Nang makarating sina Cassy at Caleb sa unibersidad, kaagad silang nagpababa sa paradahan malapit sa gusali ng departamento ni Peya. Ngayon ay patakbo na nilang tinatahak ang daan patungo roon. Naisipan niyang doon dumiretso sapagka’t sa lugar na ‘yon niya nakaharap ang babae.
Hindi nga siya sigurado kung magagawa ba, pero, kailangan niyang masubukan. Baka sa ganitong paraan ay makita rin nila si Miracle, dahil doon ay buhay pa ang babae.
Matamlay ang kalangitan at ang sinag ng araw na nagmumula sa Silangan ay natatakpan ng nangingitim na ulap. Sa kanilang pagtakbo ay sinasalubong sila nang malamig na hangin. Hila-hila niya ang kamay ng kakambal patungo sa lugar na walang kasiguraduhan.
“Saan ba tayo pupunta?” usisa ni Caleb na hindi niya inintindi.
Sa tapat ng gusali ng Accountancy Department ay huminto sila, saka siya napatingin sa kaniyang relo. “Masyado pa kayang maaga?”
Inilibot niya ang paningin sa paligid at may ilang estudyante ang napapalingon sa kanila, dahil sa kasama na kilala ng halos lahat ng estudyante at palaging lamang ng university website.
Wala naman siyang natatandaang partikular na ginagawa sa tuwing nakakarating sa ibang mundo. Sa ilang beses na pagpunta niya roon, lahat ng ‘yon ay nagkataon.
Natatakot siyang sabihin kay Caleb ang dahilan kung bakit sila narito. Malamang ay hindi ito maniwala. Maiging makita na lamang nito.
“Cassy? Ano bang ginagawa natin dito?” tanong ng kakambal. “Baka ma-late tayo sa class natin.”
“Puwede bang maghintay tayo, kahit mga limang minuto lang?” pakiusap niya.
“Anong aantayin natin?” usisa nitong napakunot ang noo.
“Basta.”
Napatingin siya sa ibaba at malalim na nag-iisip. Marahil, kung kaniyang hahangarin ang isang bagay, maari niya ‘yong magawa. Kung iisipin, magiging posible kaya?
Naramdaman niyang naiinip na si Caleb. Naririnig niya ring may hinala na ito sa nangyayari at tungkol ‘yon sa kaniyang delusyon.
“Pasensiya ka na,” wika niyang nakayuko pa rin at hindi makatingin sa kapatid. “Siguro, dapat ay bumalik na tayo sa department natin.”
Bigla namang napakapit ang kakambal sa braso niya. “Cassy.”
Nang mapatingin siya kay Caleb, napansin niyang nakatingala na ito, pinipilit tingnan ang nakakasilaw na araw na naroon na sa kalagitnaan ng kalangitan. Bigla ring dumami ang mga estudyante sa paligid, na nangyayari lang kapag patapos na ang klase, o hindi kaya ay oras ng tanghalian.
“Cassy? Bakit—?” usal ni Caleb na ‘di na naituloy at halos pigil ang paghinga dahil sa nasasaksihan.
Hindi siya nakasagot dahil sa paglapit ng isang lalaking nakasalamin. “Idol, good luck sa recital mo bukas.” Nakilala niyang isa ito sa mga kakilala ng kakambal.
“B-bukas?” balik-tanong ng kapatid na napatingin sa kaniya.
Alam kasi nilang dalawa na wala itong kahit na anong recital. Ang mayroon lamang ay ang kompetisyon na magaganap sa Linggo.
“Oo, balita ko, ang tutugtugin mo ay ikaw mismo ang gumawa para kay Miracle,” tugon ng lalaking malawak ang pagkakangiti.
“S-si Ice?” Muling napalingon sa kaniya si Caleb.
“Oo,” sagot ng lalaki na nangunot ang noo. “Hindi ba in-announce niya kahapon na na-approve na ang new name niya?”
“K-kahapon?” Lalong namutla ang kapatid.

BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...