Mabilis na tinapos ni Jaica ang paglalaba at paglilinis ng bahay ni Blade.
Nang matapos siyang kumain at maligo ay nagmamadali siyang umalis. Inaalala kasi niya na baka walang pagkain at gutom na ang kapatid at Lola niya.
Bago siya dumeretso sa bahay nila ay pinamili muna niya ang perang ibinigay ni Blade sa kanya para sa ilang araw na pagkain ng mga ito. Medyo matagal bago siya makakabalik kaya kailangan niyang unahin ang pagkain nila lalo na ni Joel.
Nang makarating siya ay agad siyang sinalubong ni Nognog sa eskinita nang makita siya nito. Kinuha nito ang mga bitbit niya upang tulungan siyang magdala.
"Saan ka galing, tala? Bakit ilang araw kang nawala?" Tanong ni Nognog sa kanya.
Kumunot ang noo niya dito saka siya sumagot. "Dalawang araw lang akong nawala, Nognog... Siya nga pala kumusta sila Lola, si Joel?"
"Ayos naman sila. Parati kong binibisita. Kanina galing ako doon, medyo maayos ang lagay ni Joel dahil hindi pumapalya yung gamot niya. Mabuti na lang dinalhan siya nong kaibigan mo ng gamot."
Natigilan siya saka tumingin kay Nognog. "Nakilala mo si boss Blade?"
Tumango si Nognog saka sumagot. "Oo, mukha naman mabait lalo na nung inutusan niya akong bumili ng pagkain ni Joel at Lola Narda. Saan mo ba nakilala ang lalaking yon?"
Huminto si Jaica saka tumingin sa kababata. "Nog, huwag mong sasabihin kay Lola ang ikekwento ko sayo. Ayoko lang na mag-alala si Lola. At saka tapos na yon, dahil may matino na akong trabaho ngayon."
"Bakit, may nangyari ba?"
Tumango siya saka bahagyang yumuko. "Nakalabuso ako, Nog."
"Ano?!" Gulat na tanong ni Nognog.
Napatingin pa siya sa paligid ng tumingin sa kanila ang mga tao.
Hinila niya si Nognog sa hindi gaanong mataong lugar. "Huwag ka ngang maingay. Alam mo naman dito sa lugar natin pati aso, chismosa na rin."
Nag-aalalang tiningnan ni Nognog ang katawan niya. "Nasaktan ka ba? Anong nangyari? Paano ka nakalabas? Sinong nagpiyansa sayo? Bakit hindi mo ako tinawa..."
"Hep!!" Aniya saka niya itinaas ang isang kamay upang patigilin ito sa pagsasalita. "Hinay-hinay sa pagtatanong. Pwede isa-isa lang."
Mariing tumingin si Nognog sa kanya. Seryoso ang mukha nito at makikitaan ng pag-aalala. "Anong nangyari? Bakit ka nakulong? Ikinanta ka ba nila Dino?" Bulong nito sa kanya.
Inikutan niya ito ng mata. "Sabi ko isa isa lang eh. Mahina ang kalaban, Nognog." Bumuntong-hininga siya saka tumingin sa mukha ng kaibigan. "Huwag kang mag-alala, hindi dahil kay Dino kaya ako nakulong. At saka hindi ako ikakanta non. Kaibigan natin si Dino."
Umiling si Nognog saka ito sumagot sa kanya. "Ang laki ng tiwala mo kay Dino. Oo, noon kaibigan natin siya. Nung mga panahong hindi pa siya nasisilaw sa pera at hindi pa niya ibinibenta ang sarili dahil sa pera. Pero ngayon, hindi ko na alam kung kaibigan pa ba siya. Paalala lang, tala, hindi na siya yung dating Dino na kaibigan natin. Lalo na ngayon na nakulong siya."
Bumuntong-hininga si Jaica saka mariing tumingin sa kaibigan. Alam niya kung saan nanggagaling ang hugot nito.
Ngunit alam niyang kaibigan niya si Dino. Dasal na lang niya ay huwag siyang biguin nito at sirain ang tiwala niya dito.
"Ano ka ba naman, Nog. Huwag kang mag-alala lumayo na ako sa kanya diba."
"Dapat lang. Hindi talaga maganda ang kutob ko kay Dino. Pakiramdam ko may gagawin siyang hindi maganda."
BINABASA MO ANG
(Agent Series 8) The thief and the agent
RomanceCompleted Warning: Mature Content | R-18 Dahil sa hirap ng buhay at sa pagkakaroon ng sakit sa puso ng kanyang nakababatang kapatid ay pinasok ni Jaica ang trabahong hindi niya gusto upang matustusan niya ang mga pangangailangan nila at gamutan nito...
