Sa kaniyang pagpikit, may bigla naman siyang nakita.
Si Peya, sakay rin ng bus na medyo puno ng mga pasahero. Natatanaw niya sa labas ng bintana ang liwanag ng sinag ng araw kaya alam niyang papasok pa lamang ito ng unibersidad.
Namamasahe lamang ito patungo roon lalo na kung hindi ito naisasabay ng tiyahin. Sa bus na kinauupuan ng babae, napansin niya ang katabi nitong nakaumbok ang tiyan at mukhang kabuwanan. Sa labas nakatuon ang tingin ng buntis na nakasuot ng earphone at dinadama ang naririnig na musika.
Nang huminto ang bus para magsakay ng iba pang pasahero, kaagad napansin ni Peya na may sumakay na kakaibang nilalang na hindi basta-basta natutuklasan ng iba.
Kahit luma ang suot ay maayos ang pananamit ng ginang, pero magulo ang buhaghag nitong buhok. Kakaiba rin ang naging pagkakangiti nito nang mapatingin sa buntis na nasa tabi ni Peya. Mukhang kaya nitong magpanggap bilang pangkaraniwan, at sa pamamagitan niyon ay nakahahanap ito ng mabibiktima.
Ngunit, napansin ng drayber na may kakaiba sa bagong sakay na pasahero, at diretsahan nitong sinabi sa nilalang ang totoo, "Hoy, alam ko kung ano ka! Bumaba ka rito kung ayaw mong pagpira-parasuhin ko 'yang katawan mo gamit ang buntot-pagi ko!" pahayag nitong nanggagalaiti sa babae.
Kahanga-hanga ang kakayahan ng ibang taga-probinsiya na makakilatis ng mga ganoong uri ng nilalang.
Nagsimula ang bulungan sa paligid dahil sa mga tao na may hinala sa sinasabi ng matandang drayber.
Nakangiti pa rin nang sumagot ang babae, "Oo, bababa ako. Dahil may nauna na sa akin dito," sagot nitong nakatingin diretso kay Peya, at kaagad niyang nakita ang nangingitim nitong ngipin. Pagkasabi niyon ay mabilis na itong bumaba ng bus.
Lalong umugong ang bulungan ng mga pasahero na ang ilan pa ay pilit sinilip ang tinutukoy ng babae.
Ang buntis naman na katabi ni Peya ay kaagad nangilid ang luha habang nahihintakutang nakatingin dito.
"Hindi po ako masamang tao," bulong ni Peya sa buntis.
Ngunit, napahagulgol ang ginang na bigla namang naging emosyonal. "Gusto ko pang mabuhay ang baby ko. Huwag mo siyang kunin sa akin, parang-awa mo na."
"Pero, hindi po ako-" wika ni Peya, at natigilan na lamang.
Kahit anong pilit nito, ay hindi ito paniniwalaan ng mga tao. Dahil napakahusay manghusga ng mga mortal, na pinaniniwalaan lamang ang gustong paniwalaan. Naririnig din ni Peya ang mga binubulong ng mga tao sa kanilang isipan.
"Grabe, Aswang 'yan? Ang bata-bata pa, ha?"
"May ganoon pa pala sa panahon ngayon?"
"Nasa itsura naman, eh. Laganap din pala sila, kahit dito sa lungsod?"
"Mamaya nga, makabili ng buntot-pagi. Kung mayroon lang ako niyon ay inihampas ko na 'yon sa batang 'yan." Nagmula iyon sa matandang nasa kabilang upuan na diretsong nakatingin kay Peya.
"Sana bumaba na lang siya," dagdag pa ng iba.
Wala nang nagawa ang babae kung hindi ang bumaba ng bus. Nahuli tuloy ito sa unang klase dahil kinailangan pa nitong maglakad ng ilang minuto upang makarating doon.
![](https://img.wattpad.com/cover/99147094-288-k225230.jpg)
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...