***
Sa kabila ng masarap at nakatatakam na amoy ng seafood pasta, wala namang gana si Cassy. Hawak lang niya ang tinidor at nakatingin sa pagkain.
Nang dahil sa kakayahan, mas malakas niyang naririnig ang tunog ng pagtama ng kubyertos sa mga plato. Kung minsan, maging ang pagpintig ng puso ng mga kasama sa hapag-kainan ay nauulinagan niya rin.
Ngunit, hindi naman siya gaanong nababahala sa mga iyon. Nagsisilbi lamang itong musika sa kaniyang pandinig habang patuloy sa malalim na pag-iisip.
Kung bakit naman kasi sa mga panaginip ay kaniyang naaalala ang lahat ng detalye, pero kapag nagigising ay hindi na niya matandaan ang mukha ng mga taong naroon.
Sa mga taong nakita roon, ang malinaw pa lang sa kaniya ay ang mukha ni Peya, si Sherryl, ang ina ng babae at ang mga taong nakita rin sa convenience store dito mismo sa kanilang subdibisyon.
Bakit naman kaya hindi niya maalala ang mukha ni Jake, ang kaibigan nitong si Milagros at ang kapatid nito?
Isa sa kaniyang palagay ay maaaring dahil hindi pa nakikita sa mundong ito ang kamukha ng mga taong naroon. Kaya siguro noong makaharap niya ang mag-ate sa convenience store, maging si Princess, saka pa lang niya naalala ang kanilang mga itsura.
Ganoon nga kaya 'yon?
"Cassy, kinakausap ka ni Dad."
Tila nagising siya mula sa pag-iisip dahil sa pagkalabit ni Caleb.
"Ha?" wika niyang napatingin sa ama na naroon lamang sa tapat. "Sorry, Dad. Bakit po?"
Tumikhim ito bago tumugon, "'Yong kaibigan mo, nag-quit sa part-time na ibinigay namin. Nalaman kasi niyang parte ng trabaho niya ang mag-salestalk sa mall. Baka inakala niyang sa office lang siya. Ang sabi mo ay kailangan niya ng trabaho, pero bakit namimili siya? Kausapin mo nga at nag-aalala ako," wika pa ng ama sa kalmadong tono.
Kaagad naman niyang nabasa na nalaman nito kung bakit na-ospital si Sherryl, at dahil 'yon sa muntikan na itong mapagsamantalahan sa motel.
Ang sunod na nagsalita ay ang ina, "Honey, hindi mo ba alam na ang schoolmate mo ay dati nating kapitbahay?"
"Kapitbahay po natin si Sherryl?" Nanlaki ang kaniyang mata sa pagkabigla.
Nag-alangang sumagot ang ginang kaya napatingin muna ito sa asawa. Wala namang ibang sinabi ang ama kaya ito muling nagsalita, "Yes, taga-riyan siya sa tapat. Well, hindi mo naman siya naging ka-close noon. Pero, mukhang isa rin siya sa mga taong nawala sa memory mo."
Napansin niyang bigla itong nag-ingat sa pananalita. At alam niya kung bakit. Dahil 'yon sa pagkasunog ng bahay sa harap.
Kung ganoon, ang nakita niyang sunog sa balintataw ay ang mismong nangyari sa ina ni Sherryl?
Kapitbahay nila noon si Jacob?
Kaya ba ito pamilyar sa kaniya?
Saglit na humigop ng kape ang ama, bago ulit nagsalita, "Kaya nga mas lalong nakakapag-alala, dati pa natin siyang kapitbahay. Pero, magmula noong mangyari ang insidenteng 'yon ay wala na tayong naging balita sa kaniya. Dapat nating tulungan ang batang iyon, baka lalo lang siyang mapahamak."
"Hon, baka naman ayaw niya sa workplace na makikita siya ng maraming tao, 'di ba? May mga taong gano'n," pahayag ng ina na mababakas pa rin sa mukha ang pag-aalala.
Alam niya kung bakit ayaw ni Sherryl na mag-trabaho sa mall. Mabubuking kasi ang pagpapanggap nito bilang mayaman. Hindi nito nais makita ng mga kaklase na kailangan nitong mag-part time, dahil walang ibang susuporta rito, bukod sa sarili. Iyon din ang ginagawa ni Jacob. Nagtatrabaho ito sa unibersidad bilang janitor para matustusan ang iba pa nitong pangangailangan.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...