mabilis na bumalik si Kuling kay Kapitan Tano upang ipakita ang litrato. Sinabi niya rin ang mga hitsura ng mga lalaki.
"Diyos ko! Diyos ko! Salamat sa iyo, Kuling! Niligtas mo ako," sabi ni Kapitan Tano.
"Bakit po?"
"Ang numerong ito ang gamit ng taong tumatawag sa akin at nagbabantang papatayin ako."
"Diyos ko, salamat po, dahil sinungaling ako!"
Natawa si Kapitan Tano. "Binabati kita, Kuling. Ikaw nga ang hari ng sinungaling!"
Dahil sa nangyari, nagbago na ang pagtingin ng mga kababaryo ni Kuling sa kanya. Hindi na siya inirereklamo, kahit ng mga magulang niya. Isa na rin siya sa mga barangay tanod. Binabantayan niya ang kanilang barangay at pinoprotektahan ang buhay ni Kapitan Tano.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.