***
Nang magising si Cassy, parang alon na sumambulat sa kaniya ang labis na pagkalito. Kaagad siyang bumangon, kasabay ng sunod-sunod na pagpatak ng luhang tila likidong umapaw mula sa kaniya.
Paanong naroon pala si Caleb sa kaniyang mga panaginip?
Sapagka't natatandaan na niya ang mukha nito.
Bakit doon ay may iba itong kapatid at kakambal? Si Jake na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maalala ang itsura.
Paanong maging ang kasintahan ng kapatid ay naroon din?
Si Miracle Fuentebello-ang matalik niyang kaibigan na nakasama sa isang aksidenteng ikinasawi nito.
Dagli na siyang tumayo at naglakad palabas ng pinto para puntahan ang kakambal. Sa sobrang bigat ng kaniyang paghakbang, malakas ang pagpalatak ng nakayapak niyang paa sa sahig ng koridor.
Gusto niyang sugurin si Caleb, upang makahingi ng larawan ni Ice, at baka sakaling maalala niya ang itsura nito. Para malaman na rin niya kung ito nga ang babaeng nasa kaniyang mga panaginip.
Pero, nang makarating sa labas ng pinto ng kapatid, natigilan siya at tila naestatwa sa kinatatayuan. Hawak lamang niya ang doorknob, nagdalawang-isip at nag-alala na baka sa kaniyang gagawin ay masaktan lang ang kapatid.
Bakit ba niya ito nararamdaman?
Kung tutuusin ay panaginip lamang iyon. Hindi 'yon ang kaniyang reyalidad. Ang napapanaginipan niya sa tuwing nahihimbing ay ang babae sa kabilang mundo, ang babaeng kaniyang kamukha.
Hindi man niya batid kung paano, pero 'yon ang kaniyang nagagawa.
Tama.
Magkaiba sila ni Peya dahil doon ay wala itong ibang pamilya bukod sa tiyahin at pinsan nitong si Sherryl. Natural lang na iba ang kakambal doon ni Caleb.
Pero, sa kabila na alam niya ito, bakit parang labis pa rin siyang nasasaktan? Parang labis na pinipiga ang kaniyang puso, kaya nagsisimula na namang manikip ang dibdib niya.
Ni sa panaginip ay hinding-hindi niya ito matatanggap.
Pinunasan na niya ang pisngi at muling naglakad pabalik ng silid dala-dala ang sama ng loob. Para siyang baliw na umiiyak dahil sa panaginip at ayaw niyang makita ng kakambal na nagkakaganito siya.
Lalo pa't may hindi sila pagkakaintindihan ngayon.
Humahalimuyak ang mabango at masasarap na pagkaing nakahain sa hapag-kainan. Karaniwan na ang vegetable salad at omelete pancake bilang agahan, ngunit may ibang sinusubok na pag-aralang iluto ang ina. Ang 'seafood fusion' na may magkakahalong gulay at sariwang lamang-dagat ay naroon din at maganda ang pagkakapresenta sa ibabaw ng mesa.
Masiglang nag-uusap ang mga magulang patungkol sa mga nakahandang nakabubusog din sa paningin. Panay ang pagngiti ng ina sa mga papuri ng kanilang ama.
Para naman silang nasa ibang mundo ni Caleb dahil pareho silang natatahimik at walang gana. Napagmamasdan niya ang mabagal na pagsubo ng pagkain ng kakambal, na mukhang napipilitan lamang sa ginagawa dahil kailangan nitong kumain.
Ganoon din siya. Hawak lamang niya ang kubyertos at pinipilit na nguyain ang pagkaing nakahain, subalit ang kaniyang buong pansin ay nakatuon sa buong pamilya.
Patuloy na tumatakbo sa kaniyang isipan ang huling panaginip. Ang mukha ng ina ni Jake doon ay hindi rin niya matandaan. Kaya nga kanina pa siya nakatingin at pinagmamasdan nang maigi ang kanilang ina.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...