Parallel 49

1K 104 1
                                    

Mula sa balkonahe ng silid, natatanaw ni Cassy ang batang drayber na naroon sa ibaba at nakatambay sa puting duyan. Nakikita niya kung paano umangat ang mga balikat ni Kuya Peter dahil sa pagkakilig sa bagong kinalolokohang babae. Hawak nito ang cellphone at may ka-chat doon.

Napakatahimik ng gabi, pero naririnig niya ang malakas nitong pagtawa, na sinasabayan pa ng mga kulisap na naroon sa paligid. Napatingala siya sa malamlam na buwan. Walang masyadong mga bituin ngayon dahil sa makulimlim na kalangitan. Ang malamig na simoy ng hangin ang tanging karamay niya mula sa kinauupuan.

Hindi pa rin siya mapalagay dahil sa nangyari, pero pinilit niyang 'di magpahalata, lalo na sa kakambal. Para kasi kay Caleb ay delusyon lamang ang nangyayari sa kaniya. Ang nakapagtataka lang ay palagi naman niyang nababasa ang kapatid, pero hindi niya nalaman ang tungkol doon. Na para bang may humahadlang sa na ito’y matuklasan.

May hinala na siya kung sino ang puwedeng gumawa niyon.

Sa kaniyang pag-uwi kanina, kinausap siya ng ina patungkol sa sinabi ni Caleb noong umaga. Binanggit nito na may bibisitang psychologist sa Sabado. Wala daw siyang dapat ipag-alala dahil kaibigan 'yon ng kanilang pamilya. Pero, kung gusto niyang tumanggi ay hindi siya pipilitin ng mga ito.

Hindi tuloy niya alam kung ano ang gagawin. Papayag ba siya na magpakunsulta sa isang doktor ng sikolohiya?

Ngunit, kapag ginawa niya 'yon, parang tinanggap na rin niya na may mali nga sa kaniyang pag-iisip.

Talaga bang nababaliw lang siya?

Bakit napakadetalyado naman yata ng pagkahibang niya?

Sa dami ng mga nangyayari at ng mga natutuklasan nitong mga nakaraang araw, hindi siya makapaniwalang hindi pa siya natutuluyan.

Baka iyon talaga ang nangyari, ngunit hindi niya lang matanggap sa sarili?

Marahil nga ay isa lamang delusyon ang lahat ng nakikita, maging ang napapanaginipan.

Pero kung ganoon, bakit niya nababasa ang lumang libro? Wala naman siyang natatandaan na nakapag-aral siya ng Griyego? Kung tunay ngang nahihibang na siya, bakit tumalas nang ganito ang kaniyang memorya?

Mabilis nang tumatak sa isipan ang lahat ng nakikita, maging ang naririnig. Kaya napakadali na lang ang makapagkabisado ng aralin. Hindi na nga niya halos napansin na para bang matagal na itong natural sa kaniya.

"Cassy." Napalingon siya nang may naglagay ng baso ng gatas sa mesang nasa harapan.

Nakita niyang naupo si Caleb sa tabi niya, ngunit sumandal lang ito sa upuan saka napabuntong-hininga. Muli niyang itinuon ang pansin sa kalangitan, doon sa malayong parte ng kalawakan. Patuloy sa pagkutitap ang iilang bituing natatanaw.

Sa kabila niyon, maririnig pa rin ang pag-aalala ng kakambal dahil sa kaniyang nalaman kaninang umaga. Natatakot na baka malimutan niya ulit ang tungkol sa bagay na 'yo.

Bumaling siya sa kapatid, "Ayos na ako. Alam ko na ang nangyari, at kahit kailan hindi ko na makakalimutan 'yon. Kung sinabi mo noon pa, hindi na sana ako nagmumukhang baliw sa paningin mo. Pero, hindi mo kasalanan. Kasalanan ko ang lahat."

Kaagad namang umalma si Caleb nang lumingon sa kaniya. "Kahit kailan, hindi ko inisip na baliw ka. You just missed her kaya ka nagkakaganiyan."

"Eh, paano naman ang tungkol sa sinabi ko sa 'yo noon? Kay Manang Tessy, kay Roda, pati ang tungkol sa libro?"

"You're just stressed." Nag-iwas ito ng tingin at muling sumandal sa upuan.

Nababanas siyang napatawa. "Malamang."

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon