Parallel 1

3.9K 58 0
                                    


***

Nangingibabaw sa malawak na silid ang boses ni Professor Evangelista, ang bente-siyete anyos at pinakabatang propesor ng Horizon University. Buong puso nitong binabasa ang hawak na libro kasabay ng paglalakad sa gitna.

Napapailing naman si Cassy sa mga kaklaseng hindi maitago ang pagkakilig at tutok na tutok sa pakikinig. Guwapo kasi ang propesor at napakalakas ng dating kaya maraming estudyante ang nagkakagusto, sa kabila ng pagiging istrikto, lalo na sa pagbibigay ng grado.

Dahil hindi naman na sakop ng aralin nila ang binabasa nito, ibinaling na lamang niya ang atensyon sa labas ng bintana. Napakasigla ng sinag ng araw na nagpapagaan ng kaniyang pakiramdam. Matatanaw rin mula sa kinauupuan ang mga punong marahang isinasayaw ng hangin. Bumabagay ang magandang panahon sa malamig na tinig ng propesor na kahit papaano'y kaniyang naririnig.

"...'Di ako sigurado sa pangalan, pero gusto ko ang kulay nitong itim at abo. Mukha mang rosas na namumukadkad, pero batid kong hindi ito rosas..."

Nang naising ibalik ang pansin kay Professor Evangelista, kataka-takang hindi na niya magawa. Napako na lamang siya sa kinauupuan at 'di na makontrol ang sariling katawan.

Unti-unti na rin niyang nararamdaman ang hirap sa paghinga. Na tila ba ang lahat ng hangin sa baga ay tinatakasan siya.

Ginusto niyang sumigaw, pero walang ano mang boses ang maririnig mula sa kaniya. Napatitig na lang siya sa labas ng bintana kasabay ng pagdagundong ng kaniyang puso.

Doon ay nakita niya ang biglaang pagkulimlim ng kalangitan. Mabilis kumalat ang makakapal na ulap na tila kadilimang dahan-dahang bumabalot sa kaniyang katauhan.

Patuloy lamang na dumadaloy sa kaniyang pandinig ang boses ng propesor, na ngayon ay parang naririnig niya mula sa ilalim ng tubig. Sa bawat pangungusap na binabanggit nito, mayroon siyang nakikitang malabong imahe ng dalawang taong animo'y isinasalarawan ang bawat salita.

"...Sa kabila niyon, masaya akong kasama ang taong ito. Sumasayaw sa kakaibang ritmo ang aking puso sa tuwing nakikita ang mapupungay niyang mga mata, ang perpektong ilong at ang mapupulang labi na palaging may baong matamis na ngiti. Kapag naririnig ko ang pagtawa niya, ang mga biro at kaniyang pangungulit ay nakalilimot ako sa katotohanang 'yon.

"Na hindi siya nararapat para sa akin, at kailanman ay 'di-maaari. Sapagka't naiiba ako sa kaniya. Ikapapahamak lamang niya kapag ipinagpatuloy pa ang paglapit sa akin. Dahil nababatid kong hindi titigil ang halimaw hangga't 'di ako nahuhulog sa bitag nito.

"Napatingala ako nang marinig na tinawag niya ang aking pangalan. Muli ko na namang nasilayan ang matamis niyang pagngiti. Nakasisilaw, napakaganda, bukod-tangi at hindi maikukumpara. Ngunit mayamaya, ako'y natigilan. Biglang lumiwanag ang buong paligid. At sa liwanag na iyon, ang taong 'yon ay unti-unting naglaho."

Biglang kumirot ang kaniyang dibdib. Tila may pumipiga nito kaya't mas lalo siyang nahihirapang huminga. Naramdaman na lang niya ang pagpatak ng mga luha. Ni hindi maintindihan ni Cassy kung bakit siya umiiyak.

Dahil ba sa binabasa ng kanilang propesor? O dahil sa katotohanang siya'y nasa loob ng isang bangungot gayong kaniyang nababatid na hindi naman siya nakatulog?

Biglang tumalon ang puso niya nang may kamay na marahang nagpunas ng pisngi.

Tumingin siya sa gilid sa pamamagitan ng periperal, at naaninag na mayroong nakatayo roon. Dagling nanindig ang kaniyang balahibo nang makita ang isang babaeng may puting-puti at napakahabang buhok, na halos umabot sa talampakan nito.

Naroon lamang ito, nakatuon ang pansin sa labas ng bintana.

Lalong gumapang ang matinding pagkakilabot sa kaniyang kalamnan. Nasisiguro niyang ang nararanasan ay hindi normal.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon