Balak niyang puntahan ulit si Jacob sa departamento nito, ngunit pagkalabas niya galing klase, nakaabang na sa kaniya si Caleb. Masama ang ekspresyong makikita sa mukha ng kapatid nang magsabing uuwi na sila.
Bakit ngayon pa nito naisipang lumiban sa ensayo?
Kailangan niyang magpaalam, pero, mukhang hindi pa rin maganda ang kondisyon ng kapatid. Mababanaag sa mga mata nito ang kalungkutan. Kitang-kita rin sa paraan ng paglalakad ang dinaramdam. Nakayuko at nakabagsak ang balikat ni Caleb na mabagal lamang ang ginagawang paghakbang.
Pakiramdam niya ay mayroong kinalaman doon si Karina, pero hindi naman siya makasiguro.
Pagkababa nila sa gusali ng dapartamento, naroon na si Kuya Peter at naghihintay sa kanila.
Bago sila sumakay ng kotse ay tinawag niya ang kakambal, "Caleb."
Lumingon ito, at sa unang pagkakataon, nakita niya ang ekspresyon ng kapatid na hindi pamilyar sa kaniya. Na para bang dismayado ito?
Nakatingin lamang ang kakambal at naghihintay sa kaniyang sasabihin.
Bakit, hindi na naman niya ito mabasa?
"Caleb, kasi-" Natigilan si Cassy sapagka't hindi siya sigurado sa idadahilan.
"Sumakay ka na ng kotse." Binuksan nito ang pintuan na nasa kanan ng sasakyan.
"May gagawin pa ako rito, mauna na lang kayo." Hahakbang na sana siya nang muli itong magsalita.
"Bakit? Ano pang gagawin mo." Pataas ang tono ng kapatid.
Pakiramdam niya, hindi talaga 'yon tanong, kung hindi isang pahayag.
"Kailangan kong puntahan si Jacob, dahil may dapat akong itanong sa kaniya," tugon niyang muli itong nilingon.
"Ano 'yon," wika nito kasunod ng pagbuga sa hangin. Napatingin ito sa malayo. Sa kawalan. Nararamdaman niyang may gusto itong iwasan. Katulad ng pag-iwas ng paningin nito sa kaniya.
Kakaiba si Caleb ngayon. Kasinglamig nito ang hanging dala ng Oktubre. Iba ang inaakto ng kakambal kaya hindi niya maiwasang matakot at mag-alala. Hindi niya rin alam kung bakit kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib.
"Tungkol kay Mira. Kilala mo 'yon, 'di ba? 'Yong dati kong kasama sa volleyball team," panimula niya. "All this time, iniisip kong siya ang presidente ng student council, pero sabi ni Lianne, hindi naman daw. I even checked our university website, at hindi siya ang-"
"For goodness sake, Cassy!" bulalas nito sa malakas na tinig. "Tigilan mo na ito." May hinanakit sa boses ni Caleb. Saka niya napansin ang pagdaloy ng luha mula sa pisngi nito. Tumungo ang lalaki para maitago ang nararamdaman, pero huli na. Dahil nakita na niya ang kalungkutan nito.
Bakit umiiyak ang kapatid?
Kahit si Kuya Peter na napalingon ay napanganga sa nangyayari.
"C-caleb?" Lumapit siya sa kakambal dahil sa pag-aalala.
Ngunit, hinila lamang nito ang braso niya. "Sumakay ka na ng kotse."
Wala siyang magawa kung 'di ang pumasok sa loob kahit napapaisip sa ikinikilos ng kapatid. Mas lalo pang naguguluhan ang isipan sapagka't hindi na naman niya ito marinig.
"Kuya, umalis na tayo," pagmando ng kakambal sa drayber nila.
Napansin niya na marahang napailing si Kuya Peter sa nasaksihang eksena, at kasunod ng pagpapagana sa makina ay mabilis na silang umarangkada.
Buong biyahe ay tahimik sila. Ni hindi na nag-abala pa ang drayber na patugtugin ang radyo. Nasisiguro niyang si Caleb ang kasama, pero mukhang may kung ano itong ipinag-aalala. Nakatingin lamang ang kakambal sa labas ng bintana.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...