Kakaibang tuwa ang nararamdaman ni Peya sa muling pagbabalik sa unibersidad. Imbes na matinding kaba at pagkatakot katulad noong unang pagtapak niya rito, higit pa ang kaniyang pananabik. Sa kabila ng uulit siya ng taon dahil nga sa naging mahabang paghimbing, tumatalon ang kaniyang puso sa sobrang saya.
Muli siyang papasok sa unang taon ng ikalawang semestro, sa kursong Accountancy, ang totoo niyang major. Hindi rin siya gaanong nag-aalala patungkol sa pag-aaral, dahil nasa kaniya pa rin naman ang natural niyang talino.
Sakay ng kotse na minamaneho ni Auntie Sabel, ngayon ay tinatahak na nila ang daan papasok ng Horizon University. Nakatuon lamang sa labas ng bintana ang kaniyang mata at sinasariwa ang alaala noong siya'y naroon pa sa kabilang mundo. Wala siyang kaalam-alam na hahanap-hanapin din pala niya ang mga kalokohan ni Kuya Peter, maging ang pagiging istrikto ng nakilalang kakambal doon na si Caleb.
Nami-miss na rin niya ang mga taong nagparamdam sa kaniya ng pagmamahal ng isang magulang, sina Mr. at Mrs. Enriquez. Makita man niya ang mga taong 'yon sa mundong ito, siguro magkakaroon na ng kakaiba sa kaniyang nararamdaman. Sa kabila kasi ng pagkakapareho ng kanilang mga mukha, magkaiba naman ang kanilang katauhan.
Bahagya siyang nakaramadam ng lungkot dahil sa masakit na katotohanang ito.
Nang maiparada na ng tiyahin ang kotse malapit sa gusali ng kaniyang departamento, kaagad na silang bumaba. Nagulat naman siya nang biglang haltakin ng pinsan ang kaniyang braso.
"Mom, mauna na kami sa loob, ako na ang maghahatid sa kaniya sa room niya," bulalas ni Sherryl sa ina.
Naroon pa rin si Auntie Sabel, nakaupo sa driver's seat, at kapapatay pa lamang ng makina. "Bakit? Magpupunta pa kami sa dean's office," tugon nito saka bumaba ng kotse at isinara ang pinto. Narinig na lamang nila ang tunog ng paglock nito gamit ang buton ng 'car key'.
"Naku, baka ma-late pa siya niyan. Dadalhin ko na lang si Peya roon bago mag-lunchtime, pareho kaming walang class ng oras na 'yon," sagot ng babae na muling hinila ang kaniyang kamay. Halos madapa na lang siya sa pagmamadali nitong tila hinahabol ng oras.
"Mag-ingat kayo!" Narinig niyang pahabol ng tiyahin.
Tumatakbo sila sa damuhan patungo sa kanilang departamento na magkatabi lang. Saka naman niya naramdaman ang mainit na tinging ipinupukol ng mga estudyante sa paligid. May kung anong pinagbubulungan ang mga ito habang nakatingin sa kanila.
Kahit hindi na niya naririnig ang isipan ng ibang tao, may pakiramdam siyang tungkol 'yon sa bago niyang ayos. Kasalanan ito ni Sherryl na nagpumilit sa kaniyang magpasalon kahapon. Ang gusto pa nga nito na ipa-rebond ang kulot niyang buhok, pero tumanggi siya, at hindi rin umayon ang hairdresser dahil maganda raw ang pagkakulot ng buhok niya.
Kaunting ayos lang daw ang kailangan at ito ang kinalabasan, hindi na ito mukhang buhaghag at kahit paano ay kakikitaan na rin ng estilo. Ang kagandahan lang ay hindi na ito sumasagabal sa kaniyang mukha. Kanina nga ay naisipan pa ni Sherryl na itali ang ilang bahagi nito sa kaniyang likod.
Nagawa rin siyang lagyan ng manipis na meyk-ap ng pinsan. Nang subukan niyang magreklamo ay sinimulan naman siya nitong dramahan kanina. Wala na tuloy siyang nagawa kung hindi pumayag sa gusto nito. Pasalamat lang talaga ito at bumagay naman 'yon sa kayumanggi niyang balat. Hindi na siya nalalayo sa karaniwang ayos ng mga babaeng estudyanteng nag-aaral sa prestihiyosong unibersidad.
Pero ngayon ay nag-aalangan siya dahil baka masagwa pa rin ito para sa iba.
Ang pinsan din ang pumili ng kaniyang maisusuot. Orange na blouse na ipinares sa black skirt na hanggang tuhod. Namili kasi sila kahapon gamit ang trust fund na naitabi naman ng kaniyang tiyahin.
BINABASA MO ANG
In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)
ParanormalA Paranormal-Love Story *** Sa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging...