Kabanata 78: Nakaraan (Part 2)

244 14 2
                                    

Ako si Montecilla Aragon

"Maaari ba kitang maaya sa isang sayaw?"

"Pagpasiyensiyahan mo na ang kapatid ko Montecilla ha, Siya nga pala si Lorenzo, siya yung kapatid na ikinukwento ko sa'yo"

"Ang isang binibini ay hindi dapat nagpapakita ng kanyang luha....huwag mong ipapakita ang kahinaan mo sa iba"

"Ako si Montecilla Aragon, ginoo... nagagalak akong makilala ka"

"Ako naman si Lorenzo Sebastian, binibini"

"Mas maganda ang simple, makulit at maingay na si Montecilla"  

"Wala akong pakialam. Wala rin akong pakialam kung ano pa ang sabihin at isipin nila. Ito ang pinili ko, ito ang gusto ko at dito ako masaya. Alam mo ba kung bakit? Kasi mahal kita. Mahal na mahal kita, Lorenzo"

"Te Amo, Montecilla. Mahal din kita, Montecilla Aragon"

Sa huling buwan ng taong 1895, tatlong araw bago ang pasko. Nakatingin si Montecilla sa kanyang ina. Nakadungaw ito sa bintana habang malayo ang tingin sa labas. Sa tabi nito, hinehele niya ang isang duyan na walang laman. Walang nakakaalam sa iniisip ng Donya ngunit mababatid ng lahat mula sa itsura na ito, na tuluyan na ngang nasiraan ito ng ulo at nabaliw.

Malimit ay titingin ito sa duyan, ngingiti at kakausapin ang sanggol na siya lamang ang nakakakita. Hindi mapigilan ng ilang criada ang maawa sa kanilang amo at sa kinahinatnan ng pamilya nito.

Hindi man nila sabihin, batid nilang ito ang naging resulta ng sobrang pag-iisip at kalungkutan magmula nang mamatay ang panganay na Aragon. Tila hindi roon nagtatapos ang pagdurusa, napagbintangan at naparusahan ang Don, may nanunog ng kanilang lupain, at muli na namang nawalan ng anak ang mag-asawa nang makunan ang donya at masawi ang kanilang ikatlong anak. Ang Don ay ilang araw ng hindi umuuwi, hindi rin ito nagpaparamdam at hanapin ma'y hindi makita.

Malapit na ang pasko, ngunit paano nila ipagdiriwang ito? Wala na ang mga taong magbibigay sana sa kanila ng saya?

Ayon sa plano at nakagawiang gawin ng pamilya Aragon taon-taon, uuwi si Roman mula sa Cavite. Tutulong si Juan sa Hacienda kasama ang Don upang mapabilis ang mga trabaho, si Simon naman ang nakatoka sa pamimili habang sina Montecilla at Donya Cecilia naman ang punong abala sa bahay at kusina.

Ngunit wala na... wala na silang lahat, tanging ang mag-inang Montecilla at Donya Cecilia na lamang ang naiwan sa malungkot, madilim at malamig nilang tahanan.

Kinabukasan, nagising si Montecilla sa madaling araw dahil sa isang masamang panaginip. Para na namang pinupukpok ang kanyang puso, nang muli niyang mapaginipan kung paano namatay sa kanyang harapan ang kanyang kuya Simon. Hindi niya mapigilang hindi maiyak, umupo sa isang sulok ng kanyang kama at yakapin ang kanyang mga tuhod.

Sa tuwing umuulan, palagi niyang naaalala ang mga dugo ng kanyang Kuya Simon sa kanyang mga kamay. Palagi niyang naaalala ang mga huling salita nito, ang huling ngiti at kung paano siya tignan nito bago tuluyang nalagutan ng hininga.

Dala ng uhaw, nagdesisyon si Montecilla na bumaba upang uminom ng tubig. Ngunit hindi pa siya nakakalapit sa kusina ay nakarinig siya ng isang hikbi. Nasundan pa ito ng isa, ng isa at ng isa pa muli. Pamilyar ang boses na kanyang narinig, ngunit hindi siya sigurado kung ang taong iniisip niya ang nagmamay-ari ng hikbi dahil kailanman'y hindi niya ito nakitang umiyak.

Sumilip siya sa pinagmumulan ng hikbi. Habang lumalapit siya ay lalong bumibilis ang tibok ng puso niya. Kung sino man ang umiiyak na iyun ay tunay na nakakaawa ang kanyang iyak. Tila puno ito ng hinagpis at pagdurusa. Natigilan siya nang makita ang madilim na salas. Napaatras siya nang wala siyang makitang tao ngunit may naririnig siyang tinig. Nilakasan niya ang kanyang loob hanggang sa may maaninag siyang pigura. Marahil ay natatakpan lamang ng ulap ang liwanag ng buwan kaya't nang sumilip siya ay madilim dahil biglang nagkaroon ng kakaunting liwanag. Nakita niya ang pigura. Nakayuko ito habang ang mga kamay ay nakalagay sa mukha. Sa harap nito kung saan may lamesita, nakapatong ang ilang bote ng alak at isang baso.

Way Back 1895Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon