Nakaupo lang ako sa labas ng kuwarto ni Margot. Nagising kasi siya kagabi at nang makita ako ay nagwala siya at gusto niyang lumabas ako. Natakot sila na baka kung ano'ng mangyari sa kanya kaya pinalabas ako. Pinagbawalan na rin akong pumasok sa loob para hindi niya ako makita at baka makasama pa lalo sa kanya.
Mula nang ilipat siya rito at nagising siya ay nandito lang ako sa labas ng pintuan. Hindi pa rin ako umuuwi dahil alam kong lalo lang akong masasaktan sa madadatnan ko sa bahay. Ang gusto ko ay makausap muna si Margot bago umuwi ng bahay o kaya ay dalawa kaming uuwi nang sabay. Nalilito na ako at nahihirapan at hindi ko na alam ang gagawin ko.
Kahapon ay pinatawag si Maggie ng doktor sa loob ng emergency room matapos akong magdesisyon. Ilang minuto rin siya roon at nang lumabas ay karga niya na si Umami.
Gusto kong magwala nang makita ko ang anak ko. Para lang siyang natutulog habang karga ni Maggie. Gusto ko siyang kargahin pero sabi ni Maggie ay huwag na raw kaya hindi ko na lang kinontra. Pakiramdam ko rin ay wala akong karapatan na kargahin siya dahil ako ang may kasalanan sa nangyari sa kanya.
Nadisgrasya sila ng dahil sa akin. Tapos mas pinili ko pa ang nanay niya at hinayaan siyang mawala. Sana ako na lang ang namatay. Kung pwede ko lang ipalit ang buhay ko sa kanya ay ginawa ko na.
Hinalikan ko lang siya at umiyak ako nang umiyak nang umalis si Maggie kasama siya para dalhin sa huli niyang hantungan. Ang sabi Maggie ay wag na patagalin si Umami lalo na at wala rin naman malay si Margot. Mas makakabuti raw sa anghel na mapalaya na agad.
Tinawagan ko si mommy at binalita ang nangyari. Iyak siya nang iyak pero wala, ee. Alam ko na kasalanan ko ang nangyaring ito. Hindi man sabihin ni mommy sa akin pero sa tono ng pananalita niya ay sinisisi niya ako. Hindi na rin siya tumawag sa akin at kay Maggie na siya dumidirekta para magtanong.
Bumukas ang pinto at lumabas si Maggie kaya sinalubong ko siya. "Mag, alam na ba ni Margot?"
"Oo, kahapon pa nang magising siya at galit na galit siya."
"Mag, sorry sa nangyari. Alam kong kasalanan ko ito pero gusto ko siyang maka-usap."
"Ayaw ka niya makausap. Ayaw ka niya makita. Kaya pabayaan mo muna siya."
"Pero, Mag, dalawa kaming nawalan ng anak dito."
"Nagluluksa na siya kaya magluksa ka rin sa sarili mong paraan. Kahit magdamayan pa kayo ay hindi na babalik si Umami. Masasaktan mo lang lalo ang kapatid ko kapag nagpakita ka sa kanya. Kaya nakikiusap ako sa'yo na wag mo muna siyang kausapin."
Umiyak ako sa katotohanang sinabi ni Maggie pero hindi ako dapat sumuko. Kailangan ko maka-usap si Margot. Kailangan ko humingi ng tawad sa kanya. Mag-asawa pa rin kami at parehong nawalan ng anak. Kami dapat ang magkaramay. Oo na, makapal na ang mukha ko dahil hindi mangyayari ito kung hindi dahil sa akin pero kailangan pa rin namin mag-usap.
"Gusto ko siya makausap, Mag," pagpipilit ko.
"Bawal siya ma-stress, Jace. Bawal magalit dahil baka ma-pressure siya at tumaas ang dugo at baka 'yon pa ang ikamatay niya. Kung magpapakita ka sa kanya ay baka matuluyan na siya. Sana si Umami na lang ang pinili mo kung papatayin mo rin lang pala siya."
"Mag, I am sorry."
"Mababalik ba ng sorry mo ang nangyari?"
"Hindi. Pero gusto ko pa rin mag-sorry sa'yo. Kasi tita ka ni Umami at alam ko na kahit nasa tiyan pa lang ay mahal mo na siya."
Narinig ko ang malalim niyang buntong hininga. "Gusto kitang sisihin. Pero kahit itumba kita ngayon ay hindi na mababago ang nangyari. Wala na ang pamangkin ko. Isa pa may kasalanan din ako dahil ininis kita kahit alam kong nandoon si Margot at pwede makaapekto sa kanya ang pinagtalunan natin."
BINABASA MO ANG
Brother's Code - Denial 3: Jace's Kindhearted Wife
RomanceWarning R18+ Brother's Code Series 3 Jace doesn't love Margot. Natukso siya, at nagbunga pa ito, kaya wala siyang choice kundi magpakasal. Margot does everything for Jace. Handa siyang isakripisyo ang lahat para sa asawa at sa kanilang magiging anak...