Parallel 19

1.3K 183 56
                                    

Napaluhod si Cassy sa tabi nito, habang ang babae ay walang malay na nakasandig sa kaniya.

Saka naman siya napatingin sa paligid nang bumugso ang kakaibang pag-ihip ng hangin. Napakalakas nito na tila nagpapaikot-ikot sa kanilang kinaroroonan.

Kapansin-pansin din ang pagbagal ng lahat, dahilan para gumapang ang kakaibang pagkakilabot sa kaniyang batok. Pinagmasdan niya ang dahan-dahang pagkilos ng ibang estudyanteng naroon, na animo’y maging ang pagkurap ay hihigit ng tatlong segundo. Maririnig din ang marahang pagbubuklat ng libro ng taong nasa ‘di-kalayuan mula sa kaniya, kasunod nang napakabagal na pagpindot nito ng cellphone, at unti-unting pagsilay ng ngiti sa labi.

Muling natuon ang kaniyang tingin sa babaeng nakasandig. Hindi talaga ito nagda-drama. Ang mga binabanggit nito ay totoo at walang halong pagkukunwari. Dahil naramdaman niya ang kung anong sumakop sa katawan ng babae kanina.

At batid niyang narito pa rin ito at nakamasid lamang sa kanila.

Iniikot niya ang paningin sa buong aklatan, pero wala siyang kahit na sinong matagpuan na puwedeng gumawa niyon.

Bahagya siyang nanlumo sa matinding kumpirmasyong sumambulat sa kaniya. Nangingimi ang kaniyang labi, ngunit pinili niyang pigilan ang mga luhang maaring pumatak ano mang oras.

Nang magmulat ang babae, napatitig ito at nanlaki ang mga mata. “You again!” bulalas nitong nagpumiglas sa pagkakahawak niya at mabilis nakatayo nang maayos.

“Okay ka lang ba?” tanong niyang tumayo na rin.

“Tingin mo okay lang ako?” wika nito sa pataas na tono. “Ilang beses na akong bigla na lang nagigising kung saan at palaging ikaw ang kasama ko? Ano bang nangyayari? Nasa cafeteria ako kanina, ah?”

“Hindi ko rin alam,” wika niyang napatingin sa ibaba, saka napansin ang panginginig ng mga kamay.

“You know, I’m starting to think na weird ka rin, just like him!”

Nangunot naman ang noo niya. “Sinong tinutukoy mo?”

Naistorbo sila nang may lumapit sa babae. “Hi, Sherryl!” Nakipagbeso pa ito at kaagad niyang napansin ang mga suot nitong nagmula sa mga mamahaling tatak. “What happen to you? Bigla ka na lang umalis sa cafeteria kanina. Dito ka pala nagpunta?” Napadako ang paningin nito sa kaniya at awtomatikong napangiti. “Cassy.”

“Kilala mo ako?” Kaagad naman niyang nabasa mula rito ang kasagutan.

“Of course! You’re the top of your department, right? Twin sister ka ni Caleb, sinong hindi makakakilala sa ‘yo?” pahayag nitong tulad lang din ng kaniyang narinig mula sa isipan ng babae. “By the way, I'm Erica.” Naglahad ito ng kamay.

Ngumiti siya at tinanggap ‘yon. Saka naman biglang lumitaw sa kaniyang balintataw ang pagpasok ng dalawampu't-dalawang gulang na babae sa isang five-star hotel, habang nakalingkis ang braso sa lalaking nasa edad higit trenta pataas.

Kilalang pulitiko sa siyudad ang kasama nito, sapagka't madalas niya itong makita  kapag dumadalo sa mga charity events ng foundation na pinamumunuan ng ina. At sa mga events na ‘yon ay palaging kasama ng lalaki ang asawa na isang konsehala.

Kaagad niyang binawi ang kamay at napaatras mula sa babae.

Ano na naman ba ito?

Isang kakayahang sakop ng tinatawag na ‘Ikalimang Mata’?

Talaga bang ang nagtataglay niyon ay maaari ding makita ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng isang tao?

“Is there any problem?” pansin ng babae sa kakaibang reaksyon niya.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon