Sa kabila ng sabay na pagkanta nina Lianne at Kuya Peter sa musikang naririnig sa sasakyan, panay pa rin ang pagtingin ni Cassy sa labas ng bintana. Hindi nakatulong ang mabagal na pagdaloy ng trapiko. Lalo lang nitong nadaragdagan ang nararamdaman niyang pagkabalisa. Napasulyap siya sa bandang likuran, dahil baka naroon lang ang babae at nakasunod nga sa kaniya.
Sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang nakapangingilabot na bulong ni Karina. Ngayon, tila paulit-ulit niya itong naririnig sa tainga. Umaalingawngaw at sumasakop sa kaniya. Nag-alala tuloy siya para sa kaligtasan ng pamilya. Paano kung wala pa itong ginagawa sa ngayon dahil naghihintay lamang ito ng tamang pagkakataon?
“Cassy, okay ka lang?” Nakasilip sa mukha niya ang katabing si Lianne. “May problema ba?”
Napailing siya, saka niya napansin ang panginginig ng mga kamay na pilit niyang itinago sa kaibigan.
“Okay,” tugon nitong nakalingon pa rin. “Sure ka, masasamahan mo ako sa grand hall mamaya?”
“Bakit naman hindi?” Nagpilit si Cassy ng ngiti.
Ngumiti rin si Lianne na biglang may naalala kaya't dagling nagningning ang mga mata. “Alam mo ba matatapos ko na ‘yong mural. Mga dalawang session na lang siguro.”
“Talaga? Congrats,” pagbati niya kahit ‘di pa rin mapalagay.
Hindi rin nagtagal ay nakarating sila ng ospital. Nang maiparada sa harap nito ang kotse ay kaagad na silang bumaba ng kaibigan. Bumungad sa kanila ang mala-hotel na istruktura. Malaki ang Diamond Empire Hospital na sakop din ng kumpanya ng kaniyang ama. Isa itong pribadong ospital na kalimitang VIP ang mga nagiging pasyente.
Kilala ito sa buong asya, hindi lamang dahil sa malawak nitong pasilidad na puwedeng maihambing sa malalaking hotel at resort. Tanyag din ito sa mga kagamitang ‘di-pahuhuli sa makabagong teknolohiya. Sikat din at tinitingala sa iba’t ibang larangang pangmedisina ang mga mahuhusay na doktor na nagtatrabaho rito.
Pagkapasok niya sa loob ay mabilis siyang nakakuha ng lahat ng kinakailangang eksaminasyon. Si Lianne naman ay nagtungo sa likod ng ospital na napaliligiran ng matatataas na puno ng pino (pine trees). Doon sila madalas manatili noong isang taon kapag dinadalaw siya nito.
Kinuha niya ang lahat ng pagsusuri na hiningi ng kakambal. Saglit lang ang kaniyang hinintay at lumabas din kaagad ang resulta. Ngayon ay nasa opisina na siya ni Dr. Richmund Delgado, ang doktor na tumitingin sa kaniya magmula pa noong pagkabata niya. Mukha itong batang tingnan, pero sa kaniyang pagkakaalam ay kaedad nito ang ama.
Nakaupo ito sa tapat ng mesang gawa sa kahoy at nakatingin sa computer kung saan makikita ang kopya ng medical result niya. Seryoso ito sa suot na salamin habang mariing nakatingin sa screen.
Ayon sa doktor, dahil daw sa matinding 'stress' kaya madalas siyang mahimatay. Ipinayo nitong sumangguni sa isang sikologo(psychologist), pero, kilala niya ang sarili, alam niyang 'di siya mangangailangan ng ganoong klaseng espesyalista.
“Pag-isipan mo. Hindi lahat ng kumukunsulta sa psychologist ay awtomatikong baliw. We all can be wounded here,” wika ni Dr. Delgado na tumuro sa kanang bahagi ng puso.
Tiningnan din ng doktor ang kaniyang braso at ayon dito ay puwede na ulit siyang makapaglaro. Ngunit sa totoo lang, hindi naman siya nananabik sa bagay na ‘yon. Wala na nga siyang pakialam sa volleyball o kahit na anong uri ng laro.
“It's kinda strange to hear it from you,” wika ng doktor na napakibit-balikat sa kinauupuan.
“Nabanggit na sa akin ng mom mo before, na ayaw mo na nga raw bumalik sa paglalaro, akala ko masyado lang siyang nag-aalala. But hearing it from you...” Napailing ang doktor na nakatingin sa kaniya. “I felt that I'm talking to a different person.”
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...