Parallel 20

1.3K 170 65
                                    

Bihira siyang mainip sa biyahe maliban na lamang kapag hindi maganda ang kondisyon ni Caleb, katulad ngayon. Sa kotse ay malalim na naman ang pag-iisip ng kakambal patungkol sa girlfriend, maging sa mga alaala nito noong nabubuhay pa.

Naririnig niya rin ang boses ng babae sa alaala ng kapatid. Hindi man niya masyadong maaninag ang mukha nito, nasisiguro niya na maganda ito. Kung maaari nga lang ay humingi siya ng picture ni Ice, pero baka lalo lang malungkot ang kapatid kapag ginawa niya 'yon.

Maagang natapos ang pag-eensayo nito kaya kaagad na rin silang umuwi. Maririnig sa kotse ang madamdaming pagsabay ni Kuya Peter sa musikang naririnig mula sa stereo. Kagaya ni Caleb, madalas din na maging laman ng isipan ng drayber nila ang girlfriend nitong si Happy. Mukhang in-love na nga ito at tunay ang nadarama para sa babaeng gusto nang makatuluyan at mapangasawa.

Noong minsan ay narinig din niya ang mga pangarap ni Kuya Peter. Nais nito na mabigyan ang girlfriend ng magandang buhay, at tatlong cute na mga anak. Masasabi niyang napakasuwerte ng babae dahil mabuti itong tao at responsable. Gusto niya tuloy makilala ang babaeng 'yon.

Alas-singko pa lang kaya't maliwanag pa sa daan. Magaan lang din ang trapiko kaya saglit lamang ang naging biyahe at ngayon ay papasok na sila sa subdivision ng Great Pines, kung saan sila nakatira.

Mayamaya ay inihinto ni Kuya Peter ang kotse sa tabi. "Boss Caleb, ipapakilala ko sa inyo si Happy. Puwede naman natin siyang isabay papasok, 'di ba? Doon lang siya nakatira malapit sa street natin."

"Sige, Kuya, walang problema," sagot ng kapatid niya.

"Miss Cassy, saglit lang, ha?" wika nitong nginitian siya saka bumaba ng kotse.

Kaagad niyang nakita ang babaeng tinutukoy na nilapitan nito.

Pero, natigilan siya nang may mapansing hindi tama sa babaeng 'yon.

Napatitig si Cassy sa nakikitang kulay itim na nakapalibot sa katawan ng napakagandang babae na may maamong mukha.

Nang bumukas ang kotse ay kaagad itong ngumiti. "Hello, ako si Happy. Sorry, ha? Makikisabay pa ako kay Peter. Sinabi ko naman sa kaniyang okay lang sa akin na maglakad. Ilang minutong lakaran lang naman 'yon, eh," wika nito sa malambing na tinig, saka naupo sa unahan.

Sumakay na rin si Kuya Peter at naupo sa driver's seat. "Huwag kang mag-alala, mababait ang mga 'yan. Para ko na silang kapatid. Promise, okay lang talaga sa kanila, 'di ba, Boss Caleb? Miss Cassy?" tanong ng lalaki na tila nagpa-cute pa.

Bahagyang ngumiti ang kakambal niya. "Oo, don't worry. Walang problema sa amin kung sumabay ka."

Napalingon ang babaeng may matamis na ngiti, taliwas sa nabasa niya sa isipa nito. "Parang kapatid niya lang ang babaeng ito? Bakit napakaganda niya? Paano kung siya pala ang nagugustuhan ni Peter at hindi ako? Kung hindi ko lang siya nagayuma. Kailangan kong gumawa ng paraan! Papangitin ko kaya siya?"

Biglang tumalon ang kaniyang puso.

Kung gano'n, ginayuma lang ng babae si Kuya Peter?

Bakit?

Samantalang napakaganda nito?

Saglit na inayos ng driver nila ang rearview mirror na nasa gitna, kaya 'yon ay pansamantalang tumapat kay Happy.

At bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa nakita.

Ang babaeng nasa repleksyon ay ibang-iba sa nakikita niya ngayon. Iba sa magandang mukha na nakikita nilang lahat. Maitim ang kulay ng balat nito at halos bako-bako ang mukha. Malaki ang halos nakaluwa nitong mata na tila pumares sa makapal nitong kilay. At kahit nakatali ay mahahalatang buhaghag ang napakakapal nitong buhok.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon