Chapter 10

3 0 0
                                    

Chapter 10 Pangungulila (part 1)

"Dalawang linggo na ang lumipas Pol... Love, parang awa mo na kung sakaling may tao man na nagligtas sa'yo, pakiusap bumalik ka na, hindi ko na kinakaya ang lungkot na wala ka sa piling ko.
Nangungulila ako sa mga yakap mo tuwing umaga, mas kailangan ko ngayon ang pag-aalaga mo habang dinadala ko ngayon sa sinapupunan ko ang anak natin. Pakiusap Pol nararamdaman kong buhay ka parin huwag mong hayaan na mangyari sa akin ito, pakiusap huwag mo akong pahirapan ayaw kong magluksa ng ganito kaaga, ayaw kong magsilang ng supling na wala ka Pol.

Pol nakikiusap ako, bumalik ka sa'kin nananabik ako sa mga yakap mo... Alam kung hindi mo gugustuhin na makita akong umiiyak kaya bumalik ka na upang patahanin ako. Kailangan kita Pol, ngayon mo sabihin sa'kin na pipiliin mo ako kahit na magbago man ang nararamdaman mo sa'kin. Ngayon kita pinaka kailangan, kailangan ka namin ng magiging anak mo. Love please bumalik ka na nararamdaman kong buhay ka eh, hanapin mo ang daan pabalik sa'kin kung sakali mang naligaw ka. Nandito ako mananatiling naghihintay sa pagbalik mo at sisikapin kong palakihin ng maayos ang baby natin."

Luhaan ang mga matang nagdadalamhati si Angel yakap ang larawan noong kasal nila ni Pol, hindi niya lubos maisip kung paano aalisin ang lungkot sa loob niya kahit anong pilit nitong huwag malungkot. Pilit ginagawang matatag ang sarili kasi alam niyang sa pagkakataong ito kailangan niyang maging malakas para sa sanggol na nasa sinapupunan niya ngayon.

Dalawang linggo na ang lumipas sa patuloy na paghahanap sa katawan ni Pol ngunit wala pa ring nakitang katawan o bakas manlang sana upang matukoy na wala na nga talaga si Pol. Kung sakali mang natangay ito ng alon ay wala manlang nahanap kahit damit nito.
Walang kahit isa ang nakakita kay Pol nang minsang sumama pa sina Mia na mag-ikot sa palibot nang dagat. Maraming residente sa kabilang parte ng dagat ngunit wala silang napala dahil wala talagang nakakita sa mga taga roon.
Patuloy na umaasa si Angel na buhay pa rin ang asawa nito hanggang walang natatagpuang katawan, marahil hindi pa lamang siya handang magluksa at tanggapin ang katotohanan kaya pilit niyang pinaniniwalaan ang gusto niya kasi alam niyang doon mababawasan ang lungkot niya habang umaasang babalik ang asawa.

Sa dalawang linggo na lumipas ay patuloy na sa pag-aalala sina Mia sa kalagayan ni Angel dahil mas pinili nitong magkulong sa kwarto kisa ang makisalamuha sa kanila. Halos oras-oras ay pinupuntahan ni Mia si Angel sa bahay nito para ayain na lumabas ngunit bigo sila dahil hindi nila ito makausap ng matino.

Nagbago lahat kay Angel na dating kinasanayan na nilang laging maingay at puro kalukuhan lang alam gawin sa buhay, sobra silang nagulat sa bilis ng pagbabago nito marahil dala na rin sa kanyang pinagdaraanan.
Wala na iyong dating Angel na laging dahilan para mamilipit sa kakatawa ang mga kaibigan dahil sa kawalanghiyaan niya.
Wala na iyong dating Angel na kahit masulyapan lang ng mga kaibigan ay matatawa na sila.
Wala na iyong dating Angel na madalas natatawag ni Mia na demonyo.
Ibang-iba na siya ngayon, isang Angel na maaawa ka na lang kapag nakita mo dahil halos ginawa nang hobby ang pag-iyak. Hindi na makausap ng kaniyang mga kaibigan na kung dati rati ay siya ang nangunguna sa usapan; ngayon tango at iling na lang ang matatanggap mo.

Labis nang nag-aalala ang mga kaibigan niya dahil maaaring maapektuhan ang ipinagbubuntis niya sa ginawa niyang pagmumukmok imbis na ayusin ang sarili. Pero hindi rin naman masisisi ng mga kaibigan si Angel dahil hindi madali ang lahat na kahit piliin pa niya ang magsaya ay hindi niya magawa dahil pangungulila ang namumukod tanging pakiramdam ang nasa loob niya at hindi iyon ganoon kadali kay Angel na alisin ang sarili sa kalungkutan.

*/ tok tok tok

Magkakasunod na katok ang bumasag sa katahimikang bumabalot sa kwarto na iyon ni Angel. Hindi siya tumayo mula sa pagkakaupo sa kama para pagbuksan ng pinto ang dumating, hindi rin siya nag-abalang ibuka ang bibig para magsalita kahit tanungin manlang sana kung sino ang nasa likod ng pintong iyon na kumatok.

Hindi na siya magtataka kung sino man ang mga iyon dahil alam niyang ang mga kaibigan niya iyon at muli na naman siyang guguluhin.

Alam niya iyon dahil sa dalawang linggo na lumipas dawalang beses na rin siyang pinuntahan ng mga kaibigan habang pinipilit kausapin para mapagaan ang kalooban niya, tuwing sabado ng gabi nakukumpleto silang anim sa bahay na iyon ni Angel para lang damayan ang kaibigan ngunit hindi sila kinakausap ni Angel kaya hindi rin nagtatagal ang mga kaibigan at walang napapala kaya mas pinili na umuwi kisa pilitin ang taong ayaw silang makausap.

"Teh nandito sina Raf dinadalaw ka, lumabas ka na jan oh. Makipag-usap ka sa'min hindi mo kailangan sarilinin ang kalungkutan nandito kami teh." Pakiusap ni Mia sa likod ng pintong iyon.

"Girl lumabas ka na jan may dala kaming empi, arat na shot puno," saad naman ni Raf.

Hagikgik na tawa ng mga kaibigan ang sunod na narinig ni Angel kasunod ang murahan ng mga ito.

"Taena mo Raf buntis ang tao inaya mo talaga mag-inom!" Bulyaw ni Audrey.

"Kasama iyan sa pag-e-emote, animal," tugon naman ni Raf.

Na-iimagine na Angel ang eksenang nangyayari sa likod ng pintong iyon kasabay ng bardagulan ng mga kaibigan, alam nilang buntis si Angel pero inaya nilang mag-inom.

*/ tok tok

Muling pagkatok ang narinig ni Angel at pagtitig sa nakasarang pinto ang tangi lang nagawa niya habang pinakikinggan ang ingay ng mga kaibigan sa labas ng kwarto. Miss na miss na niya ang makipagsupalpalan ng kahayupan sa mga kaibigan ngunit hindi niya maitatanggi na kahit pilitin niyang maging masaya pagkatapos na umuwi ang mga kaibigan niya ay muli na naman siyang mag-isa at kalungkutan muli ang yayakap sa kaniya. Ganoon madalas ang sitwasyon na nangyayari sa kaniya kapag dinadalaw siya ng mga ito, kaya ngayon pilit siyang umiiwas sa lahat at alam niyang kapag hindi niya ito pinagbuksan ng pinto siguradong susuko rin sila at walang magagawa kung hindi ang umuwi na lang.

"Ilabas niya ang animal na Angel mas gusto namin iyong Angel na kahayupan lang ang alam kahit mahihirapan na sa buhay, kung sino ka mang deputa kang anghel na sumapi ngayon sa katawang lupa ng kaibigan namin ngayon ka namin hindi kailangan kaya lumayas ka!" Malakas na umalingawngaw ang sigaw na iyon ni Raf kasunod ng pagkalabog ng pinto na tila kulang na lang ay sirain nila para lang magpumulit na mabuksan iyon.

May ilang tawa pa si Angel na narinig sa labas noon ngunit hindi siya nagpadala sa pagmamakaawa ng mga kaibigan na buksan niya ang pinto.

"Angel alam naming naririnig mo kami, sabihin mo kung anong kailangan naming gawin para matulungan ka." saad pa ni Audrey kaya marahan nang tumayo at naglakad si Angel palapit sa pinto.
Tanging sina Raf at Audrey lang ang nagungulit rito dahil mukhang pagod na rin naman si Mia kasi alam niyang kapag ayaw talaga ni Angel hindi ito napipilit.

"Girl gagawin ko ang lahat upang mapasaya ka lang, kahit apakan mo ako sa mukha ngayon tatanggapin ko ako pa magso-sorry sa'yo kung iyon ang ikasasaya mo—" biglang natigilan si Audrey sa pagsasalita ng biglang bumukas ang pinto.

Nakakabinging katahimikan ang sunod na bumalot sa paligid ng makita nila si Angel na nakatayo na sa harap nila, habang may nakakalokong ngiti sa labi na nakatitig pa kay Audrey.

"Kapag sinabi ko bang iyon ang ikasasaya ko gagawin mo ba, sige paapak ako sa mukha mo o kahit isang tadyak lang tapos mag-sorry ka sa'kin." Sarkastikong saad na ni Angel kay Audrey saka sunod-sunod na napalunok ng sariling laway si Audrey sa pag-aakalang hindi iyon tututuhanin ni Angel ngunit nagkakamali siya.

"HAHAHAHA." Tawa ng magkakaibigan ang sunod na umalingawngaw sa loob ng kabahayan para pagtawanan si Audrey.

"Ikasasaya pala ah, sige apakan mo na iyan sa mukha." Hamon pa ni Kyle kay Angel. Hindi inaasahan ni Angel na naroon din pala si Kyle dahil hindi naman niya ito narinig na nagsalita kanina kaya akala niya ang tatlong kaibigan lang ang naroon.

"Grabe ka naman girl hindi ka naman mabiro, joke lang." Pilit na ginawang biro ni Audrey ang sinabi ngunit mukhang desidido na si Angel na tutuhanin ang sinabi nito.

"Gusto mo akong pasayahin hindi ba, iyon ang isang paraan na magagawa mo mahiga ka rito sa sahig at aapakan kita!" Bulyaw na ni Angel sa kaibigan na itinuro pa ang sahig habang tawang-tawa naman sina Mia.

Sinong matino ba naman kasi ang makakaisip na paapakan ang sariling mukha at siya pa ang magso-sorry para mapasaya lang ang kaibigan. Audrey lang sakalam.

Castillo-Vera (Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon