Nakatitig si Cassy sa lalaking nakahiga at walang malay sa kamang pampasyente ng klinika. Nakaupo siya sa silya at pinagmamasdang mabuti si Jacob na kahit nakapikit, mababanaag pa rin ang bahid ng kalungkutang nakaguhit sa buong mukha nito.
Nang dahil sa nangyari, parehong dinala rito ang magpinsan na kaagad namang nasuri ng doktor. Maayos na raw ang kanilang kalagayan. Dahil lang daw sa pagkapagod kaya't hinimatay ang dalawa.
Nakahiga sa kabilang kama si Sherry, napakahimbing ng tulog at nagagawa pa ngang humilik na parang nasa bahay lamang ito. Nayayamot siyang tumayo at pabalagbag na isinara ang kurtina paikot sa kinahihigaan ng babae.
Siya na lamang ang naiwan sapagka’t kailangan ni Lianne na puntahan ang sunod na klase. Mas istrikto pa kasi kay Professor Evangelista ang propesor nito sa kasunod na asignatura.
Napapaisip pa rin siya kung paanong hindi nakita ng iba ang kaniyang nagawa. Bakit ang alam lang ng mga ito ay parehong nahimatay ang dalawa? Ang lalaki ay dahil nga sa sakit, samantalang sinasabi ng ilan na marahil ay buntis si Sherryl. May karelasyon daw itong manlalaro ng basketbol sa kanilang unibersidad, na palagay niya ay ang lalaking dinala nito sa kaniyang condo.
Napatingin si Cassy sa mga kamay.
Hindi niya maintindihan ang nangyari kung paanong marahan lamang niyang itinulak ang babae, ngunit halos umabot na ito sa dulo ng koridor. Siya pa rin ba ang may kagagawan sa nangyari kay Sherryl?
Isa rin ba ‘yon sa kakayahang tinataglay ng taong may Ikalimang mata?
Narinig niyang bumukas ang pinto kaya siya napalingon. Pumasok mula roon ang propesor ni Caleb na si Professor Black, ang taong tumutulong kay Jacob at nagbigay ng matitirhan sa lalaki. Kagalang-galang ito sa itim na amerikanang suot, at pinarisan ng blankong ekspresyon. Naglakad ang ginoo palapit at kasabay nang matinding pagtibok ng puso ang lalong pagtindi ng kaniyang kutob.
Alam marahil ng propesor ang kung ano mang nangyayari.
Kung maaari lamang niya itong mabasa.
Napatingin siya sa bandang paanan ng propesor at kaagad nakita ang malinaw nitong anino. Nang subukan niyang tingnan ang kulay ng aura ng propesor ay wala naman siyang makita.
Bumati siya at inaya itong maupo. Hindi naman tumugon si Professor Black at nakuntentong tumayo sa tabi ni Jacob. Katulad niya ay pinagmasdan lang nito ang lalaking nahihimbing.
Nagbaka-sakali tuloy siyang magtanong, “Bakit po sa inyo nakatira si Jacob? Ano po ba ang mayroon at parang anv bait-bait ninyo sa kaniya?”
Bumaling sa kaniya ang propesor ni Caleb. “Dahil wala na siyang ibang matatakbuhan,” wika nito sa kalmadong tinig. “Isa pa, ay responsibilidad ko rin ang ginawa niyang pagpaparaya.”
Napakunot-noo si Cassy sa narinig. “Pagpaparaya? Ano pong klaseng pagpaparaya?”
“Kahit malaman mo, Ano namang magagawa mo? Kaya mo na bang maibalik ang lahat sa dati?” tanong nito at hindi niya maintindihan kung galit ba ito sa kaniya o ano.
Ibalik ang lahat sa dati?
Bakit parang paulit-ulit na niya ‘yong naririnig?
Ano bang ‘dati’ ang tinutukoy nila na kailangang maibalik?
Sa pagkakaalala niya, may sinabi si Jacob noong una silang magkita, na may kung sino ang luminlang dito. Na magagalit iyon kapag nalaman nitong nagkaharap na sila.
Muli siyang nagtanong kay Professor Black, “May kilala ba kayong kinakausap ni Jacob na…” Saglit siyang nag-alangan. “Kilala po ba talaga ninyo si Jacob?”
![](https://img.wattpad.com/cover/99147094-288-k225230.jpg)
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...