Bumuhos ang malakas na ulan habang naglalakad ako sa may terminal at kung minalas-malas pa, wala ng van na pauwi sa'min ang routa. May susunod pa naman daw pero matatagalan sabi nung tauhan dito kaya wala akong ibang mapagpipilian kundi maghintay.
Nahihiya kasi akong tawagin si Papa o 'di kaya si Kuya para ihatid pauwi. Pakiramdam ko kasi nakarating na rin sa kanila ang balita, kaya nahihiya ako. At natatakot rin dahil baka sumbat lang rin ang maabotan ko sa kanila, ayaw ko mang husgahan sila pero tao lang rin naman sila, nakakaramdam ng galit kaya siguro dapat ko munang lumayo ako sa pamilya ko. Hanggang sa maisip nilang, isa lang rin akong tao na nagkakamali sa pagdedesisyon. Sana matanggap pa nilang hindi ko ginusto ang nangyayari, gusto ko lang naman kasing matanggap ng mga tao. Pero masyado na yata akong ambisyosa at desperada. Siguro, ang isang tulad ko, kailangan lang na manahimik sa tabi dahil wala naman ata kaming lugar sa lipunan. Palaging pagkakamali namin ang nakikita.
Nakasandal ako sa isang bakal sa entrance ng terminal habang nakaupo sa bakal ring upuan ron. Pinapanuod ko ang bawat pagpatak ng ulan sa sahig. Bahagya ko ring niyakap at hinimas-himas ang sarili dahil sa lamig. Manipis lang kasi ang damit na naisuot ko.
Maingay sa loob ng terminal dahil sa mga sasakyan na umaalis at pumaparada pati na rin ang mga taong sumasakay. Hindi rin matigil ang pagpasok ng mga tao sa loob ng terminal kahit na umuulan kaya minuto-minuto unti-unting dumarami ang tao. Kaya unti-unti rin akong natatakot sa posibleng mangyari sa'kin, na ilang sandali lang ay nagkatotoo nga.
Sa mismong harap ko pa, may malaking TV na nagpapalabas ng balita at sa kasamaang palad ay showbiz segment ito kung saan ibinalita na naman kami.
Mariin akong napalunok habang mahigpit na napahawak sa sling bag na dala.
Nanatili ang mata ko sa TV na ibinabalita ang reaksyon ng ilang sikat na modelo at personalidad sa fashion sa biglaang pagsira namin ng fashion week.
"Jusko. Ano bang nakain ng mga batang 'yan? Akala siguro nila maliit lang ang Paris Fashion Show," rinig kong komento ng isang ginang sa gilid ko ngunit may apat na silya ang naglalayo sa'min.
"Sila ang nanalo nung Best Shot diba?"
"Oo! Sila. Dinaig pa nila ang retoke, nakakahiya."
"Mga pinay pa naman. Madadamay na naman ang bansa natin dito."
"Ang sarap nila sabunutan lahat. Nakakahiya."
"Sus kung makaharap ko lang ang mga 'yan sa personal, siguradohin kong makakalbo ang mga 'yan."
"Hindi nila sinabing, hanggang dyan lang pala ang batayan nila ng ganda. Edi sana sumali ako."
Usap-usapan nila na malapit lang sa akin.
"Saang paaralan daw sila nag-aaral?"
"Nakalimutan ko, basta malapit lang dito."
"Ito ang totoo nilang mga mukha." May babaeng dala ang cellphone at inilahad ito sa dalawang ginang.
"Patingin."
"Parang pamilyar..."
Mabilis akong napatalikod ng upo sa kanila nang bahagya kong mahagip ang tingin nung isang ginang na nangungunot ang tingin sa'kin.
"Parang nakita ko na ang isang 'to ah."
Nagsisimula na namang kumabog ang dibdib ko, na ngayon ay sumasakit na. Pagod na sa kakakabog.
Ano ba naman kasi 'to. Wala ba itong katapusan? Ganyan ba talaga kalaki ang kasalanan namin?
"Saan naman?"
Hindi ko narinig ang sagot nung ginang dahil agad na akong tumayo at mabilis na naglakad palapit sa isang conductor dito.
Sa takot na mamukhaan nila ako, sumakay nalang ako sa isang van na dadaan sa gym ni Calim, naisip kong puntahan siya. Sa tingin ko siya lang kasi ata ang nakakaintindi sa'kin ngayon eh. Hindi ko alam kung umabot na ba ang balita sa kanya. At sana, kung umabot man, hindi niya ako huhusgahan dahil kapag huhusgahan niya pa rin ako hindi ko alam kung saan na ako lalapit.
BINABASA MO ANG
A Shade of Confidence (1: Flawed Girls Series)
ChickLit"Beauty doesn't have a standard. We are the standard." Hoping to live the life she ultimately dreamed off. Charizel Volteros can't be stopped from doing impulsive decisions. Holding to the hope that soon...she will finally get rid of her insecuriti...