***
Maliwanag na ang sikat ng araw nang mapadilat si Cassy. Unti-unti siyang bumangon sa kamang kinahihigaan at saglit na pinakinggan ang mga huni ng ibon mula sa balkonahe. Tumayo siya at sumilip sa mga mumunting likha ng langit na pasimpleng ipinapagaspas ang pakpak.
Kinuha niya ang paboritong DSLR na kamera para kunan ng litrato ang mga ito. Dahan-dahan ang ginagawa niyang pagkilos upang hindi makaistorbo. Matapos makakuha ng perpektong anggulo, napangiti siya nang makita ang kaniyang obra.
Muli siyang napatingin sa labas ng balkonahe, sa napakalinaw na kalangitan. Mabuti na lang at gumanda ang panahon ngayong araw. Magsasabay kasi sila ng ina na magpupunta sa culinary school. Mahusay sa ito pagluluto subalit nagdesisyon itong mag-enroll para mas palawakin pa ang kaalaman. Samantala, sumasama lamang siya kahit walang gaanong hilig doon.
Kaagad na siyang nagtungo sa banyo para maghanda ng sarili. Sa kaniyang pagpasok ay na ikinokta niya ang phone sa stereo na naroon. Nangibabaw ang paborito niyang awitin na bumagay sa kaligayahang kaniyang nararamdaman.
Napakasaya niya at parang nasa alapaap nang magising dahil sa panaginip. Nakapanghihinayang na kahit natatandaan man ang lahat ng detalye at pangyayari, hindi naman niya maalala ang ibang mukha ng mga taong nilalaman nito.
Lalo na ang lalaking ‘yon na ‘di pa rin siya sigurado sa itsura. Basta, sa kaniyang pagkakaalam ay napakaguwapo at napakabait, ngunit nakadidismayang hindi pa rin niya malaman ang pangalan nito.
Hindi rin nagtagal ay natapos siyang maligo at suot ang roba ay dumiretso sa loob ng isa pang silid para magbihis. Makikita sa bawat sulok ng walk-in closet ang naglalakihang kabinet na may babasaging pinto. Mula roon ay kapansin-pansin ang ilang dosenang mamahaling kasuotan.
Sa gitna ng silid ay may pakuwadradong istante, at nakalagay roon ang mga aksesorya ‘gaya ng alahas, sinturon at sobrero. Nasa sulok naman ang mga sapatos at bag na mula sa mga kilalang tatak. Isinusuot niya lang ang mga ‘yon kung kinakailangan o kung sabihin ng ina. Hindi kasi siya mahilig sa mga ganoon dahil simple lamang ang kaniyang estilo.
Isang dilaw na t-shirt at puting palda na hanggang tuhod ang kaniyang isinuot. Ipinares niya ito sa sapatos na may kulay ng bahaghari na matagal na ring hindi naisusuot. Paborito niya ito noong isang taon, ngunit sa dami ng sapatos ay ngayon lang ulit napansin.
Bago lumabas ng silid, naglagay siya ng moisturizer sa mukha at lip balm na kulay rosas. Matapos ang ilang minutong pag-aasikaso sa sarili ay kaagad na siyang bumaba.
Masigla niyang tinatahak ang baitang ng paikot na hagdan kasabay ng pagtakbo sa isipan ng napanaginipan. Hindi niya maiwasang mapangiti sa tuwing maiisip ang guwapong lalaki na nagdala kay Peya sa klinika.
Kung gano’n ba naman ang mapapanaginipan niya gabi-gabi, puwedeng hindi na siya magising.
“Sigurado ka riyan?” Napatingin siya sa paligid dahil sa baritonong tinig na narinig.
Nasa gitnang bahagi na siya ng hagdan at nang mapalingon, naroon si Karina sa ikalawang palapag at nakangiti. Nakaismid ang babae na dahilan kaya mabilis na kumulo ang kaniyang dugo.
“Bakit nanaisin mo pang managinip? Samantalang ginawa ko na ngang totoo ang lahat ng panaginip mo?”
Bigla na lamang tumambol ang kaniyang puso.
Boses ba ‘yon ng babaeng ‘yon? Kinausap ba siya nito gamit ang isipan?
Pero, masisiguro niyang tinig iyon ng isang lalaki.
“Ikaw ba ‘yon?” usisa niya.
“Ano po ang itinatanong ninyo, Miss Cassy?” Nakangiti pa rin ang babae.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...