“Ano bang klaseng lugar ‘yon? Paanong hindi ikaw ang kakambal ko roon?” tanong ni Caleb na 'di pa rin nawawala ang pagkalito sa mga mata.
Napatungo siya at hindi na magawang tumingin pa rito. Kung tunay ang lahat ng nasaksihan at hindi isang panaginip, ibig sabihin, hindi siya ang kapatid nito. Hindi niya ito kakambal at hindi siya ang totoong ‘Cassy’.
Muling nanikip ang kaniyang dibdib dahil sa sobrang bigat ng katotohahanang ito. Hindi pa rin gustong tanggapin ng puso’t isipan ang natuklasan. Hinahangad niya na sana isa lamang itong mahabang bangungot na kailangan niyang magisingan.
Naramdaman na lang niya ang pagpatak ng mga luha matapos nitong mag-unahang malaglag mula sa pisngi. Sa kabila ng bigat sa kaniyang puso ay kaagad niya itong pinunasan gamit ang palad.
“Cassy?”
“Kailangan kong makabalik doon para pigilan si Jake. Kausap niya ang dean kanina, pero sigurado ako na hindi talaga ‘yon si Dean Fuentebelo. May sumanib sa kaniya at ginagamit siya para malinlang si Jake.”
“Ang dean?” wika ni Caleb na nagpalipat-lipat ang mata sa kung saan. “Ang sabi ni Ice kanina, parang may kakaiba sa dad niya nitong mga nakaraang araw. Simula noong magkasakit ‘yon nang matindi, madalas na raw makalimot. Mula noon ay paiba-iba na rin ang ikinikilos.”
“Kung minsan, nararamdaman daw niyang ibang tao ang kasama niya sa bahay nila. Sobra siyang nag-aalala at gusto niyang magpatulong kay Peya, pero hindi naman niya makausap dahil ilang araw na raw 'yong uma-absent. Sino ba ‘yon? Parang nabanggit mo rin siya kanina?” dagdag ng kakambal.
“Si Peya, ang babaeng kamukha ko si mundo nila, at sa mundong ‘yon, pinsan ko si Sherryl—” Natigilan siya dahil sa nakagigimbal na ideyang pumasok sa isipan.
Ang kasunduan...
Ang pakikipagsundo ni Jake?
Gulantang siyang napatingin sa kapatid at nang maalala, nagsimula na siya sa aligagang paghalughog sa kaniyang bag. Tiningnan niya nang maigi ang loob, maging mga bulsa, pero wala siyang mahanap.
“Bakit, Cassy?” usisa ni Caleb na napapaisip sa ginagawa niya.
“May salamin ka ba?”
Umiling lang ang kapatid.
“K-kailangan ko nang umalis, Caleb,” paalam niya at patakbong nagtungo sa pinakamalapit na lugar kung saan may salamin.
Doon mismo sa gusali na pinanggalingan, sa Accountancy Department. Naka-lock ang parehong banyo ng mga lalaki at babae sa unang palapag, kaya muli siyang umakyat sa ikalawa.
Nang makarating sa ‘ladies room’ ay kaagad siyang pumasok. May nakasalubong pa siyang mga babae na napatingin lang dahil sa humahangos niyang pagtakbo papalapit sa salamin.
Sa bag ay kaagad niyang hinanap ang papel na naglalaman ng impormasyon ni Jacob. Ang papel na katibayan na naka-enroll ito sa night class. Saglit niyang binasa ang nilalaman at mga ‘di-pamilyar na pangalan ang kaniyang nakita. Ngayon lang niya napagtantong hindi pala talaga lubos na kilala ang lalaki. Ni ‘di niya alam kung bakit Enriquez din ang apelyido nito. Ni hindi niya alam kung sino ang mga magulang ng lalaki at kung nasaan na sila.
“Mrs. Sandra Sto. Domingo?” usal niya sa sarili.
Sa mga alaalang ipinakita ni Ms. Lucielle, narinig niya ang pasasalamat sa isang nagngangalang Mrs. Sto. Domingo. Ang ina kaya ni Jacob ang tinutukoy nito?
Kung ganoon, posible kayang galing sa ina ng lalaki ang pusong mayroon ang tunay na Cassy?
Saglit niyang hinaplos ang itaas na bahagi ng kanang dibdib. Bakit nga kaya wala siyang pilat?
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...