Ipinagpaliban ni Caleb ang ensayo kaya maaga silang nakauwi. Pagdating sa bahay, sinalubong sila ng matamis na amoy ng blueberry pie na naroon sa bilugang mesa. Mula sa pinto ng kusina ay nakita nila ang ina na nakasuot ng bulaklakin nitong apron, may hawak na pitsel ng inumin at kaagad napangiti nang makita sila.
Magkasabay silang lumapit sa ginang na marahang naglakad patungo sa mesa at doon ay maingat na ipinatong ang dala. "Nandito na pala kayo? Magbihis na kayo at nang—" Natigilan ito nang mapansin ang kakaibang ekspresyon sa kanilang mga mukha. "Bakit? May nangyari ba?"
Nagkatinginan muna silang magkapatid bago nagsimulang magsalita si Caleb, "Hindi, Mom. May itatanong lang po kami."
"Okay?" wika lang ng ina na nagpapalit-palit ng tingin sa kanila.
Kaagad nagtanong ang kapatid kung may numero ito ng pamilya ni Manang Tessy sa probinsiya.
"Baka si Roda, alam niya," pahayag nito saka tinawag ang babae na naroon sa kusina. "Roda."
Wala pang sinasabi ang ina pero kaagad nagsalita ang babaeng lumapit, "Tatawagan ko siya para sa inyo." Ngumiti ito, ngunit batid niyang may kakaiba sa ngiti na 'yon. Sadyang nakapangingilabot na hindi niya mawari.
Kinuha nito ang cellphone mula sa bulsa at may pinindot, saka iniabot sa kanilang ina.
Nang maidikit sa tainga, ilang sandali lamang ay may kausap na ito, "Manang Tessy, kumusta ka na po riyan?" wika ng ilaw ng tahanan gamit ang malumanay na tinig. "Ah, mabuti naman po kung gano'n. Manang, condolence po. Sana po, sapat ang ipinadala ko sa inyo—" Natigilan ang ina nang bigla niyang hablutin ang phone.
"Hello, Manang Tessy?" wika ni Casay sa kabilang linya, pero nakagigimbal ang tinig na sumagot sa kaniya.
Ang kakaibang bulong na narinig niya nitong nakaraan, doon sa elevator, kung saan siya mismo hinimatay.
Bigla na lamang tumambol nang malakas ang kaniyang puso, at dahil sa labis na pagkabigla ay nabitiwan niya ang phone, saka siya nagsimulang mapahagulgol.
"Cassy?" wika ng ina na agad lumapit. "Why? What happened? May sinabi ba si Manang Tessy?" tanong pa nito na nasa tinig ang pag-aalala.
Hindi niya ito inintindi, dahil kay Roda lang nakatutok ang kaniyang paningin, ang taong nagpakilalang pamangkin ni Manang Tessy, ngunit ang totoo ay ang may kagagawan kung bakit wala na ang kasambahay na itinuring na nilang pamilya.
"Sino ka?" Matalim niya itong tinititigan sa kabila ng luhaang mga mata. "Bakit mo 'yon ginawa kay Manang Tessy?" sigaw niyang lumapit at mabilis na hinawakan ang leeg nito gamit ang dalawang kamay.
"Cassy!" bulalas ng ina na kaagad siyang inawat. "Ano bang nangyayari sa 'yo?" Sinusubukan nitong alisin ang pagkakahawak niya kay Roda.
Ganoon rin ang ginagawa ni Caleb na nasa kanan niya ngayon. "Cassy, tama na 'yan." Pinipilit alisin ng kapatid ang kamay niya sa leeg ng babae. Hindi lang nito magawa na siya'y mailayo dahil sa kakaibang lakas na tila bigla na lamang dumaloy mula sa kaniya.
Nakikita niya na halos hindi na makahinga si Roda at tahimik na iniinda ang sakit.
"N-napag-utusan lang po ako na protektahan kayo," sambit ng babae at halos pabulong na dahil sa pagkakasakal niya.
"Sinong nag-utos sa 'yo!" tanong ni Cassy sa nangangalit na mga mata.
Maririnig pa rin ang patuloy na pag-awat ng ina at ni Caleb, pero hindi n'ya iniintindi ang mga ito.
"A-Ang iyong ama," tugon ng babae sa tinig na halos siya lamang ang nakarinig.
Lalo pang bumugso ang kakaibang galit mula sa kaniya. "Wala akong ibang ama bukod sa dad namin ni Caleb!" Naramdaman na lamang niya ang biglaang pag-init ng kalamnan. Dumaloy ito mula sa sentro ng katawan, patungo sa ugat sa braso hanggang sa kaniyang mga kamay.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...