“Hindi ako mamamatay-tao!” pahayag ni Peya na inilibot ang mata sa paligid. Kaagad niyang pinunasan ang luha gamit ang kamay.“Pero ‘yon ang iniisip nila.” Mas luminaw ang boses nito na halos dumagundong sa bakanteng silid.
“Ano ba talagang gusto mo, ha? Bakit ayaw mo pa akong tantanan?” Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang katapangan, pero nagsasawa na siya at gusto na niyang umalis ito sa kaniyang buhay.
Narinig niya ang mataginting na pagtawa ng halimaw. “Imposible ‘yon, dahil ako ang iyong ama. Alam mo na ang bagay na ‘yon, ‘di ba? Sumama ka na sa akin, nang hindi ka na nahihirapan sa mundo ng mga walang kuwentang mortal. Sa kaharian natin, hinding-hindi ka maaapi. Doon, ikaw ang titingalain, at walang hindi magbibigay-galang sa ‘yo, dahil ikaw ay aking anak!”
“Hindi ako naniniwalang nanggaling ako sa ’yo!” bulalas niya. “May mga magulang ako, galing ako sa aking ina! At—” Natigilan siya sa sasabihin, dahil hindi na niya ‘ata maatim na lokohin pa ang sarili.
“Iyon din ang inakala ko,” wika ng maamo nitong tinig. “Ngunit, nagkamali ako, dahil nilinlang ako ng tunay mong ina. Ang reyna na nagmana ng buong kaharian mula sa ama niyang hari. Sapagka’t nagawa ka niyang itago sa sinapupunan ng babaeng ‘yon!” pagsisiwalat ng nilalang na halos ikadurog ng kaniyang pagka-tao.
Totoo ba itong mga naririnig niya?
Hindi lamang siya kalahating mortal bagkus ay puro at tunay na kalahi ng ‘halimaw’ na kausap niya?
“Galing ka sa kaniya at sa akin, pero nagawa ka niyang itago sa katawan ng kinilala mong ina, kaya ko siya pinaslang!” paliwanag nitong tila nagmalaki pa sa huling sinabi, at muli na naman itong humalakhak.
Hindi!
Imposible.
Hindi niya ‘yon matatanggap.
Paanong mangyayaring magiging kalahi niya ang halimaw na ito?
“Kaya, mahal kong anak, kailangan na kitang bawiin. Sapagka’t ikaw lang ang nakatakdang magmana ng ating kaharian sa susunod na isang libong taon!” patuloy ng nilalang na bigla na lamang sumulpot sa kaniyang harapan.
Bahagya tuloy siyang napaatras.
Ngayon lang ito nagpakita, pero nasisiguro niyang hindi ito ang tunay nitong anyo. Dahil ang nasa harapan niya ay mayroong kaaya-ayang itsura, makisig na pangangatawan at maamong mukha na maaaring mapagkamalan bilang isang anghel.
“Nababaliw ka na. Paano ako magiging kagaya ng sinasabi mo? May katawan ako ng isang mortal,” pagpipilit niyang hindi matanggap ang lahat ng narinig.
Tumugon ito sa malumanay na tinig. “Kaya nga mas espesyal ka. Nagkaroon ka ng katawan ng tao dahil isang mortal ang nagluwal sa ’yo!”
“Kapag bumalik ka na sa ating kaharian, makakamit mo ang katawang kagaya ng sa amin. Panghabang panahon, hindi masisira, hindi magkakasakit, mas lalakas ang kapangyarihan mong taglay lalo na kapag na sa ’yo na ang korona, dahil ikaw ang aking tagapagmana!”
Doon na siya napahalakhak na bahagyang ikinainsulto ng kausap. “Bakit? Mamamatay ka na ba? Bakit kailangan mo ng tagapagmana?” tanong niyang may panunuya. “Hindi ako naniniwala sa ‘yo. Kung totoo man ang sinasabi mo, malamang patayin mo lang din ako para sa kapangyarihan na nais mo. Sa ’yo na ang kaharian mo. Masaya na ako rito kaya tigilan mo na ako!” bulalas niyang may paninidigan sa tinig.
“Masaya ka?” Napangiti ang halimaw at lumitaw ang mapuputi nitong ngipin. “Masaya kang inaapi sa mundong ito? Sinabi ko sa ’yong kayang-kaya kong ibigay ang lahat sa ‘yo. Kaya ko ring iparanas ang mga bagay na gusto mong maranasan sa mundong ito, ang perpektong pamilyang nais mo, maging ang pag-ibig ng lalaking gusto mo.”
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...