***Nang magising si Cassy ay napakabigat ng kaniyang pakiramdam. Parang may kung anong nakabara sa dibdib.
Napabalikwas siya at naupo sa gilid ng kama at kaagad sumalubong ang magkakahalong emosyon na hindi pamilyar sa kaniya.
Takot.
Lungkot.
Pag-aalala.
Ang lahat ng ito ay unti-unting sumakop sa kaniyang sistema.
Napansin niya ang likidong pumatak sa kaniyang kamay. Napatitig siya sa maliit na butil sa likod ng palad at saglit na napaisip kung saan 'yon posibleng manggaling. Hinaplos niya ang pisngi at natuklasang mamasa-masa ito.Bakit siya luhaan?
Makailang-ulit siyang napakurap. Pilit iniisip kung may napanaginipan bang masamang bagay, ngunit wala naman siyang maalala. Blangko ang kaniyang isipan na parang papel na walang ano mang nakasulat.
Naistorbo siya nang marinig ang marahang pagkatok mula sa pinto. Kasunod ng pagbukas niyon ay bumungad sa kaniya ang malambing na ngiti ni Manang Tessy, ang limampu't apat na anyos nilang kasambahay at limang taon na ring naglilingkod sa kanilang pamilya.
"Gising ka na pala, Miss Cassy?"
Kasing-sigla ng umaga ang paglalakad ng matanda nang pumasok sa silid. Sa kabila ng katabaan ay maliksi itong nagtungo sa may bintana para buksan ang mga kurtina.Saglit tuloy siyang napapikit nang sumambulat ang liwanag mula sa labas.
"Bumaba ka na at nang makapag-agahan. Paborito mo ang mga inihanda namin ni Ma'am Divina," pahayag nito na ang tinutukoy ay ang kaniyang ina.
"Opo, bababa na rin po ako, magbibihis lang po," tugon niyang pinilit ngumiti kay Manang Tessy.
Gamit ang tinidor, halos wala sa sarili at pinaglalaruan lamang ni Cassy ang omelete pancake na nakahain sa harapan. Malayo kasi ang inililipad ng kaniyang isipan.
Nanood man ng pelikula, hindi naman niya nagawang makapagpokus kagabi. Nababahala pa rin siya sa nangyari. Halos buong magdamag ay tumatakbo sa isipan ang mga kakaibang naranasan kahapon, lalo na ang tungkol sa boses na narinig niya sa kaniyang silid. Mabuti nga at nakatulog pa siya.
"Cassy, kinakausap ka ni Mom," wika ni Caleb na nakaupo sa bandang kanan, sa harap ng bilog na babasaging mesa.
Saka pa lamang siya nagising mula sa malalim na pag-iisip. Kaagad niyang nakita na nakatuon sa kaniya ang pansin ng ina na naroon sa kaliwa, maging ang ama na nakaupo sa tapat at may hawak na diyaryo. Nag-aagahan nga pala siya kasama ng buong pamilya.
Maraming masasarap at masustansiyang pagkain ang nakahain sa hapag na iniluto ng ilaw ng tahanan sa tulong ni Manang Tessy, subalit hindi naman niya maintindihan ang sarili kung bakit malayo yata ang kaniyang nilalakbay.
Nakatingin pa rin sa kaniya ang ina, na matapos uminom ng vegetable juice ay nagtanong, "Are you okay, Cassy?" Lumapit ito at kinapa ang noo niya. "Masama ba ang pakiramdam mo?"
Bahagya siyang napatingala dahil sa ginawa nito. Sumakto tuloy ang paningin sa simpleng aranya(chandelier) na naroon sa kisame, at tila mga butil ng luhang nagkikislapan.
"Manang, puwede bang pakikuha ng thermometer?" pakisuyo ng ina sa kasambahay na naroon sa kusina.
"Mom, I'm okay," sabi niyang nagpilit ng ngiti. "Manang, huwag na po." Napasulyap siya sa may edad na babaeng nakasilip mula roon sa pinto.
Ngumiti lang ang ginang at bumalik na sa ginagawa.
"Are you sure?" wika ng kanilang ina na hinawakan ang kaniyang balikat. Matapos niyon ay muli itong naupo.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...