Kasama ni Cassy ang kakambal nang lumabas sa klinika na nasa unang palapag ng Administration Building. Masigla pa rin ang sikat ng araw na matatanaw sa bintana. Kung titingnan ay parang napakamapayapa ng lahat, pero hindi 'yon ang kaniyang nararamdaman.
Palingon-lingon pa rin siya at hindi mapalagay aa koridor. Nakaalalay lamang si Caleb na 'di maikakaila ang pagkabahala sa mukha.
"Mas mabuti sigurong sa bahay na lang ako mag-practice, dahil mukhang 'di ka pa talaga okay," pahayag nito. "Kakausapin ko si Professor Black para sabihin 'yon."
"Hindi, Caleb. 'Di-tamang ipagpaliban mo 'yan dahil sa akin. Huwag kang mag-alala, kaya ko naman, saka hihintayin kita."
"Sigurado ka?" usisa ng kakambal kahit may pag-aalangan sa tinig.
"Oo." Napalingon naman siya sa isang babaeng estudyanteng makakasalubong dahil sa matalim na tinging ipinupukol nito, na tila ba may malaki siyang atraso.
Sinundan niya ng tingin ang estudyanteng halos lumuwa ang mata dahil sa pagkainis, at kataka-takang nakalingon pa rin kahit nakalampas na sa kanila.
"Ano bang tinitingnan mo?" usisa ni Caleb nang siya'y mapansin.
"'Yong babaeng dumaan, hindi mo ba nakita? Ang sama ng tingin niya sa akin," sagot niyang doon pa rin nakatuon ang pansin.
"Babaeng...dumaan?" tanong ni Caleb kaya't saglit niya itong sinulyapan. Nakatitig na ang kakambal gamit ang kakaibang ekspresyon. Nangungunot ang noo nito at may pagtataka sa mga mata.
"Tara na, Cassy. Pumunta na tayo sa music room," wika nitong hinila na ang braso niya.
Nang muli siyang lumingon sa kinaroronan ng babae kanina, bigla na lamang itong nawala. Saglit siyang huminto para hanapin ng paningin, pero hindi na niya ito makita.
Napuno ng madamdaming musika ang may kalakihang silid. Kapansin-pansin ang ilang hilera ng upuan at nasa pinakaunahan nakapuwesto ang nakaangat na entablado. Nasa harap ng klasikong piano ang kapatid, abala sa paglikha ng musika na nagmumula sa daliri nito. Napakabilis na nagpapalipat-lipat ang mga kamay ni Caleb na tila nakikipagsayaw sa ibabaw ng tipahan.
Naroon lamang si Cassy at nakaupo sa pinakamalapit, pinapanood ang kakambal. Napakasarap pakinggan sa tainga ng piyesa ni Liszt na alam niyang kahit nakapikit ay kayang tugtugin ng kapatid.
Kung tutuusin, hindi na nito kailangang mag-ensayo, pero gusto ni Caleb na palaging nasa harap ng piano. Paborito nito ang musika, at malaking insulto para sa mga makakalaban kung hindi na ito mag-eensayo pa.
Nalipat ang kaniyang paningin kay Professor Black, ang propesor sa musika at personal na tagapagsanay ni Caleb. Maganda ang tindig ng ginoo sa suot nitong itim na amerikana na ipinares sa blangkong ekspresyon. Nakatayo ang propesor sa bandang likuran ng kapatid at nakamasid 'tulad niya. Tinititigan nito ang mabilis na paggalaw ng mga kamay ng kakambal sa ibabaw ng piano.
Mabuti nga at pinahintulutan siya nitong pumasok sa loob ng music room. Ramdam niya kasi noon pa man na hindi siya gusto ng propesor. Malamig ang pakikitungo nito at ni minsan ay 'di pa siya pinagtuonan ng pansin kahit na nginingitian at binabati naman niya ito.
Saglit na tumalon ang kaniyang puso nang mag-angat ng tingin ang propesor. Ngayon tuloy ay diretso na itong nakatingin sa kaniyang mga mata. Hindi niya alam kung bakit nagtayuan ang balahibo dahil sa blankong ekspresyon nito na tila nakatuon sa kaniyang kaluluwa.
Mabuti at 'di rin nagtagal ay huminto na sa pagtugtog si Caleb.
Tumikhim lamang ang propesor, saka nagsalita, "Same time, tomorrow morning." Humakbang na ito pababa ng entablado, patungo sa mesang malapit sa kinauupuan niya.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...