04: Ghost

74 15 19
                                    

Tahimik ang gabi at iilang mga sasakyan lang ang nakikita ko. Kalmado na ako sa kabila nang nangyari kanina, pero kailangan ko namang maglakad nang mabilis. Oras na at hinihintay nila ate Qelly ang pagkain, hindi ako pwedeng maglakad na parang nasa buwan.

"Be! Maghahatid ka na?" rinig kong saad ni Girbo. Lumingon ako sa likuran at nakita siyang nasa entrance ng bar katabi ng store--sa harap kung saan ko pinagsiksikan ang sarili kahapon.

"Oo, e." pagtango ko. Tumango rin naman siya at tumingin sa akin na parang naghihintay. "Pwedeng pabantay saglit?"

"Of course! My pleasure!" pumapalakpak niyang sigaw sabay nagtatalon papunta sa convenience store. Napangiti naman ako at napa-iling bago tumawid nang tuluyan sa may pedestrian lane. Balak ko sanang iwan ng walang bantay iyong store, mabuti na lang nagpakita siya.

Si Girbo, hindi niya tunay na pangalan, ay isang gay: payat, laging naka-kilay na brown at pulang lipstick na sobrang kapal--ang choker din sa leeg niya ang palatandaan. Nagtatrabaho siya sa comedy bar bilang isang entertainer. Sila lang ding dalawa ni kuya Rico ang maaasahan ko na pwedeng magbantay sa store. Mabuti na nga lang ay pumapayag sila at hindi nagsusumbong.

Iyong club na pinaghahatiran ko ay hindi naman gaya ng ibang clubs. Halos mga estudyante nga ang nakikita ko, pero kagabi ay mayroon ding mga middle-aged.

Sarado na ang mga spas, ibang coffee shops at maliliit na stores sa daan papuntang club kaya medyo madilim, pero may dalawa pa ring bukas na restaurant at isang coffee shop bandang dulo dahil hanggang 3 AM ang mga iyon. Wala naman akong nababalitaan na may na-aksidente rito o kung ano man kaya panatag ang loob ko kahit paano. Marami rin akong matatakbuhan kung may mangyari, pwede akong tumakbo dere-deretso roon sa guard house noong Village sa harap. Mayroon kasing Village papasok, malapit sa club.

Matapos ang mabibilis na hakbang, lumiko na ako pa-kanan papunta sa direksyon ng club. May kaunting tao akong nakasabay sa daan, lahat sila ay tinignan ako dahil sa patakbo kong lakad.

Puno ang parking space ng club sa harap kung saan may pitong car space lang. Kitang-kita ko na rin ang iba't ibang kulay ng mga ilaw na nagmumula sa loob, pati na rin iyong mga bouncers. Kinalma ko muna ang paghinga bago naglakad palapit sa entrance.

"Sino ka?" striktong tanong ng bouncer habang ako ay maingat na umakyat sa hagdan.

"Ako ay sinuka." parang robot kong sagot nang makarating sa taas, mga limang hakbang lang naman iyon.

Ngumiti naman siya na parang pinapakita ang silver niyang ngipin, "Thank you po!" dagdag ko bago pumasok nang tuluyan.

Hindi ko alam ang pangalan niya, hindi ko rin alam kung paano niya ako napasunod sa kalokohan niya, pero mula nang maghatid ako ng pagkain dito ay ganoon na agad ang tanong niya sa akin. Siya pa mismo ang nagsabi sa akin kung ano ang dapat kong i-sagot. Kumbaga, code namin iyon sa isa't isa. Sinubukan ko namang hindi sabihin ang 'code' na iyon, pero literal na hindi niya ako pinapasok matapos noon.

Maingay at amoy na amoy ang alak at sigarilyo nang makapasok ako. Marami na ring tao at nagpapatugtog na nang malakas ang DJ. Sinalubong na nila ang 12 midnight.

Saglit akong tumingin sa may couch kung saan kami nakapwesto nila Mauldrene at ate Qelly kagabi, pero ibang tao na ang nakita ko. Grupo na ng mga babae ang naroon.

"Merjoy! Dito bilis!"

Agad akong napatakbo papunta sa bar area nang marinig si Ate Qelly. Maraming tao kaya kung anong pag-iwas ang ginawa ko para makarating doon. "Ito na, ate Qelly. 'Yung jacket mo pala, ate, lalabhan ko muna." ipinatong ko ang paper bag sa bar table. "Sorry, kung late."

"Ang init pa," malapad ang ngiti niyang komento nang silipin iyon. "Ayos lang, Merjoy. Atyaka, 'wag mo nang ibalik 'yon!"

"Nahihiya ako, pero kailangan ko rin naman 'yon, ate, kaya salamat." kamot ko sa ulo.

An Odd SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon