"Kailangan na nating umalis dito." Hinawakan ni Lorenzo ang kamay ni Montecilla. Gaya niya ay nanginginig at nanlalamig rin ang mga ito. Sinubukan niya itong hilahin ngunit napatigil lamang siya dahil hindi gumalaw ang hinila niya. Nag-aalala siyang napatingin kay Montecilla. Nakita niya itong nakatingin kay Rosita. Malalim at malamig ang titig na ibinigay nito sa babae.
"Tumingin ka sa akin, Montecilla." Sabi ni Lorenzo. Dahan-dahang itinaas ni Montecilla ang kanyang ulo at tumingin kay Lorenzo. Natigilan muli ng konti si Lorenzo nang makita niya kung gaano kalamig ang mga mata ng kasintahan. Hindi kalauna'y nawala ang lamig na iyun nang dumako sa kanya ang paningin ni Montecilla.
"Kahit anong mangyari ay huwag kang hihiwalay sa akin."
Dalawang beses na tumango si Montecilla bilang sagot sa kasintahan. Agad nilang binagtas ang kagubatan habang umiiwas sa mga lalaking naghahanap kay Montecilla.
Naisip ni Lorenzo na dalhin si Montecilla sa kanilang hacienda. Alam niyang magiging ligtas sila roon. Walang imik lamang na sumusunod sa kanya si Montecilla, tila napag-iwanan ito ng kanyang kaluluwa. Lalong nadurog ang puso ni Lorenzo lalo pa't minsa'y lumuluha ito.
Pagkarating nila sa Hacienda ng mga Sebastian, bumungad sa kanya ang Ina na nakatayo sa labas ng kanilang mansyon. Nang makita siya nito ay nagbago ang ekspresyon nito ngunit agad ring nangunot ang noo nang makita niya si Montecilla. Naramdaman ni Lorenzo ang mahigpit na kapit ni Montecilla sa kanyang kamay kaya pinisil niya rin ito pabalik. Tumingin sa kanya si Montecilla nang gawin niya iyun. Nginitian niya ito upang kahit papaano ay gumaan ang kanyang loob.
"Pumasok na kayo sa loob." Agad na sabi ni Donya Juliana nang makalapit sa anak at sa nobya nito. Nang sila ay makapasok at masaraduhan na ang pinto. Nagkatinginan silang tatlo bago dinala ng donya ang mga ito sa salas.
"Kumalat na ang balita." Panimula ng donya matapos nilang maupo sa sofa. Nagkatinginan sina Lorenzo at Montecilla.
"Hindi ko inaasahang mangyayari ito. Mabuti na lamang at walang masamamng nangyari sa inyo." Sabi ng Donya na mababakasan ng lungkot sa tinig at mukha.
Ibinuka ni Montecilla ang kanyang bibig upang magsalita ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili.
"Nakikiramay ako sa inyo, Binibining Montecilla. Bagama't kilalang magkaaway ang ating pamilya, matalik ko pa ring kaibigan ang iyong ina. Pasabi na lamang sa kanya, na kung kailangan niya ng tulong upang mabigyan ng hustisya ang iyong ama ay handa kaming tumulong."
Muli na sanang maluluha si Montecilla nang mabanggit ng donya ang kanyang ina ngunit nang banggitin nito ang kanyang ama ay tila naestatwa siya. Gulat siyang napatingin sa donya.
"A-ano pong ibig niyong sabihin? A-ano pong balita sa aking ama?" Nanginginig si Montecilla. Nabakasan ng pagkagulat ang donya
"Wag mong sabihing.... hindi mo ba alam, binibini? Ang bangkay ng iyong ama ay natagpuan na sa may daungan. Ayon sa balita, may dalawang araw na mula nang pumanaw ito. Ikinalulungkot kong sabihin ngunit tila mayroong parte ng katawan niya ang nawawala. Ayon rin sa nagbalita sa akin, tila... pinahirapan ang iyong ama bago pinatay. Alam mo ba kung sino ang maaaring gumawa ng kahindik hindik na bagay na ito?"
Tila muling nabingi si Montecilla. Paulit ulit niyang naririnig sa isip ang sinabi ng donya at ang sinabi ng lalaking nakaitim sa kanyang ina. Hindi na napigilan ni Montecilla ang kanyang emosyon at umiyak ng malakas. Tila muling niyuyurak ang kanyang puso't pagkatao.
Ikiniwento niya ang lahat ng nangyari mula umpisa at wala siyang iniwang detalye. Gusto niyang malaman ng lahat ang paghihirap na dinanas ng kanyang pamilya sa kamay ng mga demonyong iyun. Gusto niya ng hustisya para sa mga ito.
BINABASA MO ANG
Way Back 1895
Historical FictionDalawang tao na itinakdang magtagpo ngunit di nakatadhana ang mga puso Mga pusong muling magmamahalan upang ang kahilingan ay maisakatuparan Mga kahilingang nagmula sa nakaraan ay muling masasambit sa kasalukuyan Sino si Montecilla? At ano ang kanya...