Parallel 66

1K 90 1
                                    

Bumungad sa kaniya ang nanlalaking mga mata ni Aida. “Bakit, Miss Cassy?”

“Anong sinabi mo?” tanong niyang halos damugundong ang pagtibok ng dibdib.

Nakita niya ang pangungunot ng noo nito nang ibukas ang bibig, “Wala po akong sinasabi, sinusuklayan ko lang po kayo,” tugon nitong nasa mata ang pagkatakot. “Sabi n’yo po, ‘di ba, ayaw ninyo akong mag-ingay?”

Napamaang siya at muling napatingin sa salamin, ngunit wala naman siyang kakaibang nakita roon.

Napatalon sa gulat si Aida nang biglang tumunog ang phone. “Ay! Kalabaw!”

Kinuha niya ‘yon sa ibabaw ng kama at kaagad nabasang nasa ibaba na ang pina-book niyang taxi. “Aalis na ako,” pahayag niyang binitbit ang bag na nasa ibabaw ng kabinet, saka siya naglakad patungo sa pinto.

Napansin naman niyang parang aninong nakabuntot ang babae kaya niya ito nilingon.

“Ma’am, sama n’yo na po ako?” pakiusap nitong ikiniskis ang mga palad at tila nagmamakaawa.

“Ganiyan lang ang suot mo?” pansin niya sa Hello Kitty nitong sleeveless at maikling polka dots shorts.

“Kailangan ko pang magbihis? Baka iwan n’yo po ako?” tugon nito sa mangiya-ngiyak na tinig.

Napahawak tuloy siya sa kaniyang leeg. “Pumunta ka sa wardrobe ko, maghanap ka ng cardigan doon.”

Nag-alangan naman itong humakbang. “Hindi n’yo naman ako iiwan, ‘di ba?”

“Bilisan mo na!” Napalakas ang kaniyang boses dahil nawawalan na siya ng pasensiya sa babaeng ito.

Pero, kung tutuusin, mas gugustuhin niya ‘to, kaysa kay Roda na may masamang balak at palaging nakabantay sa kaniya noon.

Aligaga itong tumakbo papasok ng wardrobe. Siya naman ay itinuon ang pansin sa phone nang maalala ‘di pa pala niya natutugunan ang mensahe ng driver na nasa ibaba.

Habang nagpipindot sa hawak ay ipinihit niya ang doorknob.

Nang mabuksan ‘yon, bahagya siyang napapikit sa liwanag na biglang sumambulat sa kaniyang mga mata. Ilang segundo rin niyang naisara ito, at nang magawang maidilat, bumungad sa kaniya ang isang napakahabang pasilyo. Napakalawak niyon at halos hindi niya makita ang dulo, kaya may palagay siyang ang kinaroroonan ay isang napakalaking palasyo.

Dahil nagkikintaban ang bawat sulok nito, maging sa tinatapakan ay nakikita niya ang sariling repleksiyon. At napatitig na lang siya sa ibaba, dahil hindi na mukha ng totoong ‘Cassy’ ang naroon, kung ‘di ang tunay niyang anyo bilang si Peya.

Hinawakan niya ang kaniyang buhok nang maramdamang maalon na ito at hindi diretso. Napakahaba nito na halos umabot hanggang sa baywang. Nawala rin ang maputi niyang kutis na ngayon ay kayumanggi na.

Totoo ba ito?

Nananaginip na naman ba siya?

Saglit siyang lumingon, ngunit wala na ang pinanggaling pinto, at ang kaniyang nakikita ay napakataas na kisameng gawa sa malinaw na salamin. Maging sa mga pader ay tumatagos ang kulay-lilang liwanag na nagmumula sa labas. Nakabukas ang kanang bahagi nito na may harang, kaya mula sa kinatatayuan ay halos mapanganga siya dahil sa pigil-hiningang tanawin sa kulay-lilang kalangitan.

Mula sa himpapawid ay kapansin-pansin ang mga nakakalat na bilog at mala-planetang bagay na may iba’t ibang kulay at laki. Sa ibaba niyon ay naroon ang kagila-gilalas na kagubatang nababalot nang makapal na hamog.

Halos tumigil naman ang kaniyang paghinga nang mapansin ang mga nilalang na lumilipad sa labas. Iba-iba ang kanilang uri at laki na hindi naman niya masiguro kung ano. May ibang kaakit-akit ang itsura at kasuotan, samantalang ang iba ay nakapangingilabot at hindi niya hahangaring lumapit.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon