Parallel 33

1.2K 131 24
                                    

Si Jacob?

Natigilan si Cassy sa paglalakad at nilingon si Mira. “Kilala mo siya?”

Sa kabila ng kaniyang pagtataka, kaagad na siyang hinila ng kaibigan palapit sa lalaki. Sa kanilang paglalakad patungo sa mesa na kinaroroonan nito, kapansin-pansin pa rin ang mga mata ng lalaking iwas na iwas namang tumingin sa kaniya.

Ano bang mayroon at ayaw siyang tingnan nito?

Biglang tumayo si Jacob at akmang aalis na sana, ngunit agad na tumakbo palapit si Mira at pinigilan ito. “Hoy! Saan ka pupunta? Maupo ka!” pagmando nito sa lalaking wala namang magawa kung hindi ang umupo ulit.

Dumilim ang ekspresyon ni Jacob, at tila pinagsakluban ng langit at lupa. Bahagya mang nadismaya sa inaasal nito, mas lamang sa kaniya na malaman kung paanong magkakilala ang dalawa.

“Dinala ko na ang pinabili mong almusal at kape,” pahayag ni Jacob at napansin niya sa mesang naroon ang paper bag na dala nito kanina.

Kung gano’n, para pala kay Mira ang laman niyon?

“Naku! Tamang-tama, nagugutom na ako. Maupo ka na rin, Cassy,” wika ng kaibigan na naupo sa tabi ng lalaki, siya naman ang umupo sa tapat nito. “Tatlo talaga ang pinabili ko, kasi dapat dalawa ang kakainin ko. Alam mong matakaw ako, ‘di ba? Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako tumataba. Sa ‘yo na lang itong isa para masabayan mo kaming kumain.”

Mabilis na inihain ni Mira ang ipinabiling almusal, kaya’t ‘di rin nagtagal ay tumambad na sa kanila ang mainit-init na tapsilog at may kapares na malamig na kape, ang paborito ng babae. Nakatatakam ang amoy ng pagkain na tila naglakbay rin sa kaniyang sistema kaya siguro nalalasahan na niya.

Nagsimula si Mira sa pagsubo ng pagkain. Maging si Jacob ay kumain na rin sa masarap na biyayang nakahain. Siya naman ay napapaisip, kung paanong ang taong nagmamay-ari ng libro, at matagal na niyang hinahanap ay kilala pala ng kaibigan?

“Paano kayo nagkakilala?” tanong ni Cassy.

Tumigil si Mira sa pagnguya at saglit na uminom sa kapeng puno ng yelo. “Tumutuloy siya kay Prof. Black na kapitbahay namin, kaya magkakilala kami. Pero, actually, ngayong year lang kami naging close.” simpleng sagot nito saka muling sumubo ng pagkain.

Kung ganoon, malapit lang sa unibersidad nakatira si Jacob?

“Ah, kaya pala. Kung alam ko lang na kilala mo siya, sana sa ‘yo ko na lang siya itinanong,” wika niyang nag-umpisang kumain. Napasulyap naman siya sa lalaking sa pagkain lang nakatuon ang pansin.

“Itatanong? Bakit? Hinahanap mo si Jacob?” usisa ng kaibigan na bahagyang natigilan.

“Oo, dahil doon sa libro niya na napulot ko.” Medyo nag-alangan siya kung ikukuwento ba ‘yon. “May mga kakaiba kasing nangyayari sa akin nitong nakaraan…”

“Bakit wala akong alam d’yan?” Tinitigan siya ng babae. “May itinatago ka na pala sa akin, Cassy? Alam kong hindi na tayo madalas magkasama. Ikaw naman kasi, ayaw mo nang bumalik sa team, ‘tapos, ang dami mo na palang lihim sa akin?”

Kaagad tuloy siyang nakonsensya. “Pasensiya ka na, Mira.”

“Kalimutan mo na, wala akong magagawa kasi hindi mo naman ako bestfriend,” wika ng babaeng napasimangot nang muling kumain. Nakaguhit ngayon sa buong mukha nito ang pagkainis kasabay ng pangnguya.

“Hindi sa gano’n, Mira.” Nag-alala naman siya sa nararamdaman nito.

“Okay lang, mayroon naman na akong bagong bestfriend, ‘no? Akala mo ikaw lang. Hayan si Jacob, bestfriend na kami niyan.” Napanguso ito sa lalaking katabi, saka ngumiti. “Hindi ba, mag-bestfriend na tayo?” wika pa nitong hinaplos na parang aso ang buhok ng lalaki.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon