Parallel 2

1.5K 37 0
                                    


Presko at sariwang hangin ang mararamdaman sa parke ng kanilang unibersidad. Maraming nagtatayugang puno ang nakapaligid kaya't madalas itong pagtambayan ng mga estudyante. May mga nakalaan ding mesa at pahabang upuan, kaya kung minsan pa nga ay rito na rin kumakain ang mga ito.

Bukod sa aklatan, dito nanatili si Cassy kapag ginagabi sa pag-eensayo ang kakambal. Palagi naman kasi niya itong kasabay sa pag-uwi.

Magkasama sila ni Lianne kanina, pero saglit itong umalis sapagkat kailangan pa nitong puntahan ang namamahala sa grand hall. Para 'yon sa ipipinta nitong bagong mural doon. Bago umalis ay naikuwento pa ng kaibigan na nasabon na raw nito ang nobyo nang husto.

Malamang matapos nitong awayin si Marky ay kaagad ding nagkaayos ang mga ito. Madali lang naman kasing napapaamo ng lalaking singlambing ng pusa ang kaibigan niyang kung magalit ay parang tigre. Kaya madalas ay napapatawad din kaagad ito ni Lianne.

Mag-iisang taon na rin ang dalawa, kaya napalapit na rin sa kaniya si Marky. Bukod pa roon ay kabisado na niya ang temperatura sa paligid kapag magkagalit ang mga ito. IT ang kurso ng lalaki, guwapo at anak ng isa ring business tycoon na kilala sa telecommunications, at sa totoo lang ay konektado sa kumpanya ng kaniyang ama.

Hindi rin nagtagal ay nakita na niyang naglalakad sa 'di kalayuan si Lianne. Kumaway ito nang siya ay makitang nakatingin. Bitbit ng babae ang bag sa kanang balikat at may ilang librong nakaipit sa braso. Dahan-dahan lang paglalakad nito, at mayamaya ay nabaling na ang atensyon sa hawak na phone.

Nang makalapit, mabilis nitong inilapag sa ibabaw ng mesa ang mga dala, saka naupo sa tapat niya. "Naipasa na sa email ang research ng iba nating kagrupo. Hindi raw sila makakapunta sa meeting ngayon. Hindi naman tayo umasa, 'di ba?" Alanganin itong ngumiti nang mapasulyap sa kaniya.

Medyo nairita naman siya. "Next week na ang presentation. Kapag hindi sila nakipag-usap nang maayos sa akin about this, sabihin mo na aalisin ko ang mga pangalan nila sa ipapasa nating report."

Tumawa si Lianne kasunod ng panlalaki ng mga mata. "Tama, hindi natin sila kailangan. Kung bakit naman kasi 'di tayo puwedeng pumili ng mga kagrupo natin. Nakakasawa na rin ang mga freeloader. Tapos, kapag tinanong mo sila about sa responsibility nila, sila pa ang may ganang magalit at maraming excuses!"

"Sinabi mo pa. Kaya nga nakakasawa na rin ang—"

"O klironómos!" wika ng malamyos na tinig na dumaan sa kaniyang tainga. "Aftós eínai o klironómos..." patuloy pa nito kaya napahawak na lang siya roon.

Lumingon s'ya sa paligid para malaman kung sino ang nagsalita, pero wala namang makitang kahit na sino.

Walang tao sa likuran niya, bukod sa ibang estudyante na nasa kabilang mesa at abala sa pagtatawanan.

"May nakita ka bang dumaan sa likod ko?" usisa niya sa kabila ng matinding kabang nararamdaman.

"May dumaan?" tanong ni Lianne na napalinga rin. "Wala naman akong napansin. Bakit?"

Guniguni lang ba 'yon?

Pero, napakalinaw niyon para maging isang halusinasyon.

Hindi rin niya masiguro kung ano bang lengguwahe ang narinig. Muli tuloy dumaan sa kaniyang isipan ang nangyari sa klase kanina ni Professor Evangelista.

"Bakit ba, friend?" tanong ni Lianne na tinapunan siya ng nag-aalalang tingin.

Nang tumunog ang phone ng kaibigan ay kaagad din namang nawala ang pansin nito sa kaniya.

Binasa ni Lianne ang mensaheng natanggap at bigla na lang gumuhit sa mukha ang pagkainis. "Baliw talaga ang Marky na 'yon, ang sabi sa akin ay uuwi na siya. Pero, nagtext sa 'kin ang girlfriend ni Jayson. Naroon daw ang mga 'yon sa dati nilang club room at naglalaro ng COC!"

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon