Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Jaica habang nakaupo siya sa malamig na sahig at nakasandal sa matigas na semento.
Medyo madilim at mainit sa loob ng kulungan at hindi niya akalain na darating ang araw na makakapasok siya sa loob nito.
Hindi niya alam kung kailan siya makakalabas o baka hindi na siya makalabas pa. Sobrang malas niya sa araw na iyon dahil bukod sa nahuli siya, ang mas malala pa ay parak ang nadukutan niya.
Inaalala tuloy niya kung kumusta na ba ang Lola Narda at ang kapatid niyang si Joel. Hindi pa nagtatanghalian ang mga ito nang umalis siya dahil wala siyang kapera pera pambili ng pagkain at gamot.
Nasimot ang lahat ng pera niya dahil halos isang buwan nagpabalik balik si Joel sa ospital. Nagkaroon kasi ng komplikasyon ang operasyon nito. At isa pa ay nasunog ang lahat ng perang naipon niya kasama ang bahay nila. Mahal din ang mga gamot na inireseta kay Joel kaya naubos ang lahat.
Hindi na rin siya bumalik pa sa dating ginagawa. Dahil bukod sa ipinangako na niya sa kapatid na titigil na siya sa pagnanakaw ay nahuli at nakulong din si Dino at ang grupo nito.
Diba pagnanakaw din ang ginagawa mo? Ani ng isang bahagi ng utak niya kaya mapait siyang napangiti at napailing.
Ang totoo ay hindi naman niya iyon gusto. Nagkakataon lang na parating nasa ospital si Joel noon kaya kailangan niya ng malaking halaga.
Nagtrabaho naman siya ng marangal. Ang totoo ay marami siyang pinasukang trabaho. Namasukan siya sa karinderya bilang dishwasher, naging barker din siya ng mga pampasaherong jeep. Naging tindera din siya sa palengke at kung ano-ano pa. Ngunit hindi sapat ang kita niya para sa gamot at pampaospital ni Joel. Kaya pinasok niya ang trabahong ayaw niya. Kapit sa patalim ika nga. At alam niyang maaari siyang mapahamak dahil sa ginagawa niya.
Ngunit wala siyang magagawa dahil instant ang pera sa pagnanakaw. Aminin man niya o hindi ay hindi na talaga nakakabuhay ng isang pamilya ang sahod ng isang empleyado sa pilipinas. Kaya nga maraming pilipino ang mas pinili na lang mangibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya nila. At iyon ang reyalidad ng buhay lalo na sa mga tulad niyang hindi ipinanganak ng mayaman at hindi nakatapos sa pag-aaral.
Ayaw man niyang gumawa ng labag sa batas ay wala siyang magawa. Pikit mata niya itong ginagawa para sa buhay ng kapatid niya. Ayaw niyang basta na lang panoorin na unti-unting pinapatay ng sakit ang kapatid niya ng wala man lang siyang nagawa para matulungan ito.
Isang malalim na buntong-hininga muli ang pinakawalan niya. Iniisip tuloy niya kung paano si Joel at ang Lola nila kung makukulong siya. Sino and maghahanap buhay para sa mga ito.
Agad na nangilid ang luha sa kanyang mata habang iniisip ang lahat. Niyakap niya ang mga binti saka isinubsob ang mukha sa tuhod at doon ay tahimik siyang umiyak.
Minsan hindi niya maiwasang magtampo sa panginoon dahil para atang masyado siya nitong paboritong bigyan ng problema. Kung bakit naman kasi kinuha agad nito ang mga magulang nila. Hindi sana siya nahihirapan ng husto. Hindi niya alam kung bakit ba napakamalas niya. Kahit gusto niyang sumuko ay hindi maaari dahil may mga taong umaasa sa kanya. Pagod na siya, hindi lang ang katawan niya dahil maging ang isip at puso niya ay pagod na.
"Hoy, Bituin. Laya ka na!"
Mabilis siyang nag-angat ng mukha at napatingin sa pulis na nagbubukas ng selda. Agad siyang tumayo saka pinunasan ang luha sa mukha bago lumapit dito.
"A-Anong sabi mo, boss?" Tanong niya habang nakatingin sa padlock na inaalis nito.
"Laya ka na. Iniatras na ng nagreklamo yong kaso laban sayo. Kaya abswelto ka na."
BINABASA MO ANG
(Agent Series 8) The thief and the agent
RomanceCompleted Warning: Mature Content | R-18 Dahil sa hirap ng buhay at sa pagkakaroon ng sakit sa puso ng kanyang nakababatang kapatid ay pinasok ni Jaica ang trabahong hindi niya gusto upang matustusan niya ang mga pangangailangan nila at gamutan nito...