Parallel 38

1.2K 122 28
                                    

May kasunod pang klase si Jacob kaya doon sila dumiretso. Lihim na napapangiti si Cassy dahil sa pagiging 'stalker'. Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng kakaibang tuwa, kahit sa totoo lang ay hindi naman namamansin ang lalaki at para lang siyang aninong nakasunod.

Pagpasok nila sa malawak na silid, napasulyap lang sa kaniya ang lalaking propesor. Mukha itong istrikto na tiningnan pa siya nang maigi gamit ang makapal na salamin. Ayon sa kaniyang nabasa ay higit kuwarenta pa lang, ngunit makikitaan na ng pamumuti ang buhok nito.

Nang magpaalam siyang makikisali sa klase, sumenyas ang propesor at itinuro ang bakanteng upuan sa tabi ni Jacob. Nananabik siya nang maglakad patungo sa ikatlong hilera, sa kaliwang bahagi ng silid. Pagkaupo ay nginitian niya ang ibang estudyanten na karamihan ay napapaisip kung bakit ba siya naroon. May gumanti ng ngiti, samantalang 'yong ibang lalaki ay nakatitig na tila mga asong nananabik sa buto.

"Class, don't be distracted," pagbabala ng propesor sa mga lalaking nasa kabilang hilera at nakatuon sa direksyon niya.

Si Jacob ay parang walang pakialam sa nangyayari sa paligid. Patuloy lamang ito sa pag-aayos ng mga papel na inilabas nito mula sa bag.

"Anong mayroon?" usisa niya.

Tulad ng dati, hindi naman ito tumugon.

"Group one, you may start your presentation," pahayag ng istriktong propesor na nasa unahan at nakaupo sa tapat ng mesang nasa bandang kaliwa ng silid.

Tumingin siya sa paligid para alamin kung sino ang mauuna, pero nagtaka siyang si Jacob ang mag-isang tumayo at iika-ikang pumunta sa harapan.

Pagdating doon ng lalaki ay saka ito tinanong ng propesor sa nanlalaki nitong mga mata, "Where is your groupmates?"

"Ako lang po, Prof," tugon ni Jacob na hawak ang mga papel na inaayos kanina. Napansin niya ring may dalang flash drive ang lalaki na maaaring naglalaman ng tatalakayin nito.

Tumayo ang propesor na gumuhit sa payat na mukha ang pagkainis. "Hindi mo ba naiintindihan ang ibig sabihin ng 'Group Presentation'?"

"I'm sorry, Prof." Napayuko na lang si Jacob.

"Failed, you may sit down," wika ng propesor na mukhang disidido sa sinabi.

Kaagad na umalma ang lalaki, at ngayon niya lamang nakita ang
desperasyon sa mukha nito. "Pero, Prof, may inihanda naman po ako." Mahinahon ito kahit mukhang kulang na lang ay magmakaawa. Mababanaag din sa ekspresyon ni Jacob na ang tanging hinahangad nito ay ang makumbinsi ang propesor.

Kung tutuusin ay kayang-kaya ng lalaki na pasunurin ito gamit ang kakayahan.

Pero, bakit hindi nito gawin?

Bigla namang nanindig ang kaniyang balahibo nang dahil sa naalala. Paanong nangyari na rin ang eksenang ito sa panaginip niya?

Nasisiguro niyang ganito rin ang naranasan ni Peya.

"Naku! Baka pati tayo ibagsak ni Prof?" Dahil sa bulungan sa kabilang hilera ay napalingon siya.

Saka niya nakilala kung sino ang mga lalaking naroon. Ang mga 'yon ang nanakit kay Jacob noong nakaraan. Mga kaklase pala talaga ni Jacob ang mga taong 'yon? Hindi pa sila nakuntentong saktan ang lalaki, ngayon ay pinagkakaisahan pa nila?

Sumagot ang lalaking may nakakainis na mukha. "Huwag ka ngang mag-alala riyan. Tatayo tayo pagkaupo ng werdo na 'yon." Matalim ang tingin nito na diretsong nakatuon kay Jacob, at tila ba may malaking atraso ang lalaking nakatayo sa harapan.

"Oo nga, ayaw kong makagrupo ang abnormal na 'yan. Bakit kasi siya pa ang naging lider? Mamaya mahawa pa tayo sa kaniya," pahayag ng isang payat na lalaki.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon