Wala mang kulay, nasisiguro niyang ang mismong larawan ang makikita sa maliit na bahagi ng ipinintang obra ni Lianne.
Kung ganoon, ang mga nakita niyang maliliit na bilog sa loob niyon ay mga planeta?
Binasa niya ang diskripsyon na nakasulat sa lumang libro na kusa namang nasasalin sa kaniyang isipan.
Ang mundo ng mga mortal ay hindi lamang nag-iisa sa kalawakan. Marami pang mundo at dimensiyon ang hindi basta nararating ng mga pangkaraniwang nilalang. Isa na roon ang 'Diamánti vasíleio', isang lugar na nasa kabilang panig lamang ng uniberso at mayroong lagusan sa pagitan ng langit at lupa. Pinamumugaran ito ng mga imortal na may naiibang katangian sa mga tao.
Nakita ni Cassy sa mga sumunod na pahina ang iba pang nakasulat. Ang mga naninirahan doon ay tinatawag na 'Athánatos'. Ang mga nilalang na ito'y nahahati sa iba't ibang kategorya, ang Katharóaima (tagapangasiwa), ang Fýlakas (tagabantay), ang Kidemónas (tagapangalaga), ang YPERASPISTIS (tagapagtanggol), at ang Akólouthoi (tagasunod).
Ang mga Katharóaima(purong 'Athánatos' o pure-blood) ay mga imortal na kawangis ng tao, ngunit may higit na kapangyarihan at kaakit-akit na itsura. Sa kanilang lahi rin nagmumula ang Natatanging Katharóaima na may karapatang mamuno sa iba't ibang nilalang, sapagka't ito lamang ang nag-iisang magagawang makontrol ang ano mang elemento, kahit pa ang oras at panahon.
Ang Fýlakas o ang tagabantay ay mga 'Athánatos' na may dugong mortal(half-blood), ang isa sa nilalang na hinahayaang manirahan sa mundo ng mga tao. Ngunit, ang pananatili nila rito ay may kaakibat na misyon. Dahil sa kalahating katangian ay nabibilang sila sa mga mababang-uri.
Ang Kidemónas(pure-beast) ay mga nilalang na may purong katangian ng pagiging halimaw. Tinatawag silang tagapangalaga dahil ang kanilang enerhiya ay nagdudulot ng balanse sa iba't ibang mundo at dimensyon.
Ang YPERASPISTIS(half-beast) ay mga 'Athánatos' na may kalahating katangian ng mga halimaw at karaniwang kabilang sa hukbo ng sandatahang nagtatanggol sa kanilang nasasakupan. Katulad ng Fýlakas ay tinagurian din silang mababang-uri.
Ang mga Akólouthoi o tagasunod(slave), ay nagmula sa lahi ng mga mortal. Maaaring dinala sila roon bilang kaparusahan, puwede rin namang sila'y naibigan. Ngunit, kahit mapangasawa pa ng mga nilalang sa kabilang dimensiyon, nabibilang pa rin ang mga ito sa pinakamababang kategorya at itinuturing pa ring tagasunod.
"Anong ginagawa mo rito?" Napatayo siya dahil sa pagkagulat kay Lianne.
Tumingin ito sa ibabaw ng mesa kaya muling natuon doon ang kaniyang pansin, ngunit kataka-takang wala na roon ang libro. Makailang-ulit tuloy siyang pumikit at kinapa pa ang pinagpapatungan nito kanina, subali't hindi na niya ito nakita.
"Tara na, mag-i-start na ang class natin," wika ng kaibigan.
Kahit nag-aalangan ay kinuha niya ang bag at naglakad kasama ito. Bago tuluyang makalayo ay muli siyang lumingon sa mesa, pero katulad kanina, walang kahit na anong nakapatong doon.
Namalikmata na naman ba siya?
Isinukbit ni Lianne ang mga braso sa kaniya at nagsimulang magkuwento patungkol sa ipinipinta nitong mural sa grand hall. Muli niya tuloy naalala ang mga nabasa kanina. Napakadetalyado kasi niyon para isiping isang guniguni.
"Cassy, nakikinig ka ba sa akin?" tanong ni Lianne na napahinto sa paglalakad.
"Ha?" bulalas niya, saka pa lang siya nagising. "Ah, Lianne, 'di ba, nabanggit mo na mula sa dream ang inspiration ng painting na iniregalo mo sa akin before?"
Ngumiti ito bago sumagot, "'Yong abstract painting? Oo, napanaginipan ko 'yon after kong mabasa ang book ni Ms. Lucielle. Alam mo ba na kailan ko lang nalaman na siya pala ang nagsulat ng 'Parallel'?"
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...