Katulad ng sinabi ni Jake, natagpuan na lamang ni Peya ang sarili sa labas ng kilalang kainan malapit sa unibersidad. Natatanaw sa kanilang harapan ang kapatid nito at si Milagros na magkahawak ng kamay. Nakaupo ang mga ito sa tabi ng salamin, at nakatitig sa isa’t isa na tila may mga bituing nagkikislapan sa mga mata. Hindi maikakaila ng matatamis na mga ngiti ang papausbong na pag-ibig ng dalawa.
Nang katukin ni Jake ang salamin ay parehong napalingon ang mga ito. Halata sa nanlalaking mata ni Milagros ang pagkagulat, saka ito napaturo sa lalaki. Napatingin naman sa kaniya ang kasintahan nito, saka naman siya mabilis na hinaltak ng kasama papasok sa salaming pinto.
Bumungad sa kanila ang masayang musika sa kilalang ‘snack bar’. Maraming estudyante ang naroon para magpalipas ng oras tulad nila. Nang makaupo sa tabi ni Milagros, hindi siya makapaniwalang nadamay sa pang-iistorbo ng lalaki sa mga ito. Kasalanan ito ni Jake na nasa tapat niya at ngayon ay tinitingnan nang masama ng kapatid.
“Pasensya ka na, ha?” bulong niya kay Milagros.
Napatawa naman ang babae. “Alam ko naman na wala kang kasalanan,” tugon nitong sinipa ang paa ni Jake sa ilalim ng mesa.
“Aray!” pagrereklamo nito na kunot-noong napahawak sa binti.
Pinandidilatan lamang ito ng mata ni Milagros, at ang nobyo naman ng babae ay nakabantay sa kapatid kung sakaling ito'y umatake. Gumanti tuloy nang matalim na tingin si Jake.
Napailing na iniabot na lang ng kapatid nito ang menu na nasa gilid.
Matapos kunin ay binuklat iyon ni Jake at isa-isang tiningnan ang matigas na mga pahina. “Anong gusto mo?” usisa nito sa kaniya. “Kahit ano?” pinangunahan pa nito ang madalas niyang sabihin. Ngumiti lang ang lalaki saka itinaas ang kamay upang magtawag ng waiter.
Nang may lumapit ay kaagad itong nagsalita, “Bigyan mo nga kami ng ‘kahit ano’.”
Napangiti ang kapatid nito kahit bahagya pa ring naiinis. “Ang mga joke nito, palaging bago.”
Napahagalpak ng tawa si Milagros. “Ganiyan nga ‘yan, parang tanga.”
Napakamot naman sa ulo ang waiter na ilang taon lang ang agwat sa kanila. “Sir, offer ko na lang po ang bago namin sa menu, ang ‘enormous cheezy pizza’ na may kasama na pong lasagna at kahit anong choice ninyong drinks.”
“Oh? Tingnan n’yo, may kahit ano pala sila, eh,” bulalas ni Jake na nanlaki ang mata. “Okay, Kuya Peter,” pagbasa nito sa nakasulat sa nametag ng lalaki. “Iyon na lang.”
Nang dumating ang in-order nila, literal silang napanganga.
Malaki pala talaga ang ‘enormous cheesy pizza’. Makapal ‘yon at tatlong beses ang laki kaysa sa karaniwang sukat ng naturang pagkain. Kaya pala higit isang libong piso ang presyo. Hindi lang kasi pang-apat na tao ang maaaring makakain.
“Akala ko, pangalan lang ‘yong ‘enormous’?” bulalas ni Milagros. “Jake, ubusin mo ‘yan!”
“Bakit ako lang?”
“Iyan pala ‘yong nakalagay sa labas,” turan ng kapatid ni Jake. “Kapag naubos ‘yan sa loob ng 30 minutes, libre na ‘yan.”
“Hindi naman binanggit ng waiter ‘yan, ah?” bulalas ni Jake na napalingon sa counter, at hinanap ng paningin ang lalaking kumuha ng order nila.
“Tuwing Sabado at Linggo lang kasi ‘yon,” wika ni Peya.
Napatango-tango lamang ang mga kasama na napahagalpak pa ng tawa.
Napuno pa rin ng kulitan at kasiyahan ang mesa na kanilang kinaroroonan. Maraming pinag-uusapan ang mga ito na labis niya ring kinatutuwaan. Masaya kasing kasama ang mga ito dahil totoo silang mga kaibigan.
![](https://img.wattpad.com/cover/99147094-288-k225230.jpg)
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...