Hilig ni Koko ang pagguhit. Iba't ibang midyum ang kaniyang ginagamit. Pero ang paborito niyang gamitin ay lapis.
Isang araw, may gusto siyang iguhit.
"Mama, ano po ang hitsura ng demonyo?" tanong ni Koko.
Bahagyang nagulat ang ina, na kasalukuyang naglalaba. "Iba-iba ang hitsura nila. Paglaki mo, makikilala mo rin sila. Kaya mag-iingat ka sa kanila."
Kumunot ang noo ni Koko. "Hindi na po ako makapaghihintay ng paglaki ko. Iyon po kasi ang iguguhit ko. Saan po ba makikita ang demonyo?"
"Kahit saan," tugon ng ina. "Minsan, kaibigan mo pa."
"Po? Kaibigan ko po?"
Ang ina ay nakangiting tumango.
"Sige po," paalam ni Koko at agad na tumakbo.
"Saan ka pupunta?" sigaw ng ina.
"Hahanap po ng demonyo nang makaguhit ako!"
Paglabas ni Koko sa bakuran nila, si Lee agad ang nakita niya. "Halika, Koko, samahan mo ako," yaya nito.
"Saan tayo pupunta?"
"Basta lang. Sumunod ka lang."
Sa palikuran ng kalaro nilang si Clara sila pumunta.
"Anong gagawin natin dito," tanong ni Koko.
"Sssh! Ang ingay mo!" Binulungan ni Lee si Koko.
"Ano? Sisilipan natin si Clara?"
Binusalan siya ni Lee. "Ang ingay mo naman, e!"
"Bitiwan mo ako. Uuwi na ako. Masama ang gagawin mo."
Tumakbo si Koko palayo. Sa bahay ni Siva naman siya tumungo.
Naabutan niya sa bakuran ang ina ni Siva.
"Magandang araw po, Aling Amanda! Nandiyan po ba si Siva?"
"Magandang araw rin, Koko! Kumakain sila ni Shintaro."
Pinapasok ni Aling Amanda si Koko.
Sa hapag-kainan, naabutan niya ang kumakaing kaibigan, habang si Shintaro ay takam na takam.
"Bakit hindi mo binibigyan ang kapatid mo?" tanong ni Koko.
"Kumain na siya," sagot ni Shiva.
"Kakaunti kasi ang binigay mo. Mas marami ang sa 'yo," iyak ni Shintaro.
"Mataba kasi ako kaya mas maraming pagkain ang kailangan ko."
"E, nagugutom pa nga ako."
"Bigyan mo naman ang kapatid mo," sabi ni Koko.
"Ayoko! Gutom pa rin naman ako. Bakit ka kasi nangingialam dito?" singhal ni Siva kay Koko.
"Masama kasi ang ginagawa mo sa kapatid mo."
"Umalis ka na nga rito!"
Malungkot at tahimik na umalis si Koko.
Nakita ni Koko si Inggrid na nakaupo sa harap ng mansiyon.
"Inggrid, ano'ng ginagawa mo riyan?" tanong niya.
"Wala. Naiingit ako sa bahay nila."
"Humahanga ka ba o naiinggit ka talaga?"
"Naiinggit talaga ako. Sana anak na lang ako nina Misis at Mister Go. Bakit pa kasi ako ipinanganak nang ganito."
"Naku, Inggrid, hindi maganda ang iniisip mo. Mapalad pa rin kasi kasama mo ang pamilya mo."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.