Nang makabalik sa kinapupuwestuhan sa library, maririnig naman mula sa isipan ni Lianne ang pagrereklamo tungkol sa kaniyang pinaplano. Pinakiusapan kasi ni Cassy ang kaibigan na tawagan si Marky para papuntahin doon.
"Sigurado ka ba talaga sa gagawin natin?" wika nito matapos matawagan ang nobyo. "Baka mahuli kami, paano na lang kami ga-graduate? Mahirap talagang kaibigan ang matalino. Ang daming alam, eh!" dagdag pa nito sa isipan.
Pasimple siyang napatawa dahil sa pag-aalala ng kaibigan.
"Bakit?" tanong ni Lianne nang siya'y mapansin.
"Wala, may naalala lang ako," pagsisinungaling niya.
Mayamaya pa, dumating na ang hinihintay nila. Dala nito ang laptop na gagamitin sa ipagagawa niya.
"Sino ba itong ipahahanap mo? Ex mo? Bakit hindi mo na lang itanong sa registrar?" usisa ng lalaking abala sa pagpeprepara sa isang mesa na malayo sa paningin ng nagbabantay. Baka kasi mapansin ang gagawin nila at maisumbong sila. Maigi nang naninigurado.
"Ginawa na namin 'yon kanina, at sinungitan lang siya ng babaeng nasa registrar," sagot ni Lianne sa nobyo. "Confidential daw 'yong itinatanong ni Cassy. Pero, bakit kaya parang bigla siyang nawala sa sarili?" Napanguso ito.
Totoo ngang kapansin-pansin ang pagbabago ng pakikitungo ng babae sa registrar na para bang nahipnotismo ito o ano.
Nahipnotismo?
Naalala niya ang deskripsiyon ng Ikalimang Mata:
Gamit rin 'yon ay magkakaroon ka ng iba't ibang kakayahang hindi karaniwang magagawa ng iba. Makakaya mong makontrol ang ano mang bagay na naisin mo. Kahit pa ang ibang tao ay maaaring mapasailalim sa iyo.Kung gano'n? Posible ba na siya ang may kagagawan niyon?
"Confidential? Ano sila, secret agents?" sabi ni Marky na napatawa kaya saglit itong natigilan sa ginagawa.
"Ang dami mong tanong, gawin mo na lang 'yan, puwede ba!" pagrereklamo ni Lianne.
Inilagay ng lalaki ang daliri sa bibig bilang senyas para manahimik ang kasintahan, saka nito itinuloy ang ginagawang paghahanda. Tumingin naman si Lianne sa paligid na parang walang nangyari. Hindi rin nagtagal ay nagsimula na si Marky sa pagpindot sa laptop. Seryoso ang lalaki sa ginagawa at doon lamang nakatutok ang paningin. Ilang sandali pa ang lumipas ay lumabas na rin ang resulta.
"Data not found," pahayag ni Marky, "Walang Jacob Sto. Domingo sa night class, maging sa regular class, kahit nga sa mga courses na may homeschool program. Ibig sabihin, hindi siya nag-aaral dito. Sino ba kasi 'to?"
Napatingin siya sa monitor, at naroon ang tatlumpu't-dalawang estudyanteng may Jacob sa pangalan ang naka-enroll ngayong taon sa unibersidad, at nang tingnan niya isa-isa ang bawat impormasyon ng mga ito, ang kay Jacob Enriquez na nagkataong kaapelyido nila ang tumawag ng kaniyang pansin.
Ito lang kasi ang walang litrato at ang bukod-tanging nasa night class.
"Bakit wala 'yang picture? Siguro pangit 'yan? Sino ba 'yan, Cassy? Ex mo ba 'yan?" pangungulit ng lalaki na kasing daldal lang din ng kasintahan.
"Manahimik ka nga riyan Marky," saway ni Lianne na bumaling sa kaniya, "Siya nga ba 'yan, Cassy? Akala ko ba Jacob Sto. Domingo ang pangalan niya?"
"'Yon din ang pagkakaalam ko," sagot niyang binasang mabuti ang nakasulat tungkol dito. "Hindi ako sigurado kung siya nga ito."
"Bakit kaapelyido ninyo? Pinsan n'yo ba 'yan?" tanong ni Marky.
"Hindi, wala akong kilalang pinsan sa Pilipinas. Mga second cousin lang ang mayroon kami at lahat sila ay nasa Canada. Wala namang anak ang nag-iisang kapatid ni Mom," sagot niyang napapaisip. "Hindi rin ako sigurado kung sino 'to. Pero, wala sigurong masama kung susubukan kong hanapin siya, 'di ba?" tanong niyang saka may napansin.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...