Hingal na hingal si Peya nang makarating sa tapat ng administration building. Hindi na niya alintana ang pawis na unti-unting tumutulo sa noo. Saglit lamang siyang huminto para bawiin ang kaniyang paghinga, ngunit bago pa man siya magpatuloy ay nakita na niya ang mga pamilyar na taong palabas mula sa gusali.
Nakangiti si Mira na patakbong lumapit sa kaniya. "Peya!" bulalas nito na kaagad siyang binigyan nang mahigpit na yakap.
Nalipat ang kaniyang paningin kay Caleb na bahagyang napangiti. Nangilid ang kaniyang mga luha nang maramdamang labis pala niyang kinapanabikan ang dalawa. Hindi siya makapaniwalang muli pang makakaharap ang mga ito.
Napatingin siya sa paligid at hinanap si Jake, ngunit hindi naman niya matagpuan. "Nasaan na siya?" tanong niyang napatingin sa mukha ng magkasintahan. "Okay na ba siya?"
"Oo, kaso may problema," tugon ni Mira na alangang napatingin sa nobyo.
"Ano ba naman kayo?" wika ng pamilyar na tinig na nagmula sa bandang likuran ni Caleb. "Porke't magkasama kayo, ganoon-ganoon na lang, ha? Iniwan n'yo ako roon!" bulalas ng lalaking may malinis na gupit, magandang pananamit at maangas na dating.
Napatingin naman ito sa kaniya, saka niya napansin ang paika-ika nitong paglalakad gamit ang saklay. Sinuyod ng lalaki ang kaniyang kabuuan, mula ulo hanggang paa. "Sino 'yan, bro? Fan mo ba 'yan? Humihingi ng autograph?"
Paanong...
Hindi siya kilala nito?
Bigla na lamang siyang napatungo. At nanlumo.
Tama.
Iyon naman ang dapat.
Sa dami ng kasalanan niya kay Jake, tamang hindi na siya maalala pa nito.
"Aalis na ako," paalam niyang nakayuko pa rin. "Salamat at okay na kayo." Kaagad na lamang siyang tumalikod kasabay ng pagbigat ng kaniyang puso.
"Sandali," tawag ng lalaki. "Bakit parang pamilyar ka sa akin? Nagkakilala na ba tayo before?"
Naramdaman na lamang niya ang pagpatak ng kaniyang mga luha. "Hindi. Ngayon lang tayo nagkita," tugon niya. "Sige, mauna na ako sa inyo." At nagsimula na siyang maglakad palayo.
Hindi alam ni Peya kung bakit dito siya dinala ng kaniyang mga paa.
Nakatayo siya ngayon sa harap ng sementadong harang, sa rooftop ng kanilang departamento. Nangibabaw sa buong paligid ang kaniyang mga hikbi dahil hindi niya maiwasang makaramdam ng kalungkutan. Napakamapayapa sa lugar, sa kabila ng durog na durog niyang puso at luhaang mga mata.
At ang hanging sumasalubong ang tanging umaalo sa kaniyang nararamdaman. Inililipad nito ang kaniyang buhok, ngunit hindi nito matangay ang pait na kaniyang nararamdaman.
Masaya naman siya na kahit papaano ay maayos na ang kalagayan ng mga ito, sa kabila ng nakasaklay si Jake at hindi makaalala sa kaniya.
Bakit ba hindi na lang siya makuntento sa bagay na 'yon?
Naghahangad pa rin siya na muling mapalapit sa mga ito.
Masyado siyang makasarili.
"Anong ginagawa mo rito?"
Natigilan siya sa pag-iyak dahil sa pamilyar na tinig. Naglalakad ito palapit at naririnig niya ang pagtama ng dala nitong saklay sa semento.
"Umiiyak ka ba?" usisa ng lalaki.
Kahit ang boses nito ay nagbibigay na nang matinding kasiyahan sa kaniyang puso.
Kaagad niyang pinunasan ang pisngi gamit ang kamay.
![](https://img.wattpad.com/cover/99147094-288-k225230.jpg)
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...