***
Nang magmulat ng mata si Cassy, may kaunti ng liwanag sa silid. Sumisilip mula sa mga kurtinang nakasara ang sinag ng araw na bahagyang nagpasilaw sa kaniya. Bumangon siya at dahan-dahang naupo sa gilid ng kama.
Napatingin siya sa orasan na nasa gilid at nakitang pasado alas-sais na nang umaga. Naririnig niya sa balkonahe ang matitinis na huni ng ibon. Ang ilan siguro sa mga ‘yon ay nakadapo sa birdfeeder na naroon sa balkonahe.
Hindi kagaya ng ibang mga panaginip, hindi niya habol-habol ang paghinga nang magising. Kataka-taka na mayroon siyang nararamdamang kakaibang saya nang dahil doon. Saya na animo’y totoong naranasan kanina. Napapaisip din siya kung paanong tila nagkaroon ng pagpapatuloy ang nakita niya kahapon dito mismo sa kaniyang kuwarto.
Si Peya at ang pinsan nitong may pagka-tomboyin.
Paano nangyaring malinaw ang bawat detalye, maliban nga lamang sa mga mukha ng ibang taong nakita niya roon?
Nasisiguro niyang napanaginipan na niya noon ang lalaki, pero kagaya ng mga naunang panaginip, hindi na niya matandaan ang mukha nito nang magising.
Animo'y nanggaling na naman siya sa isang mahabang pelikula, at alam niyang may susunod pang kabanata na kailangan niyang abangan.
Pagkatapos ng agahan, maagang umalis ang kanilang ama. Papaalis din ang ina na papunta naman sa restawaran nito sa Makati. Madalang itong magtungo roon, pero sinisiguro nitong nakakapunta ito para matingnan nang mabuti ang business nito.
Nang lumabas ng bahay, kasabay ni Cassy ang ina na mahigpit na nakahawak sa kaniyang kamay. Mula roon ay nararamdaman niya ang init ng pagmamahal nito. Napangiti siya nang mapagmasdan ang suot nitong kulay kahel na bestida, at bumagay sa mala-porselana nitong kutis. Para itong modelo sa manipis nitong meyk-ap at nakalugay na buhok.
Mukha itong diwata na sa unang tingin maaaring mapagkamalan na kaniyang nakatatandang kapatid.
Nang makalabas sa tapat ng bahay kung saan nakaparada ang dalawang sasakyan, may ibinilin naman ang ina, “Don't be late, I’m gonna prepare a special dinner. May darating kaming mga bisita from the foundation. Alam n’yo namang gusto ng Dad ninyo na lagi tayong kumpleto, hindi ba?” Hinaplos nito ang kaniyang buhok, pero hindi niya alam kung bakit bahagya siyang napaatras.
"Why, Cassy?" pansin ng ina.
Umiling siya at bahagyang napangiti. Hindi rin talaga siya sigurado kung bakit ganito ang kaniyang ikinikilos maging sa ina. Dati-rati naman ay hindi siya ganito.
Nawala ang atensiyon niya nang mapatingin kay Kuya Peter. Abala ang kanilang drayber sa paghahanda ng kotse. May hawak itong chamois na gamit nito pampunas sa windshield. Muli tuloy niyang naalala ang tungkol sa kasintahan nitong si Happy, na may huwad na kagandahan.
Nang mapatingin sa kanila ay masigla itong bumati, “Good morning, Miss Cassy. Good morning beautiful and the most gorgeous Madamme of them all!” Yumukod pa ito sa harap nila upang gayahin ang ginagawa ni Karina.
Napatawa tuloy ang kaniyang ina. “Naku, Peter, ang aga-aga, nambobola ka na naman. Sige na, ikaw na muna ang bahala rito kina Cassy at kay Caleb.” Natigilan ito dahil wala pa ang kakambal niya. “Nasaan na nga pala ang brother mo?”
Hindi pa siya nakasasagot ay lumabas na ang kapatid mula sa malaking pinto. “Bye, Mom!” pagbati ng lalaki na humalik sa pisngi ng ina.
Bumeso na rin siya at sabay na sila ng kapatid na sumakay sa kotse. Nalingunan niya ang ina na pumasok sa itim na SUV na nasa likuran. Kasama nito ang sekretarya nitong si Miss Chavez na maaga itong sinundo. Malaki ang kaniyang ipinagpapasalamat na madalas ding wala sa bahay ang ina. Magandang hindi ito naiiwang mag-isa kasama ni Karina.

BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...