"Ice ang gusto niyang itawag ko sa kaniya, at idinagdag niya 'yon nang magpalit siya ng pangalan noong isang taon. Kaya nga tinatawag mo akong Fire noon. Pero ang sabi mo, dapat ang tawaging Ice kasi masyado akong cold sa ibang babae bukod sa kaniya, at siya naman ang Fire dahil sa temper niya."
Napabuntong-hininga ito dahil sa alaalang 'yon. "I miss those days, I miss her. I wish I could turn back the time, noong kasama pa natin siya."
Lalo lamang bumigat ang nararamdamang kalungkutan ni Cassy at kung maaari, sana ay hindi 'yon mapansin ng kakambal.
Tumingin sa labas ng bintana ang kapatid at muli itong nagsalita, "Alam ko, hindi na natin maibabalik ang nakaraan. Pero, sana kahit isang beses lang ay makita ko ulit siya."
"I'm sorry, Caleb," pahayag niya at muli na namang dumaloy ang mga luha.
Nagpilit ito ng ngiti at kumuha ulit ng tissue na ipinunas nito sa pisngi niya. "Huwag ka na ngang umiyak d'yan. Baka magalit sa akin si Ice kapag nakita niyang luhaan ka," sabi pa nitong marahang hinampas ang noo niya.
At kaagad niyang nabasa na binabalak nitong balutan ng tissue ang kaniyang buong mukha. Bago pa nito umpisahan, mabilis pa sa alas-kuwatro nang hablutin niya ang kahon ng tisyu at ihagis sa unahang upuan.
Natigilan lang si Caleb.
"Anong ginagawa n'yo?" tanong ni Kuya Peter na saglit sumilip sa rearview mirror.
Nangunot ang noo ng kakambal saka bahagyang napailing. Nakatitig na ito at napapaisip kung paano niya nalaman ang plano nito. "Masyado ba akong obvious?"
Saka naman sila may narinig na nag-ring. Dahil KPOP song 'yon, siguradong ang phone ni Kuya Peter na nakalagay sa holder sa dashboard ang tumutunog.
Inilagay nito sa tainga ang bluetooth headset at gamit 'yon ay masiglang sinagot ang tawag, "Oh, babe! Happy monthsary! Oo sige, mamaya, susunduin kita sa school ninyo para makapag-celebrate tayo. Saan mo ba gusto?" tanong nito na tila mas malambing pa sa pusa ang tinig.
Hindi na siya nagtakang naririnig din ang boses ng babaeng nasa kabilang linya. Pero, nagugulat siya sa pinagsasabi nito na ikinatutuwa ni Kuya Peter ngayon.
Narinig niya ang mas pinalalim na pagtawa ng drayber nila. "Ikaw talaga, palabiro ka. Mamaya may makarinig sa 'yo. Huwag doon, mahal doon. Saka na lang. Ikaw, ha? May tinatago ka pa lang naughtiness!"
"Sayang! Kung may pang-budget lang sana ako papayag na sana akong mag-hotel kami!" pahabol nito sa isipan na mababakas ang panghihinayang.
Gusto sana niyang mag-react, pero wala siyang masabi kaya't sinamaan na lang niya ng tingin si Kuya Peter mula sa rearview mirror.
Napansin nito ang ginagawa niya. "Bakit, Miss Cassy?" usisa nitong saglit sumulyap mula roon.
Napailing na lamang siya.
Matapos maihatid ni Caleb, saglit na lumabas si Cassy para makatawag sa numero ng asawa ni Manang Tessy. Narito lang siya sa tapat ng silid, nakatayo sa tabi ng bintana. Nakatingin man sa malayong parte ng kalangitan, abala naman siya sa pagkontak sa numero ng asawa ng dating kasambahay.
Pilit niyang kinokontak ang numero na nakuha niya mula sa dating agency ni Manang Tessy.
Ilang sandali pa ay may sumagot na rin sa kabilang linya. Kaagad siyang nagpakilala, at sinabi niya rin ang pakay. Nagtanong siya patungkol kay Roda, ngunit naalarma naman siya sa natuklasan. Imposible raw na magpunta sa kanila ang pamangkin ng mga ito dahil isang taon na raw mula nang ito'y pumanaw.
"Isang taon na pong wala ang pamangkin n'yo?" usisa niya sa kabilang linya.
"Opo, kaya nasisiguro ko pong ibang tao ang nagpunta sa bahay ninyo," tugon ni Manong Gustin na mapaghahalataan sa tinig ang pagkabigla. "Ayos lang ba kayo? Wala po bang nawawala sa inyo?"
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...