Parallel 68

1K 95 0
                                    

***

"Miss Cassy!" bulalas ni Aida na patakbong lumapit suot ang cardigan na may nakaburadang itim at puting bulaklak.

Naroon na si Cassy sa lapag, sa tapat mismo ng pinto at walang malay. Nanginginig na kinuha ni Aida ang cellphone, saka naman naalala na may taxi nga palang naghihintay sa ibaba.

"Sandali lang, Miss Cassy!" Mangiyak-ngiyak na ito nang manakbo palabas ng pinto para magpatulong sa taxi driver na naroon sa labas.

Nang maisakay sa taxi, mabilis na itong umarangkada patungo sa ospital. Sa buong pagbiyahe ay panay ang pagkabog ng dibdib ni Aida. Noong tawagan nga nito ang mga amo para sabihin ang nangyari sa anak ng mga ito, parang sasabog ang puso ng babae dahil sa labis na pag-aalala.

Ilang sandali pa ang lumipas ay nakarating na rin sa ospital ang mga ito. Kaagad na sumalubong ang mga hospital staff na may dalang stretcher at mabilis ipinasok sa loob ang pasyenteng walang malay.

Matapos matingnan ng personal na doktor ang babae, sa VIP room ay kinausap ng espesyalista ang mga magulang ni Cassy.

"Wala naman pong ibang problema sa kaniya, bukod sa matinding stress. Ipinapayo ko pong manatili na lang muna siya rito sa ospital ngayong gabi," pahayag nito kay Mr. Enriquez.

Si Mrs. Enriquez na hindi pa rin maganda ang pakiramdam ay nagsimulang mapahagulgol. Walang magawang niyakap at tinapik-tapik na lamang ito ng asawa, na tulad nito at labis-labis din ang pag-aalala.







Nang magkamalay si Cassy, hindi naman niya magawang maimulat nang tuluyan ang mga mata. Mukhang nasanay ang mga ito sa kadilimang pinanggalingan. Wala namang ibang pumapasok sa isipan niya kung 'di ang babaeng may kulot at mahabang buhok na kaniyang kamukha. Ang babaeng tila kanina lang nakita.

Malinaw pa rin sa kaniya ang nakakabahalang pagtitig nito. Nakatuon lamang ang mga mata ng babae at tila binabasa ang kaniyang kaluluwa. Binabasa ang bawat sulok ng kaniyang katauhan.

"Cassy, are you alright? May masakit ba sa 'yo?" usisa ng pamilyar na tinig na naroon sa gilid.

Lumingon siya ngunit lumampas ang kaniyang tingin sa labas ng bintanang salamin. Nakasilip mula roon ang buwan at ang mga bituin. Maging ang maninipis na ulap ay tila bumabati sa kaniyang paggising.

Pinilit niyang bumangon at kaagad naman siyang inalalayan ng lalaking katabi.

"Cassy?"

Napatingin siya sa mukha nito saka pa lamang rumehistro sa isipan kung sino ito. "Caleb?"

"Ayos na ba ang pakiramdam mo? Ang sabi ng bagong maid, hinimatay ka raw?" usisa nitong nasa mata ang labis na pag-aalala.

"May bagong maid? Wait, bakit ba ako nandito?" Napasapo siya sa ulo nang biglang gumuhit ang kakaibang pagkirot nito.

"Hindi mo pa siguro siya nami-meet. Kasi naman..." wika ng kapatid na napabuntong-hininga.

"Bakit? Nasaan si Manang Tessy?" tanong niya.

Natigilan naman ang kakambal at napatitig sa kaniya. Bigla na lamang lumitaw sa buong mukha nito ang labis na pagkagulat.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon