***
Puno ng mga estudyante ang pasilyo patungo sa susunod na klase ni Peya. Patuloy pa rin ang mala-bubuyog na pagbulong ng mga ito, kasabay ng mga pailalim na tingin na halos tumatagos na sa kaniya. Hindi makapaniwala ang karamihan ng mga estudyante na dalawa sa kilalang manlalaro ng balibol sa kanilang unibersidad ay kaibigan niya.
Ang isa sa mga ito ay anak ng pinakapuno ng pamantasan, si Milagros na pangarap maging tagapagbalita balang-araw. Hindi niya akalaing ang babaeng may mala-diyosang mukha ay mayroon ding mabuting puso, sapagka’t ‘di siya nito itinuring na iba. Noong nakaraang sumabay ito ng pagkain sa kanila ay napakarami nitong naikuwento at talaga namang napakasarap kasama.
Wala ring kaarte-arte sa katawan ang babae dahil hindi ito nahiyang makihati sa pagkaing ng lalaking tinatawag nitong ‘Hangin’. Nabanggit nga rin nito ang tungkol sa pagkakapili sa kaniya ng dekano(dean) para maging exchange student sa ibang bansa.
Bakit siya? Ano naman kung siya’y matalino? Malamang may iba pang mas matalino sa unibersidad kaysa sa kaniya.
‘Di bale, kung sakali man ay tatanggihan na lamang niya. Alam niyang hindi basta-basta ang magiging gastos kung hahangarin niya pang mag-aral doon. Nakakahiya sa kaniyang tiyahin.
Pagkapasok sa silid, sinalubong siya ng matatalim na tingin ng mga kaklase. Malakas din ang pag-ugong sa kaniyang isipan ng mga maling pag-aakala ng mga ito patungkol sa kaniya.
Ginayuma niya nga raw ang ‘Air Prince’, maging ang anak ng pinakapuno ng pamantasan. Iba raw talaga ang kaniyang kamandag. Kung gano’n ang kanilang iniisip, hindi ba dapat ay natatakot ang mga ito? Pero, mukhang ‘di naman gano’n. Nagagawa pa nga siyang paringgan.
Nagpatuloy siya sa paghakbang at pilit tiniis ang mga masasamang tinging nararamdaman niya sa kaniyang batok.
Nang malapit na sa kaniyang upuan, kaagad niyang nabasa ang binabalak ng magandang kaklaseng nakaupo sa bandang unahan. Tinanggal na lamang niya ang nakasabit na bag sa likod at binitbit ito sa harap ng kaniyang sapatos.
Nanlaki ang mata ng babae at napabulong, “What the f*ck?”
Nang mapadaan sa harapan nito ay ‘di sinasadyang mayroong maisip na masamang bagay.
Pagkaupo n’ya, biglang tumayo ang kaklaseng babae at nagsimula sa nakabibingi nitong pagsigaw. May hawak itong salamin at mula roon ay tinitingnan ang sariling repleksyon, kasunod ng pagkapa sa pisngi.
Bigla nitong inihagis ang salamin na kaagad nabasag at lumikha ng ingay. Nang humarap ang babae, bumungad sa kaniya ang labis na pagkasindak nito, pati na rin ang mga misteryosong bagay na tumubo sa halos buong katawan.
Punong-puno ng tila malalaking pigsa ang mukha ng babae, maging ang mga kamay at braso nito. Kapansin-pansin din ang mga naninilaw na nana mula roon. Ang kaso, hindi ‘yon nakikita ng ibang kaklase. Pinapanood lamang ng mga ito ang nagwawalang babae. Malakas ang pagbalahaw ng iyak nito habang nanginginig na nakatitig sa kaniya, iniisip na siya ang may kagagawan niyon.
Nang may dumating na propesor, ay kaagad itong pinakalma at ilan sa mga kaibigan ay inalalayan ang babae patungo sa klinika. Siya naman ay labis na nagtataka.
Paanong nagkagano’n ang kaklase, samantalang naisip lang niya kanina na sana ay hindi na ito magmalaki pa.
Napahawak si Peya sa sariling bibig.
Siya nga ba…ang may kagagawan niyon?
***
Base sa mga ulap, mukhang magiging maganda naman ang panahon. Minsan, kapag pinagmamasdan ni Cassy ang mga ito, nakikita niya ang mabilis nitong paglipad sa kalangitan, kasabay ng pagbabago ng posisyon ng araw mula sa pagsikat nito hanggang sa paglubog, senyales na maaari din niyang makita ang magiging klima sa buong maghapon.

BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...