***
Nagmadali siyang bumangon nang marinig ang maingay na tunog ng alarm clock. Kaagad niya itong pinatay, saka naalalang patugtugin ang awiting kailan lamang ay ini-record ng Cassiopeia, ang banda ng kasintahan na hinango mula sa kaniyang tunay na pangalan.
Napapaindak si Faye nang mangibabaw sa silid ang alternatibong musikang nagmumula sa stereo. Bitbit ang tuwalya patungo sa banyo, panay pa rin ang pag-indayog ng braso at binti, na sinasabayan ng pagtalon ng maikling buhok na hanggang balikat. Hindi siya magsasawang pakinggan araw-araw ang kanta, sapagka’t ipinagmamalaki niyang isinulat ito ni Kevin para lang sa kaniya.
Mas lalo pang nagiging kilala ang banda ng kasintahan nang dahil sa Youtube. Ngayon nga ay napapadalas ang biyahe ng mga ito para kumanta sa iba’t ibang bar at clubs sa siyudad, maging sa malalapit na probinsiya.
Pagkatapos nang mabilis na pagligo, kaagad siyang lumabas ng banyo para mag-asikaso ng sarili.
Simple lamang ang kaniyang silid na mayroong kombinasyon ng kulay puti, itim at asul. Makikita sa kamang singkulay ng kalangitan ang kulay gray at cute na pusang iniregalo ng nobyo noong nakaraang taon.
Kapansin-pansin din sa ibabaw ng kabinet ang mga stuffed toy na hilig nilang kolektahin ni Kevin mula sa claw machine. Tulad niya, ang kasintahan ay nasa unang taon na rin bilang estudyante ng Horizon University. Kilala itong bokalista at pangunahing gitarista ng bandang nabuo lamang noong nakaraang taon.
Dahil nga sa nobyo, nakahiligan na rin niya ang mga banda, kaya halos mapuno ng iba’t ibang larawan ng mga ito ang silid. Pero ang pinakapaborito niya ay ang ipinagawang poster, kung saan maangas na naka-pose si Kevin sa gitna, kasama ang tatlong kabanda.
Ngayon ay nakatayo na siya sa tapat ng malaking kabinet upang maghanap ng maisusuot. Blue crop top ang kaniyang napili na ipinares sa puting pantalon. Isinuot niya rin ang paboritong sapatos na may kulay ng bahaghari, ang katulad ng madalas isuot ng kapatid ng nobyo, ang pinakamatalik niyang kaibigan na si Mila.
Saglit siyang naglagay ng lip balm, moisturizer, sunblock at eyeliner. At dahil wala naman siyang masyadong arte sa katawan bukod sa mga ‘yon, wala pang bente minutos ay maririnig na sa kanilang hagdan ang kaniyang pagtakbo pababa. Nadaanan niya ang mga picture frame kung saan makikita ang masasayang larawan nila ng butihing ina.
Dumiretso siya sa hapag-kainan para mag-almusal. Kaagad namang sumalubong sa pang-amoy ang mabangong sinangag, bacon at omelette na sinamahan pa ng black coffee, na pareho nilang paborito ng ina. Nakita niya itong nakatalikod sa kusina suot ang bulaklaking apron, at nang humarap ay automatikong napangiti.
Muntik naman siyang mapatalon dahil sa biglaang paglitaw ng babaeng mayroong napakahabang buhok. Kulay blonde ‘yon at lampas ng baywang na medyo kulot at makapal.
Ngunit, ang kaniyang ipinagtataka, bakit kaya ito nakatungo sa gitna ng kanilang hapag-kainan?
“Ma, sino ‘yan?” usisa niya matapos mailapag sa kabilang upuan ang dalang backpack, saka siya naupo sa tapat ng mesa.
Ang ina na lumapit bitbit ang coffee pot ay kaagad namang tumugon, “Siya ang sinasabi ko sa ‘yong pinsan mo na galing sa probinsiya.” Nang masalinan nito ng kape ang kaniyang tasa ay tumingin ito sa pamangkin. “Halika ka na rito, Sherryl. Huwag kang mahiya.”
Ang babae naman na nakatingin pa rin sa sahig ay dahan-dahang lumapit.
“Ah, siya ‘yong anak ng kapatid mo na sa province lumaki?” Nangunot ang kaniyang noo nang pagmasdan ang buhok nito. Sana lang ay hindi siya bangungutin sa ayos ng pinsan. “May suklay ako, gusto mong hiramin?”

BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...