Chapter 10: The Prince's Game

3.4K 115 27
                                    

Chapter 10: The Prince's Game


"Tungkol sa'min ni Stephanie. Wala kang gustong malaman?"

Bukod sa pagkuyom ng kamao, bahagyang yumuko si Cindy. "Wala. Ano pang itatanong ko kung narinig ko na. Fiancee mo siya, di ba? Congrats. Bagay kayo." Pareho kayong panget!

Tumango lang si Prince sa narinig.

"Wala na ba kayong ibang ipag-uutos sir? Kasi kung wala na lalabas na 'ko."

"Stephanie really loves me, doesn't she?" Katatalikod lang ni Cindy nang muling magsalita si Prince, dahilan para matigilan siya. Pakiramdam niya'y tinatawag siya ng bawat katagang binitawan ng binata. Tila nais niya tuloy umikot at harapin na naman ito.

Nagpatuloy si Prince, "Kahit nasaktan ko siya noon, kahit iniwan ko siya, hindi siya nagalit sa'kin. Sinundan niya pa 'ko hanggang sa States. She took care of me back in LA. Kahit pinagtabuyan ko siya, pinagtyagaan niya pa rin ako. Hindi ako nag-sorry sa mga nagawa ko sa kanya pero pinatawad niya pa rin ako. Siguro dahil talagang mahal niya 'ko."

"Pinoprotektahan?" tanong ni Cindy. "Saan?"

"Cindy, sinabi ko na. Ayoko lang na masaktan ka ulit."

"Pero Prince nangako ka eh. At yun ang hindi ko matanggap. Nangako kang hindi ka magsisinungaling sa'kin. Pero ginawa mo pa rin. "

Dumako na lang ang tingin ni Cindy sa mataas na kisame. Makailang ulit pa siyang kumurap. Nag-umpisa na kasing kumati ang paligid ng kanyang mga mata. Bigla-biglang bumalik sa kanyang isipan ang huling gabing nagkausap sila ni Prince apat na taon na ang nakararaan. Hanggang ngayon ay sinisisi niya pa rin ang langit dahil hindi umulan nang gabing iyon.

"Fine! Sige, nagsinungaling ako sa'yo. Pero Cindy, maniwala ka-"

"Maniwala? Prince, pa'no 'kong maniniwala? Pa'no pa 'kong maniniwala eh nagsinungaling ka na? Nakakainis ka alam mo ba? Pinagkatiwalaan kita pero niloko mo lang ako. "

Hindi na niya maalala ang lahat ng nangyari. Ang tanging natatandaan niya ay hindi niya nagawang patawarin si Prince sa kabila ng mga paliwanag nito. Hindi iyon ang huli nilang pag-uusap. Mas malala ang naganap nang sumunod na araw.

"Galit ako sa'yo dahil galit ako sa'yo. Dahil nagsinungaling ka. At wag mo sanang isiping dahil sa nagawa ko patas na tayo. Galit pa rin ako sa'yo, Prince. At hindi na yon magbabago. Kung hindi lang talaga 'ko nag-aalalang baka napatay ko ang mommy mo, hindi ako pupunta rito. Dahil sa sobrang galit ko sa'yo, ayaw kitang makita."

Kung may dahilan man noon si Prince para umalis, iyon ay walang iba kung hindi siya. Ipinagtulakan niya ito palayo.

"Hindi tulad ng iba diyan. Nag-sorry na 'ko, nagpaliwanag, nagmakaawa... pero hindi pa rin ako nakuhang patawarin."

Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Cindy nang marinig ang mahinang boses ni Prince. Ilang saglit niyang ipinikit ang mga mata. Kasabay sa muli niyang pagmulat ay ang pagpihit niya paharap sa binata.

"Pinariringgan mo ba 'ko?"

"Bakit, nariringgan ka?"

Parehong hindi maipinta ang mga mukha nila. Nagsusukatan sila ng tingin, parehong naninindigang ang kabilang panig ang may pagkukulang at pagkakamali.

"E ano kung oo? Bakit ba kung magsalita ka akala mo kang ako lang yung may mali; at ikaw lang ang nasasaktan? Ano bang akala mo sa'kin, manhid? Ipapaalala ko lang sa'yo, ikaw 'tong nang-iwan. Ikaw 'tong naunang isuko ako." Iyan ang mga pangungusap na naglalaro sa isipan ni Cindy. Gustong-gusto niyang manumbat sa binata ngunit hindi niya magawa. Marahil ay dahil alam naman niya sa sarili niyang may kasalanan din siya.

Prince So Charming: The Wicked ContinuationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon