Parallel 27

1.2K 145 30
                                    

Maririnig sa buong unibersidad ang malakas na pagkulog, kasabay ng panaka-nakang pagkidlat. Sa kabila ng nangangalit na kalangitan at malakas na pagbuhos ng ulan, masaya siyang tinatahak ang daan patungo sa kabilang gusali.

Gamit ang payong, halos manakbo na si Cassy para lamang makarating doon. Pagdating niya sa tapat ng building kung saan niya nakita noong nakaraang gabi si Jacob, saglit niyang inilagay sa umbrella rack ang basang payong, saka siya pumasok sa malaking pinto.

Pabor sa kaniya na gagabihin ang pag-eensayo ng kakambal kaya naisipan niyang puntahan si Jacob, tutal ay magkakilala na sila. Isa pa, kailangan na rin niyang maibalik ang libro.

Pero siyempre, isa lamang itong dahilan.

Hindi niya alam kung bakit, pero parang mayroong humihila sa kaniya patungo kay Jacob. Kung noon ay sabik na sabik siyang hanapin ang taong may-ari ng libro. Ngayong nakita na niya, mas lalong tumindi ang kaniyang paghahangad na ito'y makilala. 'Di siya sigurado kung dahil ba sa kalagayan nito, ngunit nararamdaman niya na kailangan niya itong maprotektahan.

Kagabi, sa kanilang pag-uwi ay kaagad niyang tinawagan ang isa sa mga tauhan ng kaniyang ama. Nagpasuyo siya na mag-order ng sapatos, t-shirt, at pantalon mula sa isa sa kanilang kumpanya. Ang lahat ay ipinadala niya sa bahay ni Profesor Black kung saan tumutuloy ang lalaki.

Sa kaniyang pag-akyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag, medyo napapaisip siya sa mga babaeng nakasalubong dahil sa matalim na pagkakatingin ng mga ito. Ipinagpatuloy niya ang paghakbang, pero kahina-hinala ang kanilang paghinto sa kalagitnaan ng baitang.

Nang makaliko ay nakita niyang patuloy pa ring nakatingin sa kaniya ang mga ito. Na tila ba mayroon siyang nagawang napakalaking kasalanan sa mga babaeng kulang na lang ay maglabas ng apoy sa mga mata.

Nagulat na lamang siya sa napakalakas na pagkulog, kasabay ng pagkidlat na animo'y pumasok rin sa hagdan na kinaroroonan. Kaagad siyang napapikit ngunit sa kaniyang pagdilat, parang bulang naglaho sa hangin ang mga babae.

Sanay na siyang makakita ng mga ganoon, pero hindi niya maiwasang magtaka kung ano ba ang kanilang problema. Bakit kaya palaging masama ang pagkakatingin ng mga nilalang na iyon sa kaniya?

Kaya naman pala, hindi niya mabasa ang mga 'yon.

Nahihintakutan man, muling itinuloy ni Cassy ang pag-akyat sa hagdan. Nang makarating sa ikalawang palapag, kaagad niyang tinungo ang banyo kung saan nakita si Jacob kagabi. Nagbabakasakaling naroon ito, ngunit sa kaniyang pagpasok, wala naman siyang ibang nadatnan.

Naglakad nga siya hanggang sa dulo dahil baka naroon ito, pero hindi niya ito matagpuan.

"Wala siya rito," wika ng tinig ng isang babae, na mayamaya rin ay nakita niyang lumusot mula sa pinto ng isa sa mga cubicle. Kakaiba ang kasuotan nito. Mukhang uniporme 'yon noong unang panahon, pero hindi rin niya masiguro.

Baka mag-aaral ito sa unibersidad noong nabubuhay pa.

Kanino kaya itong 'alaala'?

Humakbang na siya at pinilit ang sariling huwag na itong intindihin, pero sumunod naman ang nilalang sa kaniya.

"Ha! Alam ko nakikita mo ako, bakit ka nagpapanggap na hindi?" Sarkastiko itong napahalakhak. "Masyado kang mapagpanggap, akala mo ba ikinaganda mo 'yon? Eh, pumuti ka lang naman. Wala ka namang masyadong ipinagbago, pangit ka pa rin 'gaya ng dati!" pahayag nito sa mala-kolehiyala nitong pananalita, na taliwas sa suot nito.

Nilingon niya ang babaeng may malinaw na itsura. "Anong sinabi mo?"

"Hayan! Eh, 'di, nakita mo rin ako. Ang sabi ko pangit ka. Wala kang masyadong ipinagbago. Ganoon pa rin itsura mo!" bulalas ng babae sa nakakainis nitong tinig.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon