***
“Peya?” Napalingon siya nang marinig si Jake mula sa labas. “Nandito ka ba?” usisa pa nito at narinig na niya ang pagtunog sa doorknob dahil puwersahan na nitong binubuksan ang pinto.
Naroon pa rin siya sa bakanteng silid kasama ng ‘halimaw’ na ngayon ay may anyo ng isang makisig na lalaki. Kasabay nang tuluyang pagbukas ng pinto ay daglian itong naglaho.
“Peya?” tawag ng lalaki na patakbong lumapit sa kaniya.
Mabilis niyang inayos ang sarili saka humarap kay Jake. Kaagad naman nitong tiningnan ang kabuuan niya. Sa kabila ng basang damit at duguang noo, makikita sa mga mata nito ang labis na pag-aalala.
“Kanina pa kita hinahanap? Nakaakyat na ako sa rooftop pero wala ka roon? Malamang kasi umuulan pa rin,” sabi nito na kaagad ding sinagot ang sarili. “Teka, ayos ka lang ba. A-ang mga sugat mo?” wika ng lalaki nang mapansin na wala ng ano mang bahid ng dugo ang kaniyang ulo, tanda ng pagkakabato sa kanila ng mga estudyante kanina.
“Maliit na bagay lang ‘to, Jake,” wika niyang nakatingin din sa ayos nito. Bukod duguang noo, nakita niya rin na may ilang pasa sa mga braso ng lalaki, at nasisiguro niyang mas malala pa ang sinapit ng likod nito na ginamit pangharang sa mga bumato sa kanila.
“Jake, naniniwala ka ba talagang gusto mo ako?” usisa niyang punong-puno ng kalungkutan ang puso.
Dahil alam na niya ang totoo.
Kung ano man ang ipinapakitang pagpapahalaga nito ay isa lamang ilusyon na nilikha ng ‘ama’.
“Oo,” tugon ng lalaki na sinserong tiningnan ang kaniyang mga mata. “Bakit? Hindi ka ba talaga naniniwala?” patuloy pa nito at ramdam niyang hindi ito nagsisinungaling.
Labis ang paniniwala ng lalaki na gusto talaga siya nito. Na mahal siya nito. Ganoon kalakas ang kaniyang ama na pati si Jake, nagawang gamitin upang siya'y mapasunod. Pero, isa lamang itong pagkakamali ng halimaw. Hindi niya hahayahaang mapahamak pa ang lalaki nang dahil sa kaniya.
“Iba ako, at hindi rin totoong gusto mo ako. Isa lang ‘yang ilusyong nilikha ng nilalang na gusto kang gamitin para makuha ang loob ko,” pagtatapat niyang pinatalikod ang lalaki para matingnan ang mga sugat nito.
Napapakunot ang noo ni Jake na nakatalikod man, pinipilit pa ring lumingon sa kaniya.
Iniangat niya ang suot nitong t-shirt at napahawak siya sa bibig nang makita ang kalagayan niyon. Ang ibang tinamaan ay namumula at nangingitim, samantalang ang iba naman ay may sugat at talagang nagdurugo.
Kailangan niyang magbakasakali na malabanan ang kapangyarihan ng ‘halimaw’ na ama. Nagsimula siyang umusal, “Hindi mo ako gusto, hindi mo ako mahal, isa lamang ‘yang ilusyon.” Muling pumatak ang mga luha niya dahil sa mga salitang iyon na tila patalim na tumatarak sa kaniya.
Sinubukan niyang pagalingin si Jake sa pamamagitan ng paghaplos sa mga sugat at pasa nito. Isa ‘yon sa kaniyang kakayahan, at hindi na siya sigurado kung dahil pa ba ‘yon sa ‘Ikalimang mata’, o baka naman ang dahilan niyon ay ang kapangyarihang tinataglay niya bilang isang Athanatos(Imortal).
Kaagad na naghilom ang mga sugat ni Jake saka ito humarap sa kaniya. Inulit niya ang sinabi kanina para ipalimot ang sumpa na ibinigay ng ‘ama’.
“Hindi mo ako gusto, hindi mo ako mahal, isa lamang ‘yong ilusyon,” pahayag niyang tinitigan ang mata ng lalaki.
Tumingin ito pabalik sa kaniya. “Ano bang sinasabi mo, Peya?” Natigilan lang si Jake nang maramdaman ang biglaang paghilom ng mga sugat kaya nito kinapa ang likod, maging ang mga braso. Ngayon ay nanlalaki na ang mata ng lalaki.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...