FOURTEEN

7.1K 130 8
                                    

=MARGOT DELA MERCED - ENRILE=

Pilit kong pinapakalma ang sarili ko sa kabila ng nalaman ko dahil ayaw kong idamay ang anak ko. Habang nagmamaneho ay walang akong ibang ginawa kundi ang umiyak. Nanlalabo na ang mata ko at halos hindi ko na makita ang daan kahit tirik na tirik ang sikat ng araw.

Hindi ko akalain na maririnig ko kay Jace iyon at sa harapan pa ng mga kaibigan niya. Sa panahon na ginampanan ko ang obligasyon ko bilang asawa ay alam ko sa sarili ko na wala akong pagkukulang sa pag-aasikaso sa kanya. Niluwagan ko siya para mabalanse niya ang tama sa mali sa ginagawa niya at para makumpara kami ni Brianna. Pero sa bandang huli ay mas masakit pa rin sa kanya ang pag-iwan sa kanya ng kabit niya at ako pa ang sinisi niya at ang relasyon namin sa pagkasira nila.

Matagal ko nang alam ang tungkol sa kanila. Sa restaurant pa lang nang kasama ko si Maggie at makita namin sila na pinakilala niyang ka-meeting. Nakita na namin ni Maggie na naghalikan sila pero sinabihan ko si Maggie na huwag mag-eskandalo. Tatay pa rin si Jace ng anak ko at ayaw ko gumawa ng hindi maganda.

Pinaimbestigahan ko siya at nalaman kong siya ang ex ni Jace na tinakasan niya sa kasal. Kinausap ko si Brianna tatlong araw bago ang kasal namin at sinabi ko sa kanya na alam ko na ang tungkol sa kanila.

Sinabi niya sa akin na mahal niya si Jace at hindi niya ito kayang iwan. Nang malaman niyang ikakasal na ito ay binalak niya nang makipaghiwalay pero kapag nandiyan si Jace ay nawawala lahat ng lakas ng loob niya. Ayaw rin niyang papiliin si Jace dahil alam niyang ayaw ni Jace na malayo sa anak niya at alam niyang mas pipiliin ito ni Jace kaysa sa kanya.

Nakiusap siya sa akin na ako na lang ang lumayo at palayain si Jace. Dahil hindi kaya ni Jace na siya ang umatras dahil kay Umami. Ayaw ni Jace na mapahiya ulit dahil sa ginawa na niya ito noon kaya kahit labag sa loob niya ay paninindigan niya ang kasal namin at sinabi niyang may balak din naman si Jace na makipaghiwalay sa akin kapag naipanganak na si Umami.

Pero sinabi ko na hindi mahalaga sa akin ang opinyon niya. Kung sasabihin ni Jace na tuloy ang kasal ay wala siyang magagawa. Magpapakasal kami sa ayaw at sa gusto niya. Hindi siya ang kausap ko sa kasal kaya hindi counted ang opinyon niya. At sinabihan ko siya na oras na makasal kami ay hindi ko hahayaan si Jace na magkaroon ng oras sa kanya. Hihigpitan ko si Jace at ilalayo sa kanya.

Nakiusap siya sa akin at lumuhod sa harap ko na kung puwede ay hayaan ko sila. Hindi siya manggugulo at hindi maghahabol ng oras kay Jace. Hindi niya hahayaan si Jace na hiwalayan ako basta hayaan ko lang sila. Tanggap niyang maging kabit siya ni Jace hanggang sa magkaroon siya ng lakas ng loob na iwanan ito.

Bilang babae, alam na alam ko ang pakiramdam ng nagmamahal. Mahal ko na si Jace noon pa at matagal ko siyang hinanap at hinihintay. Kahit hindi niya na ako natatandaan ay hindi siya nawala sa puso ko. Kaya nang magkita kami ulit ay hindi na ako nagdalawang-isip na ibigay ang sarili ko sa kanya. Naiintindihan ko si Brianna.

Lumaban ako nang patas, bilang babae, bilang asawa, at bilang magiging ina ng anak niya. Alam ko na nag-usap sila sa restaurant noong may ka-date si Brianna na sinabi kong messy look guy. Baka nga hindi lang pag-uusap ang ginawa nila. Alam ko rin na hinalikan niya ito noong araw ng kasal namin pero dahil ayokong mag-isip siya nang hindi maganda ay inako kong akin ang lipstick.

Nang mawala siya nang gabi ng kasal, alam kong si Brianna ang pinuntahan niya. Sa tuwing umaalis siya nang gabi na kung minsan ay umaga na umuwi ay alam ko na sila ang magkasama. At kahapon ay alam ko rin na hindi si Zeus ang tumawag kundi si Brianna.

Lahat iyon ay alam ko. Pero dahil mahal ko siya ay tiniis ko iyon. Ang mahalaga sa akin ay kasama siya ng anak ko. Broken family kami ni Maggie at ayokong maranasan ng anak kong hindi buo ang pamilya niya.

Hangga't hindi ako sinasaktan nang pisikal ni Jace, hangga't hindi niya pinapamukha sa akin na hindi niya ako kailangan ay kaya kong magtiis. Maaaring niloloko niya ako pero ang mahalaga ay sa akin siya umuuwi at tinatayuan niya ang anak namin.

Maliban sa pagkakaroon ng kabit ay mabuting asawa siya akin. Inaalagaan niya ako at pinapasaya. Kahit nasa tiyan pa lang si Umami ay pinaparamdam na niyang mahal niya ang anak ko. Alam ko na magiging mabuting ama siya dahil kahit may iba siya ay mabuti siyang asawa sa akin. Sa pagkakaroon lang siya ng kabit sumamblay.

Ang totoo ay inimbitahan ko si Brianna para makita siya ni Jace. Nang magtanong ang pari kung may gustong tumutol ay hinintay ko siyang magsabi na tumututol siya pero hindi siya kumibo. Nang tanungin si Jace ng pari kung tinatanggap niya ako ay hinintay kong magsabi siya ng hindi dahil hindi siya sigurado at gusto na niyang umatras.

Tinanong ko si Jace kung dapat ba akong umoo pero sinabi niyang dapat akong umoo para sa kanya at para kay Umami. Kung sinabi niyang huwag ay ako mismo ang aatras. Kaya naglakas-loob akong umuo dahil walang isa sa kanila ang gustong ipaglaban ang pagmamahalan nila.

At iyon ang pinanghawakan ko na balang araw ay mamahalin ako ni Jace nang buong-buo.

Pero paano nga pala niya ako mamahalin nang buo? Kung hindi naman pala niya ako minahal kahit kailan. Ako lang pala ang nag-assume na gusto niya ako. Ako lang ang nag-conclude na may kami at gusto niya ako. Ako lang pala ang nagmamahal at nagpapahalaga. Awa lang pala ang nararamdaman niya para sa akin.

Bago pa nagkagulo noon sina Maggie at Blaze ay sinasabi na sa akin ni Maggie na hindi seryoso sa akin si Jace. Tuwing magkasama kami ni Maggie, pinamumukha niya sa akin na wala akong halaga kay Jace.

Pero mas pinili kong sundin ang puso ko dahil iba ang pinaparamdam ni Jace sa akin . . . hanggang sa dumating si Umami. Pero nagkamali ako. Kaya kong magtiis at lumaban hanggang dulo. Wala akong kinalaman sa nangyari kay Brianna. Hindi ko rin alam kung ano ang pinag-usapan nila ni Maggie. Kaya kong makipagsabayan sa kanya sa paraan na alam ko na hindi mawawala sa akin ang asawa ko.

Pero iba na pala kapag narinig mo na mismo iyon sa bibig niya. At ang masakit, sa harap pa ng mga kaibigan niya. Kung sa akin niya lang sana sinabi 'yon ay matatanggap ko pa. Masasaktan ako pero hindi ganito kasakit. Mapag-uusapan pa sana namin ng maayos. Kung hindi para isalba ang kasal namin ay kahit para kay Umami na lang sana ay magiging magkaibigan kami.

Kaso, nakakababa ng pagkatao na sa harap ng mga kaibigan niya ay harap-harapan niyang sinabi na mali ang pagpapakasal niya sa akin. Hindi lang pagiging asawa ko ang naapakan. Hindi lang pagiging babae ko ang nasaktan kundi ang pagiging tao na mismo.

Nakakahiya at nakakababa ng pagkatao na ginawa ko naman ang lahat pero hindi niya pala iyon napapansin o pinahalagahan at sa harap ng mga kaibigan niya ay kaya niyang sabihin na mali ang pakasalan ako. Para bang sinasabi niya sa mga kaibigan niya na wala akong silbi at hindi mahalaga ang ginagawa ko. Hindi niya ako nakikita bilang Margot na asawa niya kundi bilang Margot lang na ina ng anak niya. Ako at siya lang sa relasyon namin pero ibang usapan na ang sinabi niya sa harap ng kaibigan niya.

Pinunasan ko ang luha ko dahil ayaw pa rin tumigil sa pag-agos. Naramdaman ko ang pagkirot ni Umami sa loob. Ngayon na yata ako manganganak dahil sobrang sakit na ng tiyan ko. Parang may umagos na rin sa hita ko. Pumutok na yata ang panubigan ko. Gusto kong ihinto ang sasakyan nang makarinig ako ng busina.

Shit! May bus pa na paparating sa puwesto ko. Kinabig ko ang sasakyan paliko pero sumabay ang pagkirot ng tiyan ko kaya napaapak ako nang husto sa gas. Huli na nang mamalayan ko na bumangga ako sa bus kasabay ng pagkirot ng tiyan ko. Iyon ang huli kong naalala bago ako mawalan ng malay.

Brother's Code - Denial 3: Jace's Kindhearted WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon