***
Nakasakay si Peya sa asul na kotseng minamaneho ni Jake. Naroon siya sa tabi ng lalaki at pasimpleng nangingiti sa mga maliliit na manikang nakapirmi sa harap niya. Iyon daw ang mga koleksyon nito na makikita rin sa bandang likuran ng sasakyan.
Mula roon ay nalipat ang tingin niha sa labas ng abalang kalye na kanilang dinaraanan. Mabuti at nakikisama ang panahon. Makulimlim man ang kalangitan, nagbabadya itong bumagsak mamaya pang gabi. May sapat pa silang oras para magpakasaya sa lalakarin ngayon.
Halos hindi niya maipaliwanag ang galak na nararamdaman. Magmula nang sabihin ng lalaki ang patungkol sa pupuntahan nila pagkatapos ng klase, labis ang kaniyang panananabik. Para nga siyang nasa alapaap. Pero hindi naman dahil sa lugar kaya siya masaya.
Napalingon si Peya sa lalaking nagmamaneho. Saglit siyang napatitig sa maamong mukha ni Jake. Nababasa rin niya sa nangungusap nitong mga mata ang tuwa sa mga oras na 'to. Hindi man lubos niya maisip kung paanong masaya ang lalaki nang dahil sa kaniya, maligaya siya ngayong kasama ito.
Hinihiling niya nga na sana huwag na ‘yong matapos pa. Ngunit, sa kabila ng sayang nararamdaman, nag-aalala rin siyang baka mapahamak ito nang dahil sa kaniya.
Nalulungkot siya na unti-unti na ring nahuhulog ang loob niya rito.
“Kayang-kaya ko siyang ibigay sa ’yo. Sabihin mo lang, kahit na ano ay gagawin ko, sumama ka lang sa akin!”
Napapikit siya nang marinig ang nakapangingilabot na tinig. Lihim niyang idinarasal na huwag siyang guluhin nito. Huwag ngayon, dahil kasama niya si Jake at ayaw niyang makita nito ang kawerduhan niya.
Napalingon naman ang lalaki. “Bakit, Peya? May problema ba?” usisa nito na saglit siyang sinulyapan, ngunit ibinalik din nito ang pansin sa daan. “Masama ba ang pakiramdam mo?”
Kaagad siyang tumanggi, “Hindi, ayos lang ako.”
“Sigurado ka?” pag-uulit nito na mababanaag sa mukha ang pag-aalala.
“Oo, walang problema, ayos lang talaga ako.”
Ilang sandali ang lumipas ay nakarating na sila sa isang kilalang mall. Malapit ‘yon sa kanilang unibersidad kaya saglit lamang ang biyahe.
Ipinaparada na ni Jake ng sasakyan. Siya naman ay nakatanaw sa napakalaking gusaling maraming nakasabit na malalaking tarpaulin. Karamihan ay mga larawan ng mga kilalang tao na may magagandang kasuotan.
Minsan lang siyang magpunta sa ganitong lugar, iyon ay kapag pinipilit siya ng tiyahin.
Ayaw na ayaw niya sa mga lugar na maingay, maraming tao, lalo na kapag kailangan niyang nakikipagsiksikan. Malaki kasi ang posibilidad na bukod sa kaniyang mabasa ang nilalaman ng puso at isipan ng mga tao, makikita rin niya ang oras ng kanilang kamatayan. At hindi iyon maganda sa pakiramdam.
Naalala niya noong nakaraan na may batang babae ang ‘di-sinasadyang bumangga sa kaniya. Kaagad niyang nakita kung papaano ito mamamatay sa masalimuot na paraan. Makakatagpo ito ng masamang-loob na magtatarak ng patalim sa tagiliran nito, pagtuntong sa edad na bente-kuwatro.
At madidismaya ang kriminal sa oras na matuklasan nitong ang nilalaman ng mukhang mamahaling pitaka ay isang daang piso.
Nakikita niya ang magiging kapalaran ng lahat maliban sa sarili. Ngayon ay nadagdagan pa iyon nina Jake at Milagros. Hindi niya malaman kung bakit 'di niya makita ang mangyayari sa hinaharap ng dalawa.
Napalingon siya sa lalaki nang ayain na siya nitong lumabas ng sasakyan. Muling sumilay ang maamo nitong ngiti, taliwas sa maangas nitong pananalita.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...